Chapter 4.4

17 2 1
                                    

WALANG ibang gustong gawin si Lexus nang mga sandaling iyon kundi ang pagmasdan ang patag na paghinga ni Guia habang nakaidlip. Nakapatong ang ulo nito sa balikat niya. Naroon pa rin sila sa auditorium. Pero hanggang doon lang sila sa mga upuan sa pinakataas na bahagi. Hindi pa rin niya mapilit ang dalaga na lumapit sa mismong stage. Ayaw talagang tumigil sa pagmamakaawa si Guia na huwag lumapit doon.

Alam niyang nahihirapan pa rin ang dalaga sa gusto niyang mangyari. Binalaan naman niya sina Ria at Errol na paniguradong magsusumbong si Guia sa mga ito tungkol sa gusto niyang mangyari rito. Pero sana ay maintindihan ng mga ito na para rin kay Guia ang ginagawa niya.

Kahit alam na ni Lexus ang buong kuwento tungkol sa aksidenteng kumitil sa pangarap ni Guia, hindi niya alam kung bakit gusto pa rin niyang marinig ang tungkol doon. Pero ginusto niyang malaman iyon sa mismong bibig ni Guia. Ang akala niya noong una, hindi ito magsasalita. Kahit nang tumigil na kasi ito sa pag-iyak, walang salitang lumabas mula sa dalaga. Malungkot lang itong nakatingin sa stage. Kapagkuwan ay humugot ito ng malalim na hininga at nagsalita.

Hindi man pilit, pero alam niya na hindi rin ganoon kadali para kay Guia ang magkuwento. Gusto na talaga niyang sabihin dito na okay lang kahit hindi na nito ikuwento ang mga pangyayari kung mahirap din lang para rito. Pero napipilan siya nang mag-umpisa na itong magsalita...

“Audition day 'yon. Nagpasimula ng audition para sa musical at dance play si Ma'am Terre. Kahit nga maging bahagi lang ng ensemble, okay lang sa akin, sabi ko. Hindi naman ako mapili. Pero si Ma'am Terre na mismo ang nagsabi sa akin na puwede raw akong mag-audition for one of the lead casts. Apat na lead parts iyon—ibig sabihin, dalawang lead couple. Pinag-iisipan ko pa naman iyon. Hindi kasi ako sigurado kung gusto ko ng sobrang exposure.” Tumawa nang mahina si Guia kapagkuwan.

Pero si Lexus, nanatili lang nakatingin sa dalaga na malungkot pa rin ang mukha.

“Ang hindi ko alam, nag-audition din pala para sa isa sa lead female roles si Clara, 'yong kaibigan ni Jeric. Boyfriend ko pa ang sira-ulong iyon nang mga panahon na iyon. Only to find out that Clara wasn't just a friend to him. Wala man lang akong kaalam-alam na pinaglalaruan na pala ako ng lalaking iyon. Hindi siguro nakatiis, at siguro dahil malaki ang posibilidad na makuha ko ang isa sa lead female roles, kinompronta ako ni Clara.”

“Noon mo ba nalaman ang tungkol sa panloloko ni Jeric sa 'yo?”

Tumango si Guia. “At alam mo kung ano ang weird? Wala akong naramdaman ni katiting nang malaman ko iyon. 'Yong ini-expect kong sakit na darating, hindi dumating. Hindi ko alam kung namanhid lang ako o inaasahan ko na darating ang ganoong pagkakataon. At talagang ipinamukha pa sa akin na wala raw akong kuwenta, na wala akong talent at ang taas naman daw ng pangarap ko na maging bahagi ng play sa klase ng talent na meron ako.”

Hindi na nagulat si Lexus sa pag-usbong ng 'di maipaliwanag na galit para sa walang hiyang Jeric na iyon. Dapat pala ay higit pa sa isang suntok sa mukha ang ibinigay niya rito.

“Mas nakatutok ang atensyon ko noon kay Jeric. Kaya huli na nang namalayan kong tuluyang nakalapit sa akin si Clara. Nagulat na lang ako sa pagtulak na ginawa niya sa akin. Ang malala pa, itinulak niya ako sa mga kahoy na inipon at nakapuwesto patayo sa isang tabi ng backstage. Binaklas kasi nang araw na iyon ang isang stage scene kaya nandoon ang mga kahoy na iyon. Bumangga ang likod ko roon at tumusok sa pakong nakausli mula sa isa sa mga kahoy. Bumagsak malapit sa akin 'yong mga kahoy pero napailalim ang isang paa ko. Medyo malalim ang iniwan na sugat ng nangyaring iyon. Kaya sa twuing tinitingnan ko ang peklat ng sugat na iyon sa paa ko, laging sumasagi sa isip ko ang araw na iyon. Lagi rin akong pinapangunahan ng takot na maulit ang bagay na iyon kapag pinilit ko ang sarili ko na sumayaw ulit.”

Natapos ang kuwento ni Guia sa tila hirap na paglunok at patuloy na pagtulo ng mga luha nito. Hindi naman magawang ialis ni Lexus ang tingin sa dalagang nahihirapan nang mga sandaling iyon. Hanggang tingin lang ang kaya niyang gawin dito dahil wala siyang mahagilap sa isip niya kung paano ito pakakalmahin.

Huminga siya nang malalim kapagkuwan. Natagpuan na lang niya ang sarili na inaakbayan si Guia na napasinghap pa sa gulat at siya na ang nagpatong ng ulo nito sa balikat niya. 'Di nagtagal ay napahagulgol ang dalaga.

“Tatanggalin ko ang takot na iyan sa puso mo, Guia,” pangako niya. Pero hindi siya sigurado kung naririnig ba nito ang lahat ng sinabi niyang iyon. “Gagawin ko ang lahat para mangyari iyon. Huwag ka lang susuko, okay?”

Walang naging tugon si Guia sa sinabing iyon ni Lexus maliban sa patuloy na pag-iyak nito. Pero hinayaan lang niya ito. Sa napansin niya, ang tagal na nitong hindi nailalabas ang sakit ng kaloobang nararamdaman matapos ang aksidenteng iyon.

At ngayon nga ay nakatulog na ito sa balikat niya dahil na rin siguro sa pagod sa pag-iyak. Tiyak na sermon ang aabutin niya kay Mirui kapag nalaman nito na pinaiyak na naman niya si Guia. Natawa siya. Mukhang napapadalas naman yata ang panenermon ng babaeng iyon sa kanya.

Pero sa mga sandaling iyon, wala muna siyang pakialam sa sermong aabutin niya. Mas mahalaga sa kanya si Guia at sa pagtulong na gusto niyang ibigay rito.

✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus FairyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon