"Wala pa pong ibang nakakapunta sa talon maliban po sa inyo. Simula po nang mawala kayo dito ipinagbabawal na ni sir Freddie ang pagpunta ng iba sa talon."
Napangiti ako sa mga narinig mula kay mang Cannor. Isa siya sa mga pinagkakatiwalaan ng pamilya namin sa pamamahala dito sa hacienda. Siya rin ang nagbabantay sa isang napaka special na lugar para sa akin. Ang isa sa mga sekreto at pribadong lugar dito sa hacienda namin. Sa lugar kung saan halos ituring ko nang tahanan. Ang ilog. Ang talon. Ang kubo. Ang aking tambayan noon.
"Okay pa po ba ang kubo?" Ang tanong ko kay mang Cannor.
"Okay na okay po. Nang malaman ng mga magulang niyo na babalik na kayo dito ay agad nilang pinaayos ang kubo. Mas malaki na po ito kesa noon. Mas angkop na po raw sa edad niyo ngayon. Hindi na nga ito matatawag na kubo. Dahil parang bahay na ito sa laki at ganda. May isang kwarto at kusina na ito na sadyang pinagawa para sa inyo." Ang mahaba niyang turan. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti. Nasasabik na rin akong makita ang aking dating tambayan.
"Gusto ko pong pumunta sa ilog."
"Pero gabi na." Ang sabi ni Juan.
Hinawakan ko siya sa kamay at ngumiti ako sa kanya. "Wag kang matakot. Kasama mo naman ako. At isa pa, ligtas naman tayo dahil wala namang mga mababangis na hayop ang naliligaw sa ilog. At tiyak magugustuhan mo ang lugar na 'yun." Pagkatapos kong sabihin yun kay Juan ay humarap naman ako kay mang Cannor. "Tama po ba ako mang Cannor?" Ang tanong ko rito. Napansin ko pa na nakatingin ito sa kamay ko na nakahawak sa kamay ni Juan. Nang mapansin niyang nakatingin ako sa kanya at naghihintay ng sagot ay bigla siyang nataranta.
"Ay..opo..opo Sir. Ligtas po sa ilog." May kinuha siya sa kanyang bulsa at iniabot sa akin. "Heto po ang susi sa bahay. Kanina po pumunta ako doon. Naglagay po ako ng mga prutas doon dahil inutusan ako ng mama niyo."
Nakangiting kinuha ko naman sa kanya ang susi. Nagpapasalamat ako dahil hindi nila ako tinatawag sa totoo kong pangalan. Dahil kung nangyari yun alam kong magagalit sa akin si Juan dahil sa pagtatago ko sa totoo kong pagkatao. Sir kundi Boboy ang tawag nila sa akin. Yun kasi ang palayaw ko na ipinagpasalamat ko naman. Hindi pa pweding malaman ni Juan ang totoong ako. Hindi pa ito ang tamang oras na malaman niya na ang Silk Rude na hinahanap niya at pinapaniwalaan niyang ama ay ako. Hanggat hindi ko pa nahahanap ang totoo niyang ina, hindi niya rin dapat malaman na ako at ang taong hinahanap niya ay iisa.
Oo, ipinapahanap ko na ang kanyang ina. Wala akong pakialam kung malaki man ang magastos ko. Ang mahalaga ay mahanap at malaman ko ang totoong pagkatao ni Juan at kung ano ang kaugnayan ko sa kanya, sa kanyang ina pati na rin sa kanyang ama. Gusto kong malaman kung bakit pangalan ko ang ginamit nila para paniwalain ang umampon kay Juan na ako ang kanyang totoong ama.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
."Wow! Ang ganda!"
Ang biglang bulalas niya nang makita niya ang nag niningning na tubig sa ilog dahil tumatama dito ang liwanag ng buwan. Napahanga rin siya sa talon na naroon. Ang malamig na hangin na bumabalot sa aming katawan at ang magandang tanawin na nababalutan ng liwanag ng buwan ay nakakagaan sa pakiramdam.
Lumapit siya sa ilog at binasa niya ang kanyang kamay. "Ang lamig. Ang sarap ng tubig sa balat." Ang natutuwa niyang sabi. Napapasunod nalang ako ng tingin sa kanya habang may ngiti saking mga labi.
Hinayaan ko muna siyang pagmasdan ang paligid. Pumasok ako sa dating kubo na ngayon ay bahay na ang laki. Binuksan ko ang ilaw. Hindi ko maiwasang mapamangha nang makita ko ang loob nito. May mga gamit na dati ay wala. May mga larawan ko na nakasabit sa dingding. May maliit na mesa sa gitna. Pumunta ako sa kusina. May mga plato at baso din. Halatang bagong-bago. Pumunta rin ako sa nag iisang silid. At mas lalo akong namangha nang makita ko ang loob nito. May master bedroom na sa gilid naman nito ay lampshade. May maliit na lamesang napupuno ng mga aklat. Noon paman mahilig na talaga akong magbasa. Simple lang ang kwarto pero iba na ang dating sa akin.