Chapter 8.3

1 1 0
                                    

“HANEP ka ring magbigay ng sorpresa, alam mo ba 'yon? Grabe ka! Ano naman ang pumasok sa utak mo at kinausap mo pa talaga ang Mama ko, ha?” usisa ni Guia habang naglalakad sila ni Lexus palayo sa bahay niya.

Pinayagan kasi ng Mama niya si Lexus na ipasyal siya nang araw na iyon sa kabila ng pagkagulat na naramdaman niya. Paano nangyaring magkakilala ang dalawang iyon nang hindi niya nalalaman? Nasagot lang ang tanong niyang iyon nang sabihin mismo ng kanyang ina na ito ang lalaking tinutukoy nito na nagpaintindi rito sa lahat.

“Ito naman. Huwag ka nang magalit. Isa ang nanay mo sa mga kinausap ko noon para alamin kung ano nga ba ang dahilan at tumigil ka sa pagsasayaw. Medyo malabo pa kasi ang ilang detalyeng sinabi sa akin ni Ria noon, eh. Mabuti nga at sinabi niya sa akin ang ilan sa mga dapat kong malaman. At sinabi rin niya sa akin na hanggang maaari ay protektahan kita kay Jeric. Masyado na raw maraming kasalanan sa 'yo ang lalaking iyon para guluhin ka pa ulit,” paliwanag ni Lexus.

Hindi alam ni Guia kung bakit nadismaya pa siya sa naging sagot ni Lexus gayong alam naman niyang nagsasabi lang ito ng totoo.

Kaya ba sinasabi niya sa 'yo na ang nanay mo lang ang dahilan kaya siya nananatili sa tabi mo ngayon?

Iyon nga ba ang ikinadidismaya niya? Agad niyang pinalis ang isiping iyon. Dapat nga ay magsaya pa siya. Kung inihabilin siya ng Mama niya kay Lexus, ibig sabihin ay alam nitong mabuti naman ang intensyon ng binata pagdating sa kanya. Puwedeng iyon ang dahilan o nahumaling lang ang nanay niya sa kung anong kamandag meron ang tennis captain ng Falcon Knights. Hindi naman imposible iyon. Mabuti nang alam niyang may pakialam pa rin sa paligid ang lalaking ito.

“Saan mo nga pala ako ipapasyal? Ikaw ang gagastos, ha? Hindi ko dala ang pera ko,” kapagkuwan ay pabirong sabi niya.

“Huwag kang mag-alala sa kahit na anong bagay ngayon. Ako na ang bahala sa ating dalawa. Okay?”

Somehow, not minding her erratically beating heart at the sight of his charming smile once again, Lexus’ words appeared to have an even deeper meaning. At hindi lang iyon dahil sa pamamasyal nila sa araw na iyon.

Wala naman sigurong masama na mangarap, 'di ba? Wala naman sigurong masama na umasa. Just for this day…

Kahit alam niyang siya ang posibleng masasaktan sa bandang huli.

ーーーーーー

ANO NA naman kayang pakulo meron ang lalaking 'to ngayon? Iyon ang napapantastikuhang tanong na hindi maalis-alis sa isip ni Guia habang sinusundan si Lexus sa kung saan na naman siya nito planong kaladkarin nang araw na iyon. Pero nakakapagtaka namang hindi niya magawang isatinig iyon. Katatapos lang nilang kumain sa isang restaurant dahil kakailanganin daw muna nilang lamnan ang kanilang mga tiyan bago sila magtungo sa highlight ng pamamasyal nila. Of course, it was all according to Lexus’ plan for that day just for the two of them.

Oh, well. Kailan nga ba niya nagawang tanggihan ang pangangaladkad ng lalaking ito sa kanya? Pero sa totoo lang, parang nawawalan talaga siya ng kakayahang tanggihan ang anumang mga plano ni Lexus sa kanilang dalawa. Sa katunayan, inaabangan pa nga niya ang bawat sandaling makakasama niya si Lexus. Hindi pa kailanman nangyari iyon sa kanya. Kahit noong mga panahong nobyo pa niya si Jeric.

Agad nilang narating ang isang malaking building na pamilyar sa kanya. It was Yukihana Ice Skating School. Sa pagkakaalam niya ay pag-aari iyon ng nanay ni Mirui kung saan isa ito sa mga coach doon at kung saan nagti-training sina Yuna at Mirui kapag may ice skating competition na kailangang salihan ang mga ito. Napatingin siya kay Lexus. Bakit siya dinala roon ng binata?

Tila naramdaman iyon ni Lexus dahil panandaliang binalingan nito si Guia habang palinga-linga sa paligid. “May gusto lang akong ipakita sa 'yo.” Iyon lang at walang pasubaling hinawakan nito ang isang kamay niya.

Agad niyang naramdaman ang pagdaloy ng kung anong init at sensasyon dahil sa ginawang iyon ni Lexus. Sapat na rin iyon para matahimik siya habang hinihila siya nito. Hindi nagtagal ay narating na nila ang isang pavilion sa likod lang ng building na iyon. Namangha siya sa nasilayang ganda ng lugar. Nakapalibot roon ang ilang weeping willow at iba pang naggagandahang hanging plants na nakasabit sa columns na pumapaikot sa gitna ng pavilion. Hindi niya akalaing nag-e-exist pala ang ganoon kagandang lugar sa bahaging iyon ng skating school.

“Nagawa mo na bang sumayaw sa ganitong klaseng lugar, Guia?” mayamaya ay narinig niyang tanong ni Lexus na ikinatingin naman niya rito.

Pero agad na lumakas at bumilis ang tibok ng kanyang puso sa matamang tingin nito sa kanya. Bakit ba siya tinitingnan ni Lexus nang ganito?

“Hey! Wala ka na bang planong sagutin ang tanong ko?” anito na pumutol sa pag-iisip niya. This time, she saw him smiling amusingly at her. Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi pero balewala lang iyon sa kanya.

Tuluyan na ring rumehistro sa kanyang isipan ang naunang tanong nito. “Yeah, a few times. Noong kumpleto pa ang pamilya namin. Pero mas maganda ang lugar na ito kaysa sa mga naaalala ko.” Muli niyang pinasadahan ng tingin ang lugar at hindi na niya itinago ang ngiting nagpapakita ng paghanga niya sa paligid. “Salamat sa pagdadala mo sa akin dito. It’s beautiful. Kahit na alam kong marami na naman akong maaalala, okay lang sa akin.”

“Para ipaalala ko sa iyo, dinala kita rito para hindi ipaalala ang malulungkot na bagay. Okay? Dinala kita rito para magawa mo ang isang bagay na mahal na mahal mo.”

“Ha?” Ano’ng ibig nitong sabihin?

But all Lexus did was to snap his fingers. Isa-isang nagsilabasan ang mga lalaking pawang nakasuot ng coat and tie at may kanya-kanyang violin o 'di kaya ay cello. Napatakip na lang siya ng bibig para hindi mapahiya sa binata at para na rin maitago ang pagsinghap niya dahil sa gulat at tuwa.

“Alam ko na isa kang contemporary dancer. Pero ngayong araw na 'to, okay lang ba kung…” Pero hindi itinuloy ni Lexus ang nais nitong sabihin. Sa halip ay inilahad nito ang isang kamay sa kanya.

Hindi kaagad nakuha ni Guia ang ibig sabihin niyon kaya napatingin siya kay Lexus. He gestured at the hand he was offering to her. “Would you like to dance… with me?”

Kulang na lang ay lumabas na sa ribcage ang puso niya sa lakas ng pagtambol niyon dahil sa sinabi ni Lexus. Pero walang dudang nagustuhan niya ang ginawa nito kahit na nasorpresa talaga siya.

“Akala ko, pasasayawin mo pa akong mag-isa rito at papanoorin mo lang ako,” biro niya. Kasabay niyon ay tinanggap niya ang nakalahad nitong kamay.

“Iyon naman talaga ang plano ko. Kaya lang, parang mas gusto ko nang ganito. At least, we’ll both enjoy it, right?” Naramdaman niya ang agad na paghigpit ng hawak nito nang magdaop na ang kanilang mga palad.

She couldn’t help feeling warm all over because of it. Parang ayaw na talaga nitong bitiwan ang kamay niya kung higpitan nito ang paghawak doon. Gustung-gusto niya iyon.

Ilang sandali pa ay pumagitna na sina Guia at Lexus sa pavilion at pumuwesto na. Kasabay niyon ay nagsimula nang tumugtog ang isang pamilyar na awitin. Muli na namang lumakas ang tibok ng kanyang puso. Alam niya ang kantang iyon dahil minsan na niyang narinig si Lexus na kinanta iyon sa auditorium. Pero hindi nito alam ang tungkol doon.

Saka na lang niya pagtutuunan ng pansin ang tungkol sa bagay na iyon. Ang tanging mahalaga muna sa kanya ay ang presensiya ng lalaking ito sa harap niya ngayon at kasayaw pa niya. Sa totoo lang, hindi niya naisip na darating ang sandaling iyon sa kanila ni Lexus. But she was already living it at the moment.

Heto ngayon sa kanyang harapan ang tanging lalaking nakapasok sa kanyang puso pagkatapos ng lahat ng mga nangyari sa buhay niya noon. At malaki ang pasasalamat niya kay Lexus dahil ito ang lalaking nakagawa niyon sa kanya.

Darating kaya ang oras na mundo natin ay mag-isa? Darating kaya ang oras na magkahawak ang ating kamay? Kailan kaya? Kailan kaya darating ang tamang panahon para sa'ting dalawa? Di ko man ginusto mahulog agad sayo… Ngunit ito ang sinasabi ng pusong ito…

✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus FairyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon