ALENA's POV
Nang magising ako, si Chase ang una kong nakita. Nakaupo siya sa tabi ng kama kung nasaan ako nakahiga.
“Nasaan ako?” tanong ko. Pinagmasdan ko ang paligid. Nasa loob ako ng isang puting kwarto. May mga medikal na aparato sa kanan ko habang may dextrose naman na nakasaksak sa kaliwang kamay ko.
“Nasa ospital ka,” tugon niya. Napansin ko rin na nakasuot ako ng lab gown pampasyente.
Kahit nakakaramdam ng panghihina, pinilit ko ang sarili ko na makabangon. “Anong ginagawa ko rito?”
“Huwag ka munang tumayo. Baka makasama sa’yo.” Inalalayan niya na lang ako nang makitang desidido akong bumangon.
“Anong ginawa ni Maria? Sagutin mo ako.” Namutla bigla ang mukha niya. “Chase, unti-unti na niya akong natatalo. Mas nagiging dominante na siya kaysa sa akin. Inuunti-unti na niya akong pinapalitan. Unti-unti na niyang kinukuha ang buhay ko. Pati ang anak ko, ang anak natin, gusto niyang angkinin.”
Walang naging sagot si Chase. Pinagmasdan ko ang mukha niya na wala halos nagbago. "Bakit parang hindi ka nagulat?"
Yumuko lang siya at wala pa rin naging sagot.
"Chase! Ano ba!"
Nanlumo ang mukha niya. "Please, kumalma ka muna. Sasabihin ko na."
“Ano ba talagang nangyari, Chase?”
Humigop muna siya ng maraming hanging bago sumagot. “Nalaglag ang baby mo.”
Parang tumigil ang mundo ko nang bitawan niya ang mga salitang iyon. Tila pansamantalang naging manhid ang katawan ko na kahit ang pagtulo ng luha sa mga pisngi ko’y hindi ko naramdaman.
“Kasalanan niya ‘to!” Biglang sumikip ang dibdib ko kaya nahirapan akong huminga. Napahawak ako kay Chase. “Chase, pinatay niya iyong magiging baby sana natin. Chase, mamatay tao siya!”
“Alena, please kumalma ka." Pinigilan niya ako na pilit na nagpumiglas para bumaba ng kama." Huwag mo muna siyang sisihin. May kailangan kang malaman.”
Natigilan naman ako sa sinabi niya. "Anong dapat kong malaman?"
“Binata pa lang ako noon nang malaman kong mababa ang sperm count ko. At kamakailan lang nagpa-check ulit ako kung nagawa ba ng mga gamot na baguhin ang kundisyon ko, pero walang nagbago." Tumingin siya diretso sa mga mata ko. "Alena, baog ako.”
“Ano?” Sandali akong natulala. “Ibig sabihin, anak ni Maria iyong namatay. Ano ba talagang nangyari? Bakit nalaglag ang bata?”
“Ayon sa mga pulis, nabundol raw siya habang may hinahabol na kotse.”
“Noong huli kaming nag-usap, pupuntahan niya sana iyong lalaking nakabuntis sa kaniya. Hindi kaya hindi tanggap ng lalaki iyong baby. Posible iyon, hindi ba? Kung ganoon nga, hindi mo ba naisip na baka sana blessing in disguise ‘yong baby sa atin. Ako rin ang magdadala ng anak ni Maria kaya anak ko rin iyon. Anak rin sana natin. Pero dahil sa kagagawan ni Maria, namatay iyong baby.”
Sinubukan kong tumayo.
“Tulungan mo akong tumayo. Kakausapin ko iyang Maria na ‘yan.”
“Alena, huwag ka munang tumayo. Hindi ka pa magaling,” saad niya habang pinipigilan ako na tumayo sa kama.
Pero sadyang mapilit ako. Wala siyang nagawa kundi alalayan na lang ako papuntang banyo. Humarap ako sa salamin. Kumapit ako sa maliit na lababo.
“Maria, lumabas ka riyan!” bulalas ko. “Ano nahihiya ka sa katangahang ginawa mo? Nahihiya ka? Hindi ka nga nahiyang angkinin ang katawan ko at magpabuntis sa iba. Ngayon ka pa nahiya. Lumabas ka riyan!”
"Tama na, Alena," pagpigil sa akin ni Chase. "Baka makasama lalo sa kondisyon mo."
Walang Maria na lumabas.
Hinampas-hampas ko iyong salamin. “Kung miserable ka, huwag mo na akong idamay! Matagal nang miserable ang buhay ko! Huwag mo ng dagdagan ang paghihirap ko! Utang na loob!”
Bigla akong nahilo. Mabuti at nasalo ako ni Chase bago pa man ako tuluyang bumagsak. Inalalayan niya ako pabalik ng kama habang maingay na umiiyak.
Paglipas ng ilang araw, pumayag na rin ang doktor na lumabas ako. Nakauwi na rin ako sa wakas.
Kinuha ko ang telepono ko. Maraming teks at mga tawag na hindi nasagot galing kay "Hallowblocks Supplier". Noong isang araw pa, ngayon ko lang nabasa. Ngayon ko lang kasi binuksan ang telepono ko.
Ang ilan sa mga teks niya ay:
“Maria, nabalitaan ko iyong nangyari sa’yo. Nasaaan ka? Pupuntahan kita.”
“Kausapin mo ako, please.”
“Maria, patawarin mo ako. Nakipaghiwalay na ako sa kaniya. Hindi na ako papayag na paghiwalayin tayo ni Dad. Nakipaghiwalay na ako kay Gretta. Wala na akong pakialam sa sasabihin nila at hindi na ako makikinig sa kanila.”
“Nakikiusap ako. Kausapin mo ako.”
Habang nagbabasa ako ng mga teks, may dumating na bago mula sa kaniya pa rin.
“Maria, hahanapin kita. Mahal kita.”
Pinatay ko iyong telepono ko. Ngayon naghahabol siya kay Maria. Pero bago ko man napatay iyong phone, may narinig akong nagsalita.
“Kung minahal mo talaga ako, hindi ito mangyayari sa akin.”
Tuluyan kong pinatay iyong telepono. Tumayo ako at humarap sa salamin upang pagsabihan siya. Siya ang nakita kong repleksyon ko. Nakaputing bestida.
“Mabuti naman at nagpakita ka rin,” ani ko. “Ikaw ang dahilan kung bakit nalaglag ang baby ko. Kung pwede lang kitang saktan, ginawa ko na.”
“Alena, aksidente iyong nangyari. Alam ng Diyos na hindi ko rin iyon ginusto. At kung meron mang dapat sisihin, si Duke iyon. Siya ang may kasalanan kung bakit nalaglag ang baby.”
“Iyang kapabayaan mo, iyan ang pumatay sa baby.” Dinuro-duro ko siya.
“Alena, biktima rin ako rito. Biktima tayo pareho dahil iisa lang tayo. Tayo ang dapat na nagkakampihan. Tayo ang dapat na nagtutulungan. Si Duke ang dahilan kung bakit nalaglag ang baby. Sinaktan niya ako. Ang sabi niya sa akin, mahal niya ako pero nagpakasal siya sa iba. Alena, tulungan mo akong gantihan siya.”
Napakuyom ako ng kamao. Napatingin ako sa kawalan habang nanlilisik ang mga mata.
BINABASA MO ANG
She's Dominant (SPG/Mature)
Romance[TAGLISH] Alena, a victim of a controlling and abusive father, seeks control over to herself as her dark past and traumas try to seize her own body in the form of a new personality. *** Alena has always been a victim, dominated by her father and hau...