Chapter 11

122 3 0
                                    

Chapter 11:

Mabilis lumipas ang mga araw. Heto na ang pinakahihintay na pagkakataon ni Cynthia. Araw ng Sabado at kaarawan ng lalaking gagamitin niya para makapaghiganti kay Aling Martha.


Maaga pa lang ay binilhan na ng dalaga ng regalo si Lawrence. Alas onse pasado naman nang sunduin siya nito sa kanyang bahay. Gamit ang kotse niya kung saan hinayaan niyang heto ang magmaneho, binati niya ito.

"Salamat."

"Mamaya ko na lang ibibigay itong regalo ko ha?"

"Naku. Dapat di ka na nag-abala pa.."

"Ayos lang. Maliit na bagay lang ito.. Isa pa, handog ito ng isang kaibigan."

Ngiti ang isinagot ni Lawrence pagkuwa'y muling nagsalita.

"Siyanga pala, ipauuna ko nang di ganoon kalaki ang tinitirhan ko. Masikip, mainit at medyo di kaaya-aya ang amoy ng paligid--"

"Wag kang mag-alala. Hindi ako maselang gaya ng iba. Dati rin akong mahirap, remember?"

"Basta, ikaw na lang ang magpasensya. Huli ko na kasing naisip na sana inimbitahan na lang kitang sa labas--"

Di na naituloy ni Lawrence ang pagsasalita nang sumingit ang dalaga.

"At ano? Gagastos ka pa? Mainam nga iyong sa bahay n'yo ko inimbita. At least, maipapakilala mo sa akin ang kasama mo.. Base kasi sa kuwento mo ukol sa kanya, bigla akong naintriga.."

"Bakit naman?"

"Wala lang. Basta, gusto kong magkakilala kami.."

Nagkibit-balikat na lamang ang binata. Pagkatapos, wala nang nangahas na magsalita sinuman sa kanila. Itinuon na ng binata ang pansin sa pagmamaneho habang si Cynthia naman ay nililibang ang sarili sa pagmamasid sa kanilang dinaraanan. Mayamaya pa...

"Ililiko ko ito sa pangalawang kanto. Pero medyo maputik doon at tiyak na marurumihan ang kotse mo.."

"Ipalilinis ko na lang. Sige na, ituloy mo na ang pagmamaneho."

Iyon nga ang ginawa ng binata. Pagsapit sa ikalawang kanto, minaniobra niya papasok ang sasakyan. Pagkatapos, nakita na ni Cynthia ang dati niyang bahay pero di niya ipinahalata sa binata iyon. Narinig na lamang niyang nagsalita ang katabi.

"Iyon ang tinutuluyan ko.. Sandali."

"Alam ko. Iyan ang dati kong bahay." pero sa isip lamang iyon sinasabi ni Cynthia.

Hindi siya kumukurap habang pinagmamasdan ang bahay. Hanggang sa naramdaman na lamang niya na patay na ang makina ng kotse. Kasabay niyon ay ang pag-ibis ng binata sa sasakyan. Lumigid ito sa kabila upang pagbuksan siya ng pinto.

Bumuntong-hininga muna si Cynthia bago tinanggal ang kanyang seatbelt. Pagbukas naman ng pinto ng sasakyan, inalalayan pa siya ng binata sa pagbaba.

"Salamat."

"Halika na."

Walang anumang hinila siya ni Lawrence. Di pa man sila nakakapasok, sumalubong na ang matalik nitong kaibigan.

"Pare, ang tagal mo. Naturingan kang may birthday pero--"

Dumako ang pansin nito sa dalaga. Tipid naman itong nginitian ni Cynthia.

"Boss ko.. Cynthia, kaibigan ko.."

"Arnel. Ikaw pala iyon... Nice to meet you."

"Ha?"

"Ah wala. Ang mabuti pa doon na kayo. Pare, kanina ka pa itinatanong ni Aling Martha.." pahabol nitong sabi.

Di na ito pinansin ni Lawrence. Diretso na sila ng kusina kung saan inabutan pa nilang abala sa pag-aayos ng mesa ang nakatalikod na ginang.

Dumagundong ang kaba sa dibdib ni Cynthia. Kilala niya ito kahit di pa niya nabibistayan ang mukha.

Para namang naramdaman ng ginang na may iba siyang kasama. At pagharap niya, nakita sila nito.

"O, narito ka na pala. Happy birthday."

"Salamat ho. Siyanga po pala, may kasama ako.."

Noon naman dumako ang pansin sa kanya ng ginang.

"Magandang tanghali po."

"M-magandang tanghali rin s-sa'yo.."

"Siya po ang anak ng may-ari ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ko. Cynthia, si Inay Martha.."

Hindi na kapwa napansin ng dalawa ang pagsasalita ni Lawrence. Pareho lang silang nakatingin sa isa't isa. Mayamaya pa, nagsalita rin ang ginang.

"Lawrence, ikaw na muna ang bahala. Magpapalit lamang ako ng bihisan. M-ma'am, si Lawrence na muna ang bahala sa iyo. S-sandali lang."

Tango ang isinagot ng dalaga. Pagkatapos, iniwan na sila roon ni Aling Martha.

"Pagpasensyahan mo na, di lang siya sanay na makakitang may kasama ako liban kay Arnel. Tapos babae pa."

Napatingin si Cynthia
sa binata. Ipinaliliwanag ba nito sa kanya na siya pa lang ang babaeng ipinakilala nito sa kasama?

"Halika na. Upo ka.." wika nito bago pa siya makapag-isip ng sagot sa tanong na biglang umukilkil sa kanyang isipan.

Dinulutan naman siya ng binata ng mga handa nito. Pinilit niyang iniitsapuwera ang nararamdaman para di makahalata ang kasama. Nagtagumpay naman siya pagkat wala ngang isinatinig na kakaiba si Lawrence ukol sa kanya.

Samantala...

"Bakit ba ako biglang kinabahan?" tanong ni Aling Martha sa sarili.

Naroon siya sa kanyang silid. Kanina pa nga siya tapos magpalit ng damit pero sa di malamang dahilan ay di pa rin siya lumalabas ng kanyang silid.

"Bakit kaya ganoon makatingin ang Cynthia na iyon sa akin? Para bang kilala n'ya ako gayong kanina lang kami nagkita? At bakit iyong titig niya, para siyang galit na galit sa akin?"

"Iyong mata niya, pamilyar sa akin. Saan ko nga ba... Teka, noong makita ko siya... Biglang bumilis ang tibok ng puso ko... Para akong biglang nalungkot na sumaya... Hay, ano ba naman yan!"

"At saka bakit ganito ang pakiramdam ko.. Parang gusto kong maiyak.. Parang gusto ko siyang makausap... Mayakap... Pero bakit?"

"Inay..."

Napapitlag si Aling Martha nang marinig ang sunud-sunod na pagkatok kasabay ang pagtawag ni Lawrence.

"Nariyan na."

Tumayo na nga ang ginang at pinagbuksan ng pinto ang anak-anakan.

"Tayo na ho. Nakakahiya kay Ma'am Cynthia kung di natin siya aasikasuhing mabuti."

"S-sige."

Sabay na ngang binalikan ng dalawa si Cynthia na noo'y abala sa pagmamasid sa buong bahay.

"Cynthia.."

Lumingon naman ito pagkarinig sa boses ng binata. Sandaling natigilan pagkat nakita niyang kasama nito ang kanyang ina.

"P-pasensya ka na kung natagalan ako sa pagbibihis." si Aling Martha.

"Walang kaso sa akin." matatag na sagot ng dalaga.

"Ang mabuti pa, umupo tayo.."

Sumang-ayon naman ang dalawang babae sa sinabi ng binata. Naupo nga sila sa sofa na naroon. Magkatabi si Lawrence at ang kanyang ina habang siya'y piniling maupo sa kabisera.

"Balita ko ho, kayo lang ang kasama ni Lawrence dito at kayo ang may-ari ng bahay, tama po?"

"Ang asawa ko ang mismong nagpundar ng bahay. Isa kasi siyang karpintero. Napakabuting asawa pero maaga siyang kinuha sa amin ng mga anak ko.."

"Si Lawrence po, ang sabi niya mahal na mahal niya kayo at utang niya sa inyo ang lahat.. Ilang taon na po kayong nagsasama?"

"Matagal na rin. Nasa unang taon na ng highschool si Lawrence noon."

"Kung ganun, cradle snatcher kang talaga!" hiyaw ng isip niya pero iba ang sinabi niya. "Masuwerte ka sa pagkakaroon ng gaya ni Lawrence."

"Siya rin naman ang suwerte ko mula nang mag-isa na lang akong mamuhay."

"Naikuwento nga po sa akin ni Lawrence na may mga anak kayo.."

"Malaki ang kasalanan ko sa kanila. Hindi ko alam kung may kapatawaran pa ang nagawa ko.."

"Inay, siyempre naman meron. Tao lang kayo, nagkakamali."

"Nasabi po sa akin ni Lawrence na pinag-aral n'yo siya. Paano ninyo natustusan ang mga gastusin ninyo?"

"May maliit akong tindahan sa palengke. Doon kami umaasa. Siyempre bukod ang pagtatrabaho ni Lawrence. Hanga nga ako sa kanya dahil nanatili siya sa dean's list."

"Matalino po pala siyang talaga.."

"Hindi naman. Sa kagaya ko kasing mahirap lang kailangang magsikap.." sagot ni Lawrence.

Somehow, humanga ang dalaga sa determinasyong ipinakikita ni Lawrence. Dati, nasa dean's list din siya. Pero ang kaibahan nila, focus lamang siya noon sa isang bagay which is pag-aaral. Pero ang binata, nagawang pagsabayin ang pagtatrabaho at ang pagiging scholar!

"Sa kanya ko na nga lang ibinubuhos ang lahat ng dapat ay naibigay ko sa mga anak ko... Ni hindi ko nga alam kung may pag-asa pa bang magkita kami.."

Sa panggigilalas ni Cynthha, tumulo ang luha ng ginang. Bago pa siya makapagreact, inalo na ni Lawrence ang ginang.

"Inay,"

"Pasensya ka na iha."

Hindi na sumagot si Cynthia pero si Lawrence naman ang kumuha sa pansin ni Aling Martha.

"Alam n'yo ho bang nilapitan ko si Cynthia na di nalalamang siya pala ang anak ng may-ari ng pinapasukan ko?"

"Talaga?" ang ginang.

"Nilapitan ko po siya't tinanong kung puwede bang makiupo. Mantakin ko bang amo ko pala ang kausap ko?"

"Hindi rin naman kasi ako ipinakilala sa lahat ng tauhan namin. Iyon ang request ko.."

"Bakit naman iha?"

"Ayoko ho kasing nirirespeto dahil sa anak ako ng may-ari. Gusto ko, tratuhin nila akong kapantay nila.."

"Kaya ba sa canteen ka palagi kumakain?"

"Oo."

"Alam mo iha, bihira sa mayayaman ang may ganyang pananaw. Napakasuwerte ng mga magulang mo. Marahil, maganda ang pagpapalaking ginawa nila sa'yo.."

"Mabait po sila. At tungkol po sa sinasabi n'yong suwerte sila sa akin. Mas mapalad ako na sila ang kumupkop sa akin. You see, they're not my real parents pero inako nila akong higit pa sa tunay nilang anak.."

Parang tinamaan naman si Aling Martha sa sinabi ng dalaga. Bakit ba hindi, parang sa kanya ipinupukol ang mga panunumbat nito. At sa totoo lang, lalo siyang nakukunsensya!

"Minsan talaga, mas mabuti pa ang ibang tao kesa sa sariling magulang. May iba kasi na basta na lamang tinatalikuran ang kanilang anak para sa pansarili nilang interes. Pero siyempre, may kanya-kanyang dahilan kung bakit nangyayari ang ganun di ba Aling Martha?"

"O-oo."

Halos pagpawisan ng matindi ang matanda dahil pakiramdam niya, iginigisa siya sa sarili niyang mantika.

"Sige lang. Makunsensya ka pa. Isipin mo na napahamak na ng tuluyan ang bunso mong anak. Di naman ako titigil sa pangtotorture sa iyo. Maganda ang simula ng pagganti ko.." turan ng dalaga sa sarili.

"Kaya nga masuwerte kami ni Cynthia dahil may mga tao na nagmamalasakit pa sa amin, di ba?" baling nito sa dalaga.

"Tama po siya. Napakasuwerte talaga namin. At dahil masuwerte kayo, nais ko po kayong tulungan.."

"Anong ibig mong sabihin?" si Lawrence.

"Nais kong magdagdag ng tagasilbi sa bahay. Hindi naman sa pagmamaliit, pero gusto ko sanang alukin ka Aling Martha... Okay lang ho ba? Pandagdag na rin ng gastos at saka di naman mabigat ang trabaho. Tutal naman kaibigan ko si Lawrence.."

Sandaling nag-isip ang ginang. Ngumiti pagkatapos ay tumango.

-To be continued-

Kailan Dapat Magpatawad?~COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon