Chapter 9:
Iyon nga. Nakita siya ng mag-asawa. Hindi niya malilimutan ang araw na iyon. Ang araw na sinagip siya sa matinding hirap na kanyang dinaranas.
Isang hapon ng Linggo. Katatapos lamang ng ikalawang misa at naroon din si Luisa hindi para makinig sa sermon kundi umasa sa malilimos niya mula sa mga nagsisimba.
"Palimos po.. Maawa na po kayo, pambili ko lang ng pagkain.."
Iyon ang sinasabi niya. May ilang naaawa at nagbibigay subalit mas marami ang naiirita sa kanya. Tiniis niyang lahat, ang mahalaga lang naman kasi ay makabili siya ng pagkain para sa maghapon.
Singkuwenta pesos. Iyon ang kabuuang halaga na nakuha niya. Di sapat para sa maghapon pero kailangan niyang pagkasyahin. At least, makakakain siya ngayon ng di galing sa basurahan.
Masayang naglalakad si Luisa dala ang pagkaing binili sa karinderya. Papunta na siya sa ilalim ng tulay nang makita ang isang matandang pinagtutulungang kuyugin ng mga pulubi. Marungis ring gaya niya at mahina. Dala ng instinct niya, nalaman niyang pinupuwersa ang matanda sa isang bagay na ayaw nito. At nang di sumunod, binanatan na ng mga pulubi ang kaawa-awang matanda.
"Hoy, bitiwan n'yo si lola!" sigaw ni Luisa na agad nilapitan ang mga ito. "Sabi nang bitiwan n'yo e! Ano ba?!"
Nang di siya pansinin, itinulak niya ang mga ito. Kahit na mas malaki sa kanya, di siya natakot.
"Sino ka ba? Ang lakas ng loob mong kalabanin ako a! Di mo ba kami kilala?!"
"Hindi!" mataray niyang sagot. "E ano?! Ang kapal n'yo naman para pati matanda, patusin n'yo! Mahiya ka naman sa sarili. Ang laki ng katawan mo, a!"
"Wala kang pakialam! Ako ang batas rito para sabihin ko sa'yo..."
"Bakit? Di ka naman pulis a! At saka, ano bang kailangan n'yo sa kanya? Nananahimik, ginugulo mo!"
"Ayaw niyang magbigay sa amin ng pagkain!"
"I-ibinigay ito ng kaibigan ko.. Bibigyan ko kayo pero gusto n'yo, lahat e sa inyo.."
"Wala kang karapatang magreklamo, tanda! Sampid ka lang sa teritoryo ko!"
"Ah ganun? Pagkain ang gusto mo?.." sabat ni Luisa.
"Ano naman sa iyo? Puwede ba, wag kang pakialamera!"
"May pagkain ako rito, pero usapang matino na di n'yo na guguluhin si lola.."
"Ikaw?"
"Oo. Ibibigay ko ito kung mangangako kayo sa akin..."
Sandaling nag-isip ang kaharap bago tiningnan ang mga kasama. Naunawaan naman ng mga ito ang nais ipahiwatig kaya...
"Sige, payag kami.."
At dahil may isang salita, ibinigay ni Luisa ang kanyang pagkain. Pero di niya inaasahan ang susunod na mangyayari!
"Dali, takbo na!"
Nagtakbuhan nga ang mga pulubi. Dahil sa bilis ng pangyayari, kapwang nabigla ang dalawang babae.
At nang mahimasmasan, matinding panlulumo ang naramdaman ng dalaga. Paano ba naman, natangay rin ang pagkain ng matanda. Masaklap dahil nakuha rin ng mga ito ang pagkain niya!
"Ineng, salamat sa tulong ha? Pasensya na kung nadamay ka pa.."
"Wala ho iyon. Nasa posisyon naman akong tumulong e. Okay lang ho ba kayo?"
"Ayos lang. Pero, ang pagkain mo.."
Sukat sa sinabing iyon, nalungkot muli ang bata.
"Pasensya na.." nalungkot rin ang matanda at napatingin dito si Luisa.
"Hindi ho. Ang totoo, di pa naman ako gutom e."
Pero eksakto namang tumunog ang kumakalam niyang sikmura. Napapahiyang natawa na lang si Luisa.
"Mukhang iba ang sinasabi ng tiyan mo ineng.."
"Palagay ko rin ho. Ang mabuti pa, maghanap tayo ng makakain.."
At iyon nga ang ginawa ng dalawa. Pero ilang oras na'y wala pa rin silang pagkain.
"Mukhang kailangan na namang maghagilap sa basura.."
Buntong-hininga ang sagot ng matanda. Lumapit sila sa natanawang basurahan at nangalkal na parang pusa. Di naman nagtagal, nakakita rin ang matandang kasama niya.
"Ineng, eto o. Pupuwede na.."
Tumango naman si Luisa pagkuwa'y nagtungo na sila sa ilalim ng tulay.
Pinagsaluhan nila ang pagkaing galing sa basura. Mayamaya pa, nagulat ang matandang babae nang mapansing umiiyak ang bata.
"Iha, bakit?"
"Wala ho. Nanghinayang lang ako sa pagkain.. Akala ko pa naman makakatikim na ako ng pagkaing malinis at di amoy basura.. Akala ko po kasi, masasayaran na rin ang tiyan ko ng di panis na pagkain."
"Patawarin mo ako ineng. Di ko sinasadyang--"
"Okay lang ho. Ang mahalaga, may nakahain sa ating harap. Dapat na nating ipagpasalamat di po ba?" pero habang sinasabi iyon, sige naman sa pagtulo ang mga luha niya.
Humanga naman ng husto ang matanda sa kabutihan ng kaharap. Pero palaisipan sa kanya kung bakit ito naroon sa lansangan.
"Ineng, matanong kita.. Bakit narito ka sa lansangan? Wala ka na bang pamilya?"
"Ang totoo ho, meron. Pero nakakulong ang ate ko tapos itinakwil kami ng inay."
At ikinuwento nga ng bata sa kanya ang buong nangyari. Nanghilakbot naman ito sa natuklasan. Di kasi niya akalaing kahit bata pa ay makakaranas ng matinding trahedya gaya nito. Akala pa naman niya, siya na ang pinakanakakaawa sa lahat, pero heto ang isang bata. Pilit kinakaya ang lahat!
"E kayo ho? Bakit kayo napunta rito?"
"Wala na akong mapuntahan e. Wala na akong pamilya.. Iniwan rin ako."
Ikinuwento rin nito ang sariling karanasan nito. Mataman namang nakinig si Luisa kaya di nakapagtatakang nag-iiyakan na sila pagkatapos ng kwento.
Sa mga oras na iyon parang nakatagpo sila ng kakampi sa isa't isa. Ipinasya nilang magturingan na rin bilang pamilya tutal naman ay pareho sila ng kalagayan. Isang umaga na magkasama sila, nakita nila ang isang mayamang ginang na nahihilo. Walang alinlangan nila itong tinulungan. At nang bumuti na ang pakiramdam ng ginang na napag-alaman nilang si Mrs. Nelly Salgado, nakakuwentuhan pa nila ito. At isang bagay ang hiniling nito sa kanila.
"Sumama na kayo. Aampunin kita Luisa. Bibihisan at pag-aaralin. Ituturing kitang sarili kong anak.."
"E madam, para ho kasing nakakaasiwa.."
"Siyanga naman ho. At saka, di ho ba kayo natatakot na pagkatiwalaan kami."
"Manang, tinulungan ninyo ako kahit estranghera ako. Sa tingin ko naman sapat na iyon para makumbinsi ako na mapagkakatiwalaan kayo. Bakit kamo? Dahil ramdam ko ang kabutihan n'yo lalo ka na Luisa. Kaya sana, pagbigyan n'yo na ako. Sumama na kayo sa akin at pinapangako kong di kayo magsisising dalawa.."
Nagkatinginan ang dalawa.
"E hindi ho ba talaga kalabisan ang pagkupkop ninyo sa amin?"
"Hindi. Isa pa, matagal na rin naming pinangarap na mag-asawa na magkaroon ng anak.. At ikaw iyon. So, payag na kayo?"
Tumango ang dalawa sa katuwaan naman ni Mrs. Salgado. Kaya nang umuwi ito sa mansyon, kasama na nga si Manang Zoila at Luisa.
Wala namang masabi ang bata sa kabutihan ng mag-asawa. Binihisan siya, pinag-aral sa eksklusibong eskuwelahan, binusog sa materyal na bagay at higit sa lahat, itinuring siya ng higit sa tunay na anak. Ang lahat naman ng iyon ay sinuklian ni Luisa ng katapatan at pagmamahal. Ginawa niya ang lahat para di pagsisihan ng mag-asawa ang pagkupkop sa kanya. Wala siyang inilihim ukol sa kanyang nakaraan pero sa halip na mandiri, inunawa pa siya ng mga ito. Mas lalo pa siyang minahal ng dalawa. Pinalitan ang pagiging Luisa Sanchez niya. Siya na ngayon si Cynthia Salgado.
Gayunpaman, tinupad pa rin niya ang pinangako sa nakatatandang kapatid. Graduating na siya ng college noon sa kursong abogasya. Iyon ang pinili niya dahil nais niyang siya mismo ang maging abogado ng kapatid. Bata pa lamang siya, ipinangako na niyang ilalabas ang kanyang ate Veronica sa kulungan.
Sinikap niyang mag-aral mabuti. Iniwasan niyang magkaroon ng nobyo sa kabila ng maraming manliligaw. Hindi rin siya gaanong dumepende sa barkada. Bahay-school-office lang ang ruta niya araw-araw. At makalipas nga ang maraming taon, heto at muli niyang pupuntahan ang kulungan kung saan naroroon ang kanyang kapatid. Excited na siya dahil at long last, magkikita na silang muli ng kapatid. Matutulungan na niya ito ngayon.
Nakita na rin ni Luisa ang mga naging kaibigan sa kulungan. At lahat ng mga ito'y natuwa nang malamang malapit na siyang maging abogado. Kamustahan ang nangyari at nakipagkuwentuhan muna siya sandali sa mga ito. Mayamaya...
"Sige ho, kakausapin ko muna si hepe. Di pa kasi niya alam na narito ako.. At si ate..."
"E Luisa..."
"Sige ho."
Tinalikuran na niya ang kausap at nagtungo sa opisina ng hepe. Di na napansin ang reaksyon ng kausap.
Pagkapasok naman sa opisina, nagulat pa ang hepe ng makita siya. Natuwa sa nalamang gagradweyt na siya bilang abogado.
"Talaga iha? Natutuwa ako kung gayon. Di ako nagkamali ng sapantaha na magtatagumpay ang batang masayahin noon. Kumusta ka na Luisa?"
"Cynthia na po ang pangalan ko ngayon. Mabuti naman po nitong nakalipas na mga taon. Minahal at itinuring akong tunay na anak nina daddy't mommy. Kayo ho? Ang tagal na rin mula nang huli tayong magkita?"
"Maayos rin ako. Siyanga pala, buti't naisipan mong dumalaw.."
"Pinuntahan ko si ate. Nais kong ipaalam ang magandang balita sa kanya na magiging abogado na ako at malapit na siyang mailabas rito... Asan siya, hepe?"
"E... Si V-Veronica ba? Ano kasi..."
Di naman nakaligtas sa kanya ang pagkaaligaga ng kausap. Para itong may inililihim. At malakas ang kutob niyang di niya ikatutuwa ang kung anumang lihim iyon.
"Bakit, ano hong problema? Si ate nasaan?"
"Iha, wag kang mabibigla ha?"
"Mabibiglang paano? Ano po bang nangyari?"
"Ang ate mo... Si Veronica kasi... Ah, p-patay na siya."
Daig pa ni Cynthia ang sinabugan ng bomba sa narinig. Nag-alala naman ang hepe nang makita ang reaksyon ng dalaga. Tulala ito at mangiyak-ngiyak!
"K-kailan pa ho?"
"Apat na taon na mula noong umalis ka. Di ko alam kung saan ka na nagpunta kaya sa ina n'yo ako nakipag-usap noon."
"Wala siyang karapatang malaman ang nangyari! Siya ang dahilan ng pagkamatay ni ate! Kasalanan niya kaya di ko siya mapapatawad kahit na anong pagmamakaawa pa niya!"
Iyon ang huling pagkikita nila. Ipinagluksa ni Cynthia ang pagkamatay ng pinakamamahal na kapatid. Upang makalimot, ipinasya ng mag-asawa na dalhin siya sa ibang bansa. At heto, makalipas ang mga taon muli siyang bumalik ng Pilipinas dala ang galit para sa inang si Aling Martha. Matagal din niyang pinaghandaan ang sandaling ito. At alam niyang nalalapit na ang pagtutuos nilang mag-ina!-To be continued-
BINABASA MO ANG
Kailan Dapat Magpatawad?~COMPLETED
Romance[COMPLETED] Si Luisa ay ang bunsong anak ni Aling Martha na muling nagbabalik sa bansa bilang Cynthia. Ang dahilan ng kanyang pagbabalik? Nais niyang maningil..gusto niyang gantihan ang lahat ng tao na nagkaroon ng kasalanan sa kanya. Pero sa kanyan...