Kabanata 4
Valentine's Day
Nagsimula ang Valentine’s Day sa pagbili ko ng Toblerone at tatlong roses. Masakit sa puso ang pagbili ko ng mga yun dahil ginamit ko pa talaga yung allowance ko! Pero kasi nga diba, kailangan kong panindigan yung sinimulan na!
Naligo naman ako sa papuri kesyo ang sweet daw ni Calvin dahil ang aga-aga pa ay nagbigay na ng chocolate at roses sa akin. Nabingi na rin yung tenga ko sa kasasabi nina Flare kung gaano ka-inggit si Gail dahil walang nagbigay sa kanya ng kahit isang petal lang ng rose. Naawa naman ako sa kanya. Kasi feel ko yan dati eh! Pwede na rin na hanggang ngayon kasi peke naman talaga si Calvin.
Pero nagulat ako nang may nakita akong rose sa upuan ko. Kakakagat ko palang dun sa hamburger na binili ko sa canteen namin. At pagbalik sa classroom, yun na! Nakita ko na yung rose dun!
“Hannah?” Siya yung katabi ko.
Tinaas niya yung kanang kamay niya na parang nagsasabing, “Wait lang!”. Nagbabasa kasi siya ng aklat.
Tumango lang ako assuming na nakikita niya ako sa sulok ng mga mata niya tas umupo na. Kaharap ko ngayon yung rose. Ayaw kong galawin baka naman kasi masabi pa nung nagbigay na medyo interested ako sa binigay niya. Di ko pa naman siya kilala. Tsss.
“Ano yun, Erin?”
“Ano, nakita mo ba kung sino ang naglagay nitong rose dito?”Tanong ko sabay turo dun sa rose.
Tinignan niya naman. Napansin ko agad ang recognition sa mga mata niya.
“Aaaah. Oo! Nakita ko! Si Fade ang naglagay niyan diyan! Nakakatawa nga eh. Hinagis niya kasi yan mula sa likuran ko kaya naman nahulog sa sahig. Nalaman ko tuloy na siya ang naghagis kasi kinuha niya sa sahig iyan at nilagay nang maayos sa upuan mo.”
Pagkarinig ko nun ay agad naman pumasok ang maraming sun rays sa classroom namin! Ang saya! Si Fade?! Seriously, Lord?! Siya yung nagbigay nito? Salamat po!
Tumango lang ako habang pinipigilan ang pag-ngiti ko nang malaki.
“Aaaah. Sige. Salamat ah?”
“Sure!” Tas binalik na niya yung atensyon niya sa makapal na aklat na binabasa niya.
Lumabas ako ng classroom at hinanap si Fade. Dala-dala ko pa talaga yung rose na binigay niya. Naaaaakuu!!! Ang sarap talagang hawakan ng mga thorns! Sarap din kainin ng petals! Pero di pwede kasi ito lang yung physical remembrance niya sa akin sa loob ng apat na taon!
Nakita ko naman siya na umiinom ng Coke dun sa may benches malapit sa entrance gate ng school namin. Kasama niya sina Harold at yung ibang boys na classmates ko.
Tumayo siya agad nang makita akong papalapit sa kanila. Sa KANYA.
Nasusuka na ako ng sun rays pero pinipigilan ko lang! Pramis!
“F-Fade.”
“Oy, Erin!” Nag-smile lang ako kay Harold tas nag-wave.
Tinignan ko na ngayon si Fade. Nakita ko namang dumaloy yung tingin niya mula sa mukha ko hanggang sa mga kamay ko. Namula siyang bigla nang makita yung hawak ko.
Wag ganyan, Fade! Baka maihi ako ng sun rays! Jusko!
“S-salamat nga pala para dito!” Sabi ko calmly habang tinaas yung rose para makita niya nang tuluyan.
“W-walang anuman.” Tumingin siya sa akin at agad niya namang binawi. Tas tinapon niya yung Coke can sa basurahan sa gilid.
Tatanungin ko na sana siya kung bakit siya nagbigay ng rose, kaso sinagot na niya ako.
“Regalo ko yan sayo dahil hindi ka na nag-iisa. Congrats!” Nabigla naman ako sa tono ng boses niya. Parang galit na nanghihinayang. Bitter kumbaga. Pero bakit dapat bitter yung tono niya?
Tapos lumingon siya kay Harold at nag-nod.
Tumayo naman sina Harold at yung ibang boys.
“Una na kami, Erin.” Aniya.
“H-ha? S-sige.”
Nauna nang naglakad pabalik ng building namin si Fade. Ni hindi siya nag-smile o tumingin man lang sa akin.
“Pasensya na, Erin. May pinagdadaanan lang si Fade ngayon.” Bulong sa akin ni Harold. Tapos tinapik niya yung balikat ko at umalis na rin nang tuluyan.
Tumingin ako sa direksyon niya nagbaba-sakaling lilingon din siya. Pero ikinalungkot ko nang husto nang si Harold yung lumingon at tinawag ako kasi paakyat na rin daw si Miss Sanchez.