Kahit natatakpan halos ng buhok ang kalahating mukha niya, alam kong si Alena ang nasa harap ko. Ngumisi siya sabay bigla akong hinalikan. Napaatras ako. Isinara naman niya ang pinto sa pamamagitan ng pagsipa dito. Nang makorner niya ako sa dingding, may inilabas siyang tali mula sa maliit na bag na dala niya. Iginapos niya ako.
“Alena, para saan ba ‘to? Bakit ngayon pa na marami akong ikukwento dahil marami kang dapat na malaman? Hindi ka ba interesado roon?”
Ngumisi siya. Abala siyang itali ako. Hinigpitan niya ang pagkakatali. “Hindi ako si Alena.”
“Maria?”
“Mali.” Ngumisi siya. Natatakpan pa rin ng buhok ang kalahating mukha niya.
“Sino ka?” nanlalaki ang mga mata kong tanong.
Nagsuot siya ng balabal sa ulo. “Ako si Lizzie.”
Nanlaki ang mga mata ko at panandalian akong nakaramdam ng pagsikip ng dibdib. Siya rin ang babae na pumunta kay Mang Fred. Hindi ko pwedeng makalimutan iyong balabal na suot niya ngayon.
"Alena, lumabas ka riyan! Tulungan mo ako." Pinilit kong pumiglas pero mahigpit ang pagkakatali niya.
“Hindi ka na dapat nakialam, Duke. Hindi mo na dapat inungkat ang nakalibing na. Hindi mo na dapat ipinahanap kung sino ang gustong pumatay sa kaniya dahil dapat lang naman na mamatay siya.” Ibinaba niya ang bag niya sa sofa. “Hindi mo alam ang ginawa niya kay Alena.”
“Sa tingin mo ba magugustuhan ni Alena ang gusto mong mangyari kapag nalaman niya?”
“Anong pakialam ko?” Bumunot siya ng kutsilyo mula sa sapatos niya. “Ako ang dahilan kung bakit buhay pa sina Alena at Maria. Ako ang lumaban para sa kanila noong mga panahon na hindi na nila kaya. Kung mayroon mang dapat masunod, ako ‘yun. Utang nila lahat sa akin. Dahil kung hindi dahil sa akin, wala na sila. Kung hindi dahil sa akin, baka nagpakamatay na lang si Alena o namatay na lang siya dahil hindi niya kayang bumangon mula sa miserableng buhay niya. Kaya ako ang masusunod. At ang gusto ko, tanggalin sa landas ko ang mga hadlang. Hindi ko hahayaan may pumigil sa mga gusto kong mangyari.”
Ipinadaan niya sa leeg ko ang kutsilyo.
“Alena, lumaban ka!” sigaw ko. "Tulungan mo ako!"
“Wala na siyang magagawa."
Itinaas na niya ang kutsilyo at handa nang itarak ito sa leeg ko. Bigla siyang natigilan bago pa man iyong dumampi sa balat ko.
“Ano ba!” sigaw niya. “Huwag niyo akong pigilan!”
Tila naging estatwa siya sa posisyong iyon.
“Hindi ka namin hahayaang gawin iyan kay Duke,” saad niya. Bigla kong naramdaman ang presensya ni Alena sa mga litanya na binitiwan niya.
“Tama. Hindi ka namin hahayaan na patayin siya,” saad rin niya ngunit sa mas mahinhin na boses. Si Maria ang nagsalita sigurado ako. “Mamamatay muna kami!”
“Mga wala kayong utang na loob! Kung hindi dahil sa akin, wala na kayo!” tugon niya sa sarili. Pinipilit niya igalaw ang mga kamay niya.
“Ako ang may-ari ng katawan na ito. Mga parte ko lang kayo. Kung meron man dapat na may utang na loob, ikaw ‘yun. Dahil kung hindi dahil sa akin, wala ka! Bumalik ka sa pinanggalingan mo! Isa ka lang alter ego! Ako! Ako ang totoo! Ako ang masusunod!”
Bigla siyang sumigaw. Nabitawan niya ang kutsilyo at napahawak siya sa ulo niya. Para siyang lasing na kung ano-ano ang mga nababanga. Nagtapon pa siya ng ilang mga gamit.
"Hindi ito pwede!" sigaw niya.
Bigla siyang nawalan ng malay. Ilang sandali lang, para siyang biglang nagising mula sa pagkakalunod. Umuubo-ubo pa. Napabangon siya. Hinahabol niya ang hininga niya. Tumingin siya sa akin.
“Duke...”
“Alena, ikaw na ba iyan?”
“Ako na nga. Huwag kang mag-alala. Hindi ko na hahayaang bumalik pa sila lalo na si Lizzie.” Pinilit niyang bumangon. Lumapit siya para kalagan ako. Agad ko naman siyang niyakap nang makawala ako. “Duke, pwede mo ba akong kumpletuhing muli? Pwede mo ba akong tulungan na tulungan ang sarili kong maging buo ulit? Ayaw ko nang bumalik pa sila ulit. Ayaw ko nang mapunta ulit sa alanganin ang buhay mo. Hindi ka niya pwedeng masaktan. Pwede mo ba akong tulungang masiguradong hindi na iyon mauulit? Handa akong gawin ang lahat.”
“Kahit ano, Alena, gagawin ko at susuportahan kita. Basta para sa’yo at sa ikabubuti mo,” tugon ko.
Hinigpitan niyang lalo ang pagkakayakap sa akin.
BINABASA MO ANG
She's Dominant (SPG/Mature)
Romans[TAGLISH] Alena, a victim of a controlling and abusive father, seeks control over to herself as her dark past and traumas try to seize her own body in the form of a new personality. *** Alena has always been a victim, dominated by her father and hau...