Chapter 15

95 2 0
                                    

Chapter 15:

Mula nang magharap sina Aling Tess at si Cynthia, nagmistulang impyerno na ang buhay ng una. Naremata ang bahay at lupa na minana nito sa magulang, nawala ang mga dating kaibigan at higit sa lahat ay nagpalaboy-laboy na lamang siya sa kalsada.


Walang gustong kumupkop kay Teresa dahil nga sa napakasama ng ugali nito noong nakaririwasa pa sa buhay. Bukod pa roon, sinigurado talaga ni Cynthia na magdurusa ang ginang. Binayaran niya kasi ng tig-tatatlong daang libong piso ang lahat ng posibleng mahingan ng tulong ni Teresa.

"Ma'am, heto na po ang juice n'yo.."

"Ilapag mo na lamang diyan." walang lingon niyang utos.

Pinagmamasdan ni Cynthia ang mga rosas na tanim sa kanilang garden.

"Senyorita, dinalhan ko na rin kayo ng cookies. Tamang-tama at mainit pa ho ito." pang-uudyok ni Aling Martha.

"Iwan mo na lang diyan."

"Pero mas masarap ho itong kainin kapag ganitong mainit. Kaya sige na--"

"Bingi ka ba o nagtatanga-tangahan lang?! Ang sabi ko ilapag mo na lang at iwan mo riyan. At saka hindi naman ako humingi ng pagkain, a! Juice lang ang gusto ko.."

Sinigawan ni Cynthia ang ginang bagay na ikinabigla pa rin nito.

"Pero, hindi pa nalalamnan ang sikmura mo.. Baka sikmurain ka at--"

"Bakit ba ang dami mong satsat?! Kasama ba sa pagiging katulong mo rito na pakialaman ang bawat kilos ko, ha?!"

"P-pasensya ka na Cynthia, nag-aalala lang ako.."

"Pesteng pag-aalala 'yan! At ano kamo ang itinawag mo sa akin?"

Mabilis pa sa kidlat na nakalapit si Cynthia sa ginang. Agad niyang dinuro sa mukha ang kaharap.

"Sa uulitin, wag mong kalilimutan na utusan lang kita!"

Pagkawika niyo'y basta na lamang sinabuyan ng juice ng dalaga si Aling Martha. Bago tuluyang umalis, muling nagbilin ang dalaga.

"Linisin mo iyan. Mas maganda kung himurin mo na lang! Tonta!"

Wala na si Cynthia pero nanatiling nakatayo lang doon ang basang-basang ginang.

Hindi napigilan ni Aling Martha na mapaiyak. Nakaramdam siya ng matinding awa para sa kanyang sarili dahil sa nangyari.

Ang hindi alam ng dalaga, lahat ng kanyang ginagawang pagmamaldita ay napapansin ni Manang Azon. Nagtataka ang matanda dahil likas namang mabait ang alaga. Pero kung bakit ganoon ang trato nito kay Martha, iyon ang ipinagtataka niya ng lubos. Marunong naman itong makisama sa iba pero mukhang hindi sa bagong tagasilbi.

Nagpatuloy ang kamalditahan ni Cynthia. Pilit talaga siyang gumagawa ng eksena para ipahiya at pamukhaan lang ang sariling ina. Minsan naman, naaawa na rin ang iba pang katulong dahil nakikita nila kung paanong pahirapan si Martha. At si Manang Azon ang di nakatiis kaya kinompronta niya ang alaga.

"Cynthia,"

"Kayo pala manang.." nakangiting wika ng dalaga.

"Busy ka?" nang umiling ang tinanong ay saka siya nagpatuloy. "Puwede ba kitang maistorbo sandali?"

"Oho naman. Ano po ba 'yon?"

"Tungkol kay Martha.."

Pagkabanggit pa lang sa pangalan ng ginang ay tumigas na ang anyo at timbre ng boses ni Cynthia.

"What about her?"

"Matagal na kitang kasama Luisa--"

"Cynthia, manang. Patay na ang taong tinatawag n'yo sa ganyang ngalan."

"Iha, ano ba kasi ang problema at ganoon ka kay Martha?"

"Kulang pa iyan sa kanya. Saka malalaman n'yo rin kalaunan."

"Iha, hindi ko gusto iyang inaasta mo.. Hindi ka naman ganyan sa ibang katulong na narito."

"Manang, may matinding dahilan ako kaya ko ito ginagawa. Please lang po, wag n'yo na akong pakialaman."

Sandaling namagitan sa kanila ang katahimikan. Nag-iisip ang ginang kung ano ang matinding dahilan nang pang-aabuso ng alaga sa kasamahan nang may bigla siyang maalala.

"Tapatin mo nga ako Cynthia. Si Martha ba ang inang tinatukoy mo na umabandona sa inyo ng ate mo?"

"Manang--"

"Sagutin mo ako. Iyon lang ang naisip kong matinding dahilan. Naalala ko na Marietta ang ngalan ng nanay mo. At para magalit ka ng ganyan, pinatutunayan lang na talagang tama ang espekulasyon ko."

"Aaminin ko, siya nga ang aking ina. Siya ang pinakawalang-kwentang ina sa lahat dahil tinalikuran niya ang mga responsibilidad sa aming magkapatid."

"Iha..." si Manang Azon.

Alam ni Cynthia na uusisain lang siya ng tagapag-alaga.

"Alam ba niyang ikaw?"

"Hindi niya alam na ako at ang anak niyang bunso na ilang beses niyang pinagtabuyan ay iisa lang."

Papasok sana si Martha sa library kanina para maglinis nang maulinigan niya ang dalawang tao na nag-uusap. Wala sana sa plano niyang makinig kung di lang niya naringgan ang pangalan niya't ng mga anak.

"Matanda na ang inay mo. Hindi ka ba naaawa kapag nahihirapan siya?"

"Hindi rin siya naawa sa amin ni ate Veronica kaya bakit ko siya kaaawaan?"

"Iha, ang buhay natin ay maikli lang. Hindi natin masasabi kung hanggang kailan tayo rito sa mundong ibabaw. Di mo ba naisip na baka mamaya o bukas makalawa, tuluyan ka na niyang iniwan?"

"Mula noong maranasan ko lahat ng hirap at gutom, binura ko na sa isip ko na siya ang nanay ko. Hindi rin naman siya naging ina sa akin, e."

"Ang sa akin ay payo lamang. Mas mabuti kung ipapaalam mo sa kanya ang totoo para maayos n'yo ang di pagkakaunawaan.."

"Hindi na ako mag-aaksaya pa ng oras sa kanya. Bumalik ako rito sa iisang dahilan at iyon ay ang pagbayarin lahat ng may kasalanan sa amin lalo na sa kapatid ko."

"Hindi matutuwa sina senyora kapag nalaman ang tungkol dito." si Manang Azon ulit.

"Hindi nila dapat pang malaman lalo na si mommy. Kaya pakiusap lang ho, itikom n'yo na lang ang bibig n'yo."

"Hindi ako madaldal at lalong di ako tsismosa. Alam mo iyan."

"Mabuti naman kung gayon."

"Lalabas na ako."

Walang kamalay-malay ang dalawa na narinig lahat ni Marietta ang kanilang usapan. Kaya nang marinig niyang nagpaalam na si Azon ay dali-dali na siyang umalis sa kinatatayuan. Naghanap siya ng mapagkukublihan kaya nang tuluyang makalabas si Azon, hindi na siya nakita nito. Saka lamang siya lumabas sa pinagtataguan nang wala na si Azon.

Sinilip pa muna ng ginang ang dalagang naroon at abala sa pagbabasa ng kung ano. Nais niyang masiguro na ito talaga ang kanyang bunso na pinananabikang makitang muli.

Di maawat ang pagbagsak ng luha niya habang pasimpleng minamasdan ang anak.

"Kay tagal ko na ring ipinagdarasal ang muli nating pagkikita, anak.." ang wika ng isip ng ginang.

Panay ang punas niya ng basang pisngi. Tumagal rin siya ng isang oras sa pagkakatayo roon. Gusto niyang yakapin ang bunso pero base sa mga narinig niya kanina, tuluyan na siya nitong itinakwil na ina. Kung sabagay, siya talaga ang may kasalanan kaya lumayo ang loob nito.

Siya ang unang lumayo. Di man sa literal na salita, iyon pa rin 'yon. Itinakwil niya ang anak sa napakamurang edad kaya naman suko hanggang langit ang galit nito!

"Anak ko... Masaya ako na napaganda ang buhay mo. Pero kung maibabalik ko lamang ang nakaraan, hindi ko kayo ipagpapalit ng ate mo.. Kung di ako naging marupok, sana'y buhay pa si Veronica."

"Patawad anak. Pasensya na kung nakalimutan ko ang responsibilidad ko.. Pasensya na dahil ako ang nagdala ng kasiraan sa ate mo.."

Bago pa mahalata ng dalaga ang kanyang presensya, nagpasya na si Martha na umalis doon sa kinatatayuan. Baka mamaya, makita pa siya ng anak at palayasin kapag nalamang alam na niya kung sino talaga ito. At para sa kanya, di niya mapapayagang mangyari ang gayon!

Ipinangako niya sa sariling hindi na niya muling iiwan pa ang anak kapag nakita niya ito. Kahit pa murahin siya nito't pahirapan, tatanggapin na lamang niya. Ipapakita niyang handa siyang bumawi rito. Baka sakali na ring lumambot ang puso nito at mapatawad pa siya.

Samantala, noon naman tumunog ang cellphone ng dalaga.

Agad din namang sumirko ang puso niya ng makita kung sino ang kanyang caller.

"Lawrence.."

"Nakakaabala ba ako?"

Napansin naman ni Cynthia ang pag-aalangan sa boses ng kausap.

"Nope. Actually, nagpapalipas lang ng oras sa pagbabasa. Bakit?"

"Ah, ganoon ba? Wala naman. Itatanong ko lang kung puwede ba akong dumalaw diyan.."

"Of course, welcome ka. Kahit kailan mo gusto, magsabi ka lang.."

"Salamat. Plano ko rin kasing dalawin si Nanay Martha, e."

Bigla namang sumama ang timpla ng dalaga pagkarinig sa sinabi ng kausap. Buti na lang, di nito nakita ang pagsimangot niya.

"Cynthia, okay lang ba talaga?"

"H-ha? A.. O-oo. Kailan mo ba nais pumunta para naman makapaghanda kami?"

"Puwede bang bukas?"

"Sige, pasasabihan ko si Aling Martha. O, iyon lang ba?" tanong niya.

"Oo." tugon ng binata sabay bawi rin. "Nga pala, masaya rin ako na narinig ko ang boses mo ngayon. Sige na, ibababa ko na."

"Okay."

Nawala na nga sa linya ang kausap. Nangiti naman si Cynthia dahil sa huling tinuran ni Lawrence bago magpaalam.

"Masaya raw siyang marinig ang boses ko.."

"Pero alalahanin mo na kaya rin siya dadalaw ay upang makamusta si Martha!" ang kabilang bahagi naman ng isip niya.

"E maano? Hindi ko naman hahayaan na makapagsumbong ang matandang iyon tungkol sa tunay niyang sitwasyon rito sa pamamahay namin!"

"Cynthia, Cynthia.. Lawrence was part of your game. Don't tell me na ikaw na rin mismo ang nahulog sa patibong na ginawa mo't may pangiti-ngiti ka pang nalalaman kanina.."

"Of course not! I'm not that dumb. I guess, nag-eenjoy pa nga ako sa pakikipaglokohan sa kanila.. Pero dapat mabalaan ko ang matanda. Mahirap nang mabulilyaso."

Sukat sa isiping iyon, lumabas ng library ang dalaga para ipatawag si Aling Martha.

"Celing, si Martha nasaan?"

"Ma'am nasa quarters po ata."

"Pakitawag nga't may sasabihin ako."

"Sige ma'am."

"Salamat." wika niya bago siya iwanan ng katulong.

-To be continued-

Kailan Dapat Magpatawad?~COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon