MARIA's POV
Nang marinig ko ang malalakas na sigaw niya mula sa bahay na iyon na walang katapusan ang gabi, alam kong pagkakataon ko na upang palitan siyang muli. Ngunit papikit pa lang ako pagkahiga sa damuhan nang mawala ang malalakas na sigaw. Muli akong dumilat at bumangon. Lumapit ako sa bahay na iyon na nababalot ng dilim.Alam kong palabas na siya kaya nagtago ako sa gilid ng pinto. Kumuha ako ng bato sa sahig. Nang bumukas ang pinto kasunod nito ay ang paglabas ng batang siya. Unti-unting lumalaki at tumatanda hanggang sa makalabas siya ng bahay na iyon at ang itsura niya ang ang kasalukuyan na niyang anyo.
Pumikit siya. Ngunit bago pa man siya tuluyang makabalik sa katawan niya, pinukpok ko siya ng bato sa ulo. Pagdilat niya ay muli rin siyang hinigop ng bahay na iyon pabalik sa loob.
Tumakbo ako palayo sa medyo sira-sirang bahay na iyon na kamukha ng bahay namin. Nang wala na ako sa dilim, nahiga akong muli sa damuhan at pumikit. At ilang minuto lang, pagdilat ko’y tumambad sa akin ang kwarto ni Alena. Nakabangon na siya nang makabalik ako sa katawan niya. Kung ganoon, nakabalik na pala siya sa katawan niya kanina pero dahil sa ginawa ko’y bumalik muli siya sa bahay na iyon.
Hindi ko rin inasahan na pwede ko pala iyong gawin. Marami pa siguro akong kayang gawin sa tuwing mapapadpad siya sa mundo na iyon, sa mundo na ako ang reyna. Panigurado, hindi rin magtatagal ay maikukulong ko siya roon habang buhay at ako na ang magmamay-ari ng buhay na ito.
Kinuha ko ang telepono niya at tinawagan si Duke. Mabilis niya naman itong sinagot.
“Maria, bakit ngayon ka lang tumawag? Kanina pa kita inaantay,” bungad niya.
“Pasensya ka na. Napahaba kasi ang tulog ko. Sobrang pagod na pagod kasi ako.”
“Ayos lang. Pwede ba tayong magkita?”
“Oo naman.” Tumago pa ako kahit hindi niya naman kita.
“Sige, hintayin kita dito sa entrance ng mall.”
Ibinaba ko ang telepono at nagsimula nang mag-ayos.
Napansin kong nagamit ko na lahat ng damit na mayroon ako. Kakaunti lang kasi ang mga damit ko. Ang damit kasi ni Alena halos puro kulay pula. Halatang may tinatago siyang galit sa sarili niya. Hindi ko tipo ang mga ganoong kasuotan. Masyadong masakit sa mata suotin. Masyadong agaw pansin. Mayroong black pero made of leather naman. Hindi presko tingnan.
At dahil wala na akong nagawa, inulit ko na lang iyong damit ko. Iyong damit na binigay ni Shiela. Hindi naman siguro magtataka si Duke.
Pagkatapos mag-ayos, pinuntahan ko na ang lugar na napag-usapan namin ni Duke.
Lumapit ako sa kaniya na nag-aantay sa tapat ng entrance. Nakatitig siya sa akin habang papalapit ako sa kaniya. Naka-gray fitted shirt siya kung saan bumabakat ang kakisigan ng kaniyang katawan.
Nang malapit na ako sa kaniya, napatigil ako sa paglalakad. Napatitig rin ako sa kaniya. Walang mga salitang lumalabas sa bibig namin pero nagawa nitong mapabilis ang tibok ng puso ko. Tila naiintindihan ng mga mata ko ang sinasabi ng mga mata niya.
Maya-maya, naglakad na siya papalapit sa akin. Hinawakan niya ako sa kamay at hinila papunta sa loob ng mall. Hinila niya ako papunta sa isang shop na punong-puno ng iba’t-ibang puting damit. Mayroong puting tops, dress, palda, jeans at iba pa.
“Napansin ko kasi na naulit mo na naman iyang damit na iyan. Hindi ba’t iyan ang suot mo noong una tayong nagkita? Hindi ko iyan makakalimutan.”
Biglang uminit ang pisngi ko. Bigla kasing bumalik ang lahat. Naalala ko na naman ang una naming pagkikita.
"A tragedy turned into something magical. Buti na lang pumasok ako roon dahil baka hindi kita nakilala."
Pinapili niya ako ng mga damit. Kaunti lang ang pinili ko ngunit pinapili niya pa ako. Nang tumanggi ako ay siya na ang kumuha at dumiretso na siya sa cashier kaya wala na akong nagawa.
“Magpalit ka.” Inabutan niya ako ng isang white shirt at jeans. Sinunod ko naman siya at dumiretso ng banyo. Matapos magbihis, bumalik ako sa kaniya. Napangiti siya nang makita ulit ako.
“Napakaganda mo talaga kahit anong suot mo,” aniya. "Tara na?"
Tumango ako at sabay kaming naglakad palabas ng shop na iyon. Dumiretso siya papunta sa elevator at nagtataka lang akong sumusunod. Pinindot niya ang pinakamataas na floor nang nasa loob na kami.
Paglabas namin ng elevator, nasa rooftop na kami. Hinila niya ako ulit palabas. May mga mahahabang upuan at ilang disensyo na nagpaganda roon. Inukopahan namin ang isa sa mahahabang upuan at pinagmasdan ang mas matataas pang gusali kaysa rito. Maganda rin ang tama ng araw sa inupuan namin.
Humarap siya sa akin at tinitigan ako na para akong isang palabas. Hinawakan niya ang dalawang kamay ko. Huminga siya ng malalim.
“Alam kong masyadong mabilis ang lahat pero—“
Naputol ang sanang sasabihin niya. Bigla kasing tumunog ang telepono niya.
Tiningnan niya kung sino ang tumatawag.
“Sandali lang,” sambit niya.
Tumalikod siya sa akin at sinagot ang tawag.
“Dad, ang wrong timing mo naman.”
Sandali siyang natahimik upang pakinggan ang sinasabi ng kausap.
“Ano? Sige papunta na ako riyan.”
Binaba niya ang telepono. “Tara, Maria.”
Naglakad siya pabalik sa elevator. Wala naman akong nagawa kundi sundan siya.
“Bakit anong nangyari?”
“Si Dad bigla raw natumba.”
Sumakay kami ng elevator. Pinindot niya ang 17th floor at doon kami bumaba. Sa loob pa lang ng elevator ay hindi na siya mapakali. Agad naman siyang tumakbo palabas nang sandaling bumukas ang elevator. Paglabas ko ng elevator, pinanood ko lang siyang tumakbo sa hallway. Pumasok siya sa isang opisina na glass ang dingding. Naglakad ako papalapit doon. Mula sa labas tanaw ko ang isang matandang lalaki na kaharap ni Duke. Naka-corporate attire siya at malaki ang pagkakahawig kay Duke. Siya na marahil ang tatay niya.
May mga ilang tao rin sa loob na nakasuot ng corporate attire at ilang mga gwardiya. Sinubukang kausapin ni Duke ang tatay niya pero wala itong naging tugon. Tumingin sa labas si Duke at nang makita ako, lumabas siya at tinawag ako.
“Maria, hindi ba nurse ka? Paki-check naman si Dad.”
Tumakbo ako papunta sa loob at tumayo sa harap ng matandang lalaki.
“Ano po bang nangyari?”
“Ang sabi niya, nanghihina raw siya. Pagkatapos bigla na lang siyang natumba,” sagot ng isa sa mga tao sa loob ng kwartong iyon.
Nakatagilid ang ulo niya. Naalala ko bigla ang naging pasyente ng doctor kung saan ako nag-intern noon. Alam ko kung paano tingnan ang ibang sintomas.
BINABASA MO ANG
She's Dominant (SPG/Mature)
Storie d'amore[TAGLISH] Alena, a victim of a controlling and abusive father, seeks control over to herself as her dark past and traumas try to seize her own body in the form of a new personality. *** Alena has always been a victim, dominated by her father and hau...