Chapter 14

1.6K 41 0
                                    

Hinanap ni Sarah ang kanyang mga kaibigan ng makabalik siya sa loob. Biglang dumami ang tao kaya nahirapan siyang makita ang mga ito.

"Iha," salubong sa kanya ng isang matandang babae. Halos ang buhok nito ay kulay puti na. Gumagamit din ito ng lumang tungkod.

"Bakit po?"

"Bakit iyong isa niyong kasama papasok kanina ay nakangiti? Mukhang napakasaya niya habang sumusunod sa inyo. Siya rin ang naiiba ang damit dahil kulay puti iyon. Lahat kaming magkakatabi ay nagtataka kanina pa."

Ngayon ay naalala niyang isa ito sa mga matandang nakatitig sa kanila ng naglalakad sila patungo sa kinahihimlayan ni Nico.

"Pare-parehas naman po kaming apat na nakaitim hindi po ba? Nagpapakita po na nakikiramay kami sa pagkawala ng aming kaibigan." Malungkot niyang sagot.

"Lima kayong pumasok kanina iha" laking gulat ng matanda. "Wala pang sapin sa paa iyong isa niyong kasama at napakadungis niya. Isa pa ay namumutla ang babaeng iyon na para bang sunog ang ilang parte ng kanyang katawan."

"Imposible po iyan." Bigla siyang kinabahan. Muli ay pumasok sa kanyang isipan si Vanessa. Muli kaya itong nagbalik?

"Hindi ako pwedeng magkamali iha dahil ngumiti pa siya sa akin." Naglakad ito paalis. "May sasabihin pa pala ako."

Muli siyang tumingin dito ng bahagya. "Ano po 'yun?"

"Sabihin mong mag-ingat iyong isa mong kaibigan at magdasal. Nakita ko kasing wala ang kanyang ulo. Sabihin mong sunugin niya mamaya iyong damit na ginamit niya ngayon para makontra niya."

"Sino pong.."

Hindi na niya naituloy ang sasabihin ng may isang babaeng kumuha sa matanda at inilakad palayo sa kanya. Nais sana niyang alamin kung sino ang tinutukoy nito para agad kontrahin iyon.

Muli niyang hinanap ang kanyang mga kaibigan at nadatnan niya ang mga itong nagpapaalam sa mga magulang Nico. Nang palapit siya ay ngumiti siya ng kaunti bilang pagbati.

"Mag-iingat kayo" sabi ng mama ni Nico.

Tumango sila.

Umalis sila gamit ang isang itim na sasakyan. Pag-aari iyon ni Mary Rose.

Nang binabagtas nila ang daan ay nagtaka siya ng mapansin niyang hindi papunta sa kani-kanilang inuuwiang bahay ang daang kanilang tinatahak. "Saan tayo papunta?"

"Sa school" sagot ni Tricia habang nakatuon ang tingin sa madilim na daan. "Napag-usapan namin kanina."

"Pero bakit? Ano ang gagawin natin doon? Hindi ba at bawal pumunta doon lalo na ngayon dahil gabi na?"

"Oo at alam namin" sagot ni Christopher. "Gusto ko lang makita kung saan natagpuan si Nico. I just need answers" bumuntong hininga ito.

Bumuntong-hininga rin siya. Pagkatapos kasing kunin ng ambulansya ang katawan ni Nico ay agad ng pinauwi ang lahat ng mag-aaral. Sa kanilang magkakaibigan ay siya lang ang nakakita ng aktwal. Kung ano ang itsura ni Nico kaninang umaga.

Pagdating sa kanilang paaralan ay nadatnan nilang napakatahimik at bahagyang madilim. Iilan lamang ang nakabuhay na ilaw sa paligid.

Nang tumingin siya sa kalangitan ay natatakpan ng ulap ang kalahating buwan. Sa tantiya niya ay pasado alas-onse na ng gabi.

Inilabas ni Mary Rose at Christopher ang apat na maliliit na flash light. Kinuha nila iyon sa compartment ng sasakyan kaya naisip niyang pinag-usapan talaga nila iyon ng hindi siya kasali. Malamang alam nilang hindi siya papayag. Never niya kasing brineak ang school rules. Natatakot siyang mapagalitan ng kahit na sinong guro.

I KNOW WHAT YOU DID LAST SUMMER (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon