Tinanggal ni Reizelle ang nakasalpak na headset sa kanyang tenga ng makita niya ang napakalaking arko ng Barangay Batac. Agad siyang napangiti pagkatapos ay nagpakawala ng isang maiksing hininga.
Finally! malapit na siyang makarating sa sadyang bayan. Laking pasasalamat niya sa ina at napapayag niya itong magbakasyon siya sa bahay ng bestfriend niyang si Vanessa. Isang linggo lang muna siya doon pagkatapos ay uuwi na rin siya agad. Sa katunayan ay mananatili na rin sila sa Barangay Batac sa susunod na linggo. Hindi lang siya makapaghintay na ibalita sa kanyang bestfriend na sa Paoay Lake University na rin siya papasok. Kaytagal niyang hiniling iyon sa mga magulang. Ang nakakatuwa pa ay sabay silang magtatapos sa nasabing paaralan sa nalalapit na pasukan.
"Oh Batac! Batac! Batac!" Sigaw ng kundoktor habang kinakalampag ang bus. Dahil doon ay nagising ang ilang natutulog na pasahero.
Agad niyang inayos ang sarili at ang mga gamit. "Kuya, bababa po ako sa may munisipyo."
Tumigil ang bus. Bumaba siya at pumara ng tricycle. Papasok kasi iyon sa isang sitio. Malayo naman kung lalakarin niya, isa pa ay may mga bitbit siyang pasalubong sa kaibigan kaya kailangan talaga niyang magtricycle. Ilang minuto lang ang byahe niya bago marating ang bahay nina Vanessa.
"Kuya bayad po" iniabot niya ang singkwenta pesos pagkatapos ay kinuha ang sukli. Isinukbit niya ang dala-dalang bag at naglakad siya pababa sa may bukid.
Kailangan muna niyang daanan ang ilang taniman ng palay bago niya marating ang munting bahay na gawa sa kawayan ng kanyang kaibigan.
Nang nasa baba na siya ay may mahinang boses na tumawag sa kanyang pangalan.
Reizelle...
"Vanessa ikaw na ba iyan?" Hindi na maipinta ang saya sa kanyang mukha. "Ang daya naman. Susorpresahin sana kita e, bakit alam mo ng nandito ako? Sinabi ba ni tita sa iyo?"
Umikot siya para hanapin ito ngunit wala naman siyang makita. Maliban sa hinahanging dahon ng palay at mga damo.
Maya-maya ay nakarinig na siya ng iyak ng isang babaeng humihingi ng tulong.
Tulong.. Tulungan mo ako.. Pagsusumamo ng tila hirap na hirap na boses. Reizelle..
Umikot siya ng may maramdaman niyang may isang malamig na boses na bumulong sa kanya. Pakiramdam pa niya ay nanlamig ang kanyang likod.
"Siguro napagod lang ako sa byahe o di kaya ay masyado lang akong excited kaya kung ano-ano na ang naririnig ko." Sabi niya sa sarili kahit na tinatayuan na siya ng balahibo. Itinuloy na lamang niya ang paglalakad.
Nang makarating siya sa naunang bahay ay nadatnan niyang nagwawalis ng bakuran ang isang matanda. Sa pagkakatanda niya ay si Nana Adaoag ito.
"Magandang araw po" bati niya.
"Magandang araw din iha." Itinigil nito ang pagwawalis ay tinitigan siya. "Aba'y napakadalaga mo na pala at napakalaki."
"Marami pong salamat sa puri niyo. Buti naman po at natatandaan niyo pa ako."
"Oo naman iha. Ikaw ang kalaro ni Vanessa dati hindi ba?"
"Opo" ngumiti siya.
"Sayang ang batang iyon" nanlulumo nitong bigkas.
"Ano po?"
"Wala! Wala iha! Huwag mo na lamang akong pansinin." Iwinagayway pa nito ang kamay.
Tumango na lamang siya. Ano kayang ibig nitong sabihin? Bigla siyang kinabahan.
Naglakad siya paalis pagkatapos niyang magpaalam. Sa ngayon ay nasa harap na siya sa bahay ng kaibigan. Napakatahimik ng paligid. Parang walang katao-tao.
Dapat ay nasa may bintana si Vanessa. Madalas na tumambay doon iyon kapag walang pasok. Paborito niya ang lugar na iyon dahil madalas siyang nagbabasa ng mga kababalaghan. Pero nakapagtatakang nakasarado ang bintana.
Napaigtad siya ng biglang gumalaw sa kanyang tabi ang gulong na duyan. Parang may sumakay doon. Nakapagtataka nga lang dahil wala namang tao.
Habang papalapit siya sa pintuan ay biglang humangin ng mahina. Mula sa kanyang paa ay nagsiliparan ang dahon ng mangga.
Bakit ba napakaweird na palagid ngayon?
Kumatok siya. "Vanessa? Tao po?" Untag niya. Walang sumasagot kaya muli siyang kumatok. Tok! Tok! Tok!
Nang tumingin siya sa bintana ng katabing bahay ay nakatitig sa kanya ang isang batang lalake. Nginitian niya ito ngunit nakapagtatakang nagtago ang bata pagkatapos ay pabalibag na isinara ang takip ng bintana.
Muli niyang ibinalik ang tingin sa pintuan at muli siyang kumatok. Ngunit gaya ng dati ay wala paring sumasagot.
"Wala kaya sila?" Natanong niya sa sarili. Hindi kaya ay namasyal sila sa kamag-anak o kakilala? Impossible namang mangyari iyon dahil sa pagkakaaalam niya ay wala namang kamag-anak ang kanilang pamilya. Nagtanan kasi ang parents ni Vanessa.
Umikot siya para tumungo kay Nana Adaoag. Nais niyang magtanong dito kung nasaan sila. Gaya kanina ay nagwawalis pa rin ito.
"Nasaan po sina Vanessa? Nagbakasyon po ba sila sa ibang lugar?"
Hindi sumagot ito. Iniunat lamang niya ang braso para ituro ang isang lugar.
Mula sa pagkakatitig niya dito ay tumingin siya sa itinuturo nito. "Doon po sa sementeryo?"
Tumango ang matanda.
"Patay na po ba ang papa niya?" Sa pagkakatanda niya ay may sakit itong malala noong huli siyang bumisita.
"Pumunta ka na lang doon iha para malaman mo ang sagot."
Siya naman ang tumango. Patakbo siyang tumungo sa sementeryo. Habang nag-uunahan ang kanyang mga paa ay nararamdaman niyang bumibilis ang pagtibok ng kanyang puso dulot ng kaba.
Agad niyang nahanap ang nanay ni Vanessa. Nakasuot iyo ng lulumaing terno habang nakayoko ito sa isang bagong sementong puntod habang umiiyak.
Dahan-dahan siyang lumapit. Siguro nga ay namatay na ang tatay ni Vanessa. Ngunit bakit dalawa ang puntod?
"Tita.." tawag niya.
Tumingin sa kanya ang matanda. Mababakas sa mukha nito ang pait, hirap at sakit.
"Reizelle" tumayo ito at niyakap siya. "Wala na siya iha! Wala na siya!" Bigla na lamang itong humagolgol.
Habang nakayakap siya dito ay bigla na lang din siyang napaluha. Hindi rin niya alam ang rason kung bakit din siya umiiyak.
"Patay na siya iha.." garalgal na boses nito.
Bumitiw siya sa pagkakayakap at lumapit siya sa isa sa mga puntod. Bumaha ng luha ang kanyang mga mata habang napapatuhod sa may lupa. Kitang-kita niya ngayon sa kanyang harapan ang lapida ni Vanessa.
Media:
Siya si Vanessa. Simple lang siya. Ang gusto lang naman niya ay magkaroon ng madaming kaibigan.
BINABASA MO ANG
I KNOW WHAT YOU DID LAST SUMMER (COMPLETED)
TerrorLahat ng bagay ay may kapalit at walang sikretong hindi nabubunyag. Simula ng magbalik eskwelahan ang magkakaibigang Sarah, Mary Rose, Tricia, Nico at Christopher ay nakaranas na sila ng kababalaghan. Isang nakaputing babae ang laging nagpapakita at...