Chapter 21:
"It's okay. Ipagdarasal natin ang nanay mo huh?"
"Ngayon ko lang narealize na ang laki pala ng kasalanan ko, Ralf! Nang dahil sa akin, napahamak pa ang nanay."
"Ssh. Tama na. Ang mabuti pa, sundan na natin iyong lalaki."
"H-ha? A-anong sinasabi mo?"
"Sabi ko, sundan na natin iyong lalaki. Hayon siya, o!" si Ralf na itinuro pa ang nakatalikod at naglalakad na si Lawrence.
"Lawrence.." piping tawag ng dalaga pagkuwa'y sumama na sa nobyo.
Gaya nga ng sinabi sa kanila ng doktor, inilipat na agad sa ICU si Aling Martha. Nakita na nila ito pero natutulog ang ginang.
"Na.. N-na.." hindi magawang ituloy ni Cynthia ang pagtawag. Para kasing sinasakal siya ng kung ano habang minamasdan ang hapis na itsura ng kanyang ina. Ngayon pa lang, inuusig na siya ng kanyang kunsensya!
Si Lawrence ang sumama papasok sa loob. Walang nagawa si Cynthia. Wala kasi siyang karapatan na magdemand. Sa kabila ng pakikiusap sa anyo ng dalaga'y nagmatigas pa rin ang binata.
"Patawarin ako ng nanay mo pero hindi ko hahayaan na mapadali ang buhay niya dahil sa'yo!"
"Lawrence.."
"Binigyan ka na ng pagkakataon pero sinayang mo." iyon ang huling tinuran nito bago siya iniwan.
"Ang kapal niya, a! Ampon lang--"
"Ralf, please."
"Wala siyang karapatang umasta ng ganoon! At ikaw, hahayaan mo lang na maitsapuwera ka?"
"Tama naman siya, e. Kasalanan ko talaga. Binigyan na ako ng pagkakataon pero nawala."
"Kahit na. Hindi pa ba sapat na nagsisisi ka na? Lahat ng tao ay nagkakamali, Cynthia."
"Pero mali pa rin ang ginawa ko. God, hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung--"
"Ssh. Wag kang mag-isip ng ganyan. Maliligtasan ng nanay mo ito. Ngayon pang nakahanda ka nang magpatawad?"
"Maraming salamat. Hindi ko na alam ang gagawin ko kung wala ka."
"No, problem. Para sa iyo naman ito, e."
Ngiti na lang ang ibinigay ng dalaga sa nobyo.
Samantala...
"Kumusta na ho ang pakiramdam n'yo?"
"O-okay na. Teka, nasaan ba tayo ha? Anong nangyari?"
"Nasa ospital, sa ICU ho. Nanakit kasi ang dibdib n'yo at nahihirapan na kayong huminga kaya isinugod namin kayo rito ni Tasing."
"G-ganoon ba? Si L-Luisa? Alam ba niya ang nangyari? Nakita n'yo na ang anak ko?"
"Inay, magpahinga na lang muna kayo. Iyon ang makakabuti para sa inyo sabi ng doktor. Huwag na muna siya ang inyong isipin."
"Lawrence, maraming salamat."
"Ako ho ang dapat na magpasalamat. Kung hindi sa inyo'y wala akong maipagmamalaki sa sarili ko. Kung hindi man kayo kayang pahalagahan ng anak n'yo, ako ang gagawa!"
"Anak, may sakit ako--"
"Alam ko ho. Nabanggit na ng doktor n'yo. Pero bakit hindi man lang kayo nagpasabi?"
"Ayokong maging pabigat sa iyo. Ayoko ring kaawaan ninuman lalo na ng anak ko."
"Pero--"
Hindi na naituloy pa ni Lawrence ang pagsasalita nang sawatain siya ng pasyente.
"Maaari ba akong makiusap? Pero, wag mong isipin na naniningil--"
"Ano ho ba iyang iniisip n'yo? Mula nang kupkupin n'yo ako, inisip at tinuring na kitang nanay. Kaya sabihin n'yo lang at pipilitin kong gawin."
Dahil sa tinuran ng binata'y napangiti ang ginang.
"Alam ko na nalaman mo na ring hindi na ako magtatagal. Gusto ko man na magkasundo kami ng aking anak bago ako mawala, mukhang imposible na."
"Ano ho ang gusto n'yong gawin ko? Gusto n'yo bang kausapin siya ngayon?"
"Sa totoo lang, gusto kong humingi ng tawad. Gusto ko siyang makita pero paano? Ni ayaw nga niya akong makita."
Habang sinasabi iyon ay sige naman ang pag-agos ng luha ni Aling Martha.
"Sakaling mawawala man ako, maaari bang tingnan mo siya? Hangga't maaari, protektahan mo."
"Nanay, kahit hindi na ako, marami ang gagawa niyon sa anak n'yo. May nobyo iyon kaya bakit ako?" tanong ng nagtatakang binata.
"Dahil kilala kita. Dahil alam ko na may espesyal kang pagtingin sa anak ko."
"Oo. Alam ko na natutuhan mong mahalin si Luisa. At wag kang mag-alala dahil pabor na pabor ako sa inyo."
"Mahal ko man siya, hindi pa rin puwedeng maging kami. Una, dahil ako lang ang nagmamahal. Pangalawa, may nagmamay-ari na sa kanya. Pero, makakaasa kayo na gagawin ko ang lahat para maprotektahan ang kanyang interes."
"Maraming salamat. Kung narito lang sana--"
"Gusto n'yo siyang kausapin? Nariyan kasi sila sa labas. Sandali lang ho."
Iniwan na ni Lawrence ang ginang at tinawag ang anak nito na nasa labas.
Naiwan naman si Aling Martha na nag-iisip pa kung tama ba ang narinig niya na naroon lamang si Cynthia sa labas.
Samantala, nagkukwentuhan na ang magkasintahan. Kinukumusta ng dalaga ang kanyang adopted parents. Iyon ang nabuglawan ni Lawrence pero di mas nakakuha ng pansin niya ang paghahawakan ng mga ito ng kamay.
"L-Lawrence.." agad namang napatayo si Cynthia pagkakita sa binata.
"Gising na ang nanay mo. Gusto ka raw niyang makausap."
"Ah, s-sige. S-salamat." si Cynthia pagkuwa'y binalingan ang nobyo. "Pasok muna ako. Dito ka muna ha?"
"Sige na, maghihintay na lang ako rito." nakakaunawa namang tugon ni Ralf.
Iyon lang at lumapit na sa pinto ang dalaga. Humugot muna siya ng buntong-hininga bago tuluyang itinulak pabukas ang pinto.
Nakapikit si Martha nang lapitan siya ng dalaga.
Ilang sandali munang pinagmasdan ni Cynthia ang kanyang ina bago ginagap ang isa nitong kamay.
"Inay.."
Nagmulat ng mata ang ginang. Kasabay niyon ay ang pagsilay ng ngiti sa kanyang labi at pangingilid ng luha.
"K-kumusta ho ang pakiramdam n'yo?"
"Anak, patawarin mo ako." sa halip ay iyon ang isinagot ng ginang.
"Huwag n'yo na munang isipin ang tungkol sa issue na iyan. Ang mahalaga--"
"Hindi, anak. Malaki ang kasalanan ko sa inyo ng ate Veronica mo. Pero sa maniwala ka't hindi, labis kong pinagsisisihan iyon."
Tuluyang napaiyak ang ginang. Awang-awa naman si Cyntia rito. Napag-isipan niya na hindi lang sila ang nakaranas ng matinding paghihirap. Maging ito pala ay nagdurusa rin!
"Patawarin mo ako kung pinabayaan kita noon. Napakabata mo pero idinamay kita sa galit ko sa iyong amain."
"Magulo kasi ang utak ko noon, anak. Patawarin n'yo ako kung sinira ko ang ating pamilya."
"Tapos na iyon." sagot ni Cynthia.
"Nang dahil sa kakitiran ng utak ko naghirap ang kalooban n'yong magkapatid. Naranasan mo ang magutom at matulog kung saan lang. Ang ate mo, nakulong at pinagbayaran ang kasalanang di naman niya intensyong gawin. Napakawalang kuwenta ko. Siguro nga kalabisan kung hilingin ko na patawarin mo ako. Pero, tandaan mo na mahal na mahal ko kayo ng ate mo."
"Totoong kayo ang dahilan kung bakit tayo humantong sa ganito. Kung bakit napuno ako ng galit. Pero, kayo rin ang dahilan kung bakit ako narito ngayon. Isang sikat na abogado at negosyante." si Cynthia na umiiyak na rin.
"Siguro nga nagawa kong takpan ng galit ang pangungulila sa inyo. Pero alam n'yo ba na ni minsan hindi ko kinalimutan kung sino talaga ako. Akala ko kapag nakapaghiganti na ako, sasaya na rin ako. Pero, mali pala. Mas nasasaktan ako na makita kang nahihirapan."
"Patawarin n'yo ho ako nanay."
"Ako ang dapat humingi sa iyo ng tawad, anak. P-pasensya ka na talaga."
"Babawi ako sa inyo 'nay. Susulitin natin ang panahong nasayang dahil nagkahiwalay tayo kaya pagaling kayo."
"Anak, masaya na akong marinig na napatawad mo ako. Wala na kong ibang hihilingin kundi ang maging masaya ka. Iparating mo rin sa mga kumupkop sa iyo ang aking pasasalamat."
"Makikilala mo silang lahat basta magpagaling lang ho kayo."
"Kung ano ang loobin ng Diyos, wala tayong karapatan para kuwestiyunin iyon. Siyanga pala, nabanggit sa akin ni Lawrence na kasama mo ang iyong nobyo."
"Ralf ko ang pangalan niya. Kakilala siya ng mga umampon sa akin."
"G-gusto ko siyang makausap. Siyanga pala, pakitawag na rin pala si Lawrence. May mahalagang bagay lang akong sasabihin."
"Sige ho." nginitian pa ni Cynthia ang kanyang ina.
"Anak?" tawag ni Martha na ikinalingon ng dalaga.
"Mahal na mahal kita."
Mas matamis ang ngiting ibinigay niya sa ginang bago tuluyang lumabas.-To be continued-
BINABASA MO ANG
Kailan Dapat Magpatawad?~COMPLETED
Romance[COMPLETED] Si Luisa ay ang bunsong anak ni Aling Martha na muling nagbabalik sa bansa bilang Cynthia. Ang dahilan ng kanyang pagbabalik? Nais niyang maningil..gusto niyang gantihan ang lahat ng tao na nagkaroon ng kasalanan sa kanya. Pero sa kanyan...