Chapter 3

456 14 2
                                    


Isang lalaking nakablack suit ang sumalubong sa kanila sa receiving area ng mansion. Pormal at nakakatakot ang itsura nito kumpara sa Chief nila.

"Nasa kaniyang opisina si Master Gio, Master Pierre, kanina ka pa niya hinihintay," salubong na bati ng lalaki sa kanila.

Master Pierre?

"Dom, ilang beses ko bang uulitin na 'wag mo na akong tatawaging Master," sagot naman ni Pierre.

Ngumiti ito. "Alam mong hindi ko puwedeng pagbigyan yan. Umakyat na kayo at sasalubungin ko pa ang iba pang mga bagong bodyguards."

"Siya nga pala si Carmela Marasigan. Siya ang ipinadala ni Sir Isaac," pagpapakilala sa kaniya ni Pierre. "Carmi, siya si Dominic Gavino, ang kanang kamay ni Gio."

"Ako ang Head Butler ng mansion, hindi kanang kamay," pagtatama nito kay Pierre.

Hmmmn, magkaibigan ang dalawang ito.

Umakyat sila ni Pierre sa isang malawak na hagdan. Sa itaas ay may dalawang pasilyo sa magkabilaan. Sa kanan sila nagtungo. Yumuyukod ang mga nakaunipormeng kasambahay sa kanilang dalawa. Naiilang tuloy siya.

Huminto sila sa harap ng isang pinto. Tatlong katok ang ginawa ni Pierre bago nito pinihit ang doorknob. Mula sa labas, bumungad sa kanila ang isang napakagarang opisina. Sa dulo ay natanaw niya ang isang lalaking may hawak na baril at nakatutok iyon sa kanila.

"Alam mong walang maglalakas nang loob na kalabanin ka sa loob ng mansion mo, Gio," saad ni Pierre. Napalunok siya nang magsimulang maglakad si Pierre palapit sa lalaki. Tila naman natuod siya sa kinatatayuan.

"Masyadong matatakutin ang kasama mo, ayaw ko sa kaniya," tugon ng lalaki.

"Sino ba namang matutuwa na sasalubungin ka ng isang nakatutok na baril?" Hindi niya napigilang magtaray. Aba, kung ayaw sa kaniya ng taong ito, mas lalong ayaw niya rito.

Ikinasa ng lalaki ang hawak nitong baril. At walang sabi-sabing ipinaputok nito iyon na ikinabigla niya.

"Huwag mong takutin nang ganyan ang bata ni Isaac, Gio," sabi lang ni Pierre na wala man lang anumang reaksiyon.

Mga baliw silang lahat.

***

"Sinusubukan lang ni Gio kanina," sabi ni Pierre habang binabagtas nila ang napakalawak na parking space ng mansion ni Giovanni.

"Napakagago," bulalas niya.

Nang makabawi siya sa pang-aaning ni Giovanni, ipinatawag nito ang secretary nitong si Dana, isang babaeng hindi nalalayo ang edad sa kaniya. Nakapang-opisina attire ito. Mahaba ang buhok na hanggang gulugod. Matangkad, maputi at sexy.

Nagpakuha si Giovanni ng dalawang baso ng tsaa para sa kanilang dalawa. Nang makarating ang tsaa ay saka lang tumayo mula sa mesa nito si Giovanni at naupo sa katapat nila.

Ipinakilala nito ang sekretarya at inutusan itong bumalik na sa opisina nito na maagap namang sinunod ni Dana. Nang makalabas saka lang siya ipinakilala ni Pierre.

Si Giovanni Henderson. Bachelor. May hawak nang seventy percent sa negosyo ng pamilya Henderson. Habang nag-uusap sila, ipinaliwanag ni Giovanni ang mga patakaran niya sa trabaho. Una, bawal magkaroon ng karelasyon sa mga bodyguards. Abala lang daw kasi iyon sa trabaho.

"Totoo namang abala ang relasyon sa trabaho. Kahit sa mga private sectors, bawal ang romantic relationships between employees," ani Pierre nang nasa loob na sila ng kotse nito.

Mukhang abala yata yung Dominic sa pagsalubong sa iba pang bodyguards na ipinadala kaya hindi nila ito nakita nang umalis sila sa mansion.

Ang ikalawang patakaran, anuman ang impormasyong malalaman nila sa negosyo at sa pamiya Henderson, hindi nila puwedeng ilabas at sabihin kahit kanino.

The Legendary Red-Eyed GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon