“ITO NAMAN! Kung makangiti ka riyan sa pagkakatitig mo sa watercolor painting na 'yan, wagas.”
Pero hindi pa rin napapawi ang ngiti ni Guia habang pinagmamasdan ang regalong iyon sa kanya ni Lexus tatlong araw na ang nakararaan. Hindi lang naman kasi iyon ang dahilan kung bakit maluwang ang pagngiti niya nang araw na iyon. Sabado iyon at naroon lang siya sa bahay dahil wala naman kasi siyang planong lumabas at magliwaliw sa kung saan.
“Alam mo, Ma, akala ko talaga, magagalit ka sa akin kasi tumanggap ako ng regalo galing sa isang lalaki. At may posibilidad pa na…. masaktan ako ulit kasi hindi naman niya alam ang nararamdaman ko para sa kanya,” seryosong aniya at inilagay sa isang tabi ang hawak na watercolor painting.
Umupo naman sa tabi niya ang kanyang ina at hinigit siya palapit dito. “Bakit naman ako magagalit? Masaya nga ako at may ibang lalaki nang kumukuha ng atensyon mo. At nakikita ko kung paano ka alagaan ng lalaking iyon, kung sino man siya.”
Hindi na napigilan ni Guia ang mapaluha habang yakap siya ng kanyang ina. “Ma, okay pa rin naman po ako, eh. Hirap lang talaga akong tanggapin na hindi ko na magagawang tuparin ang talagang pangarap ko sa buhay pagkatapos ng mga nangyari.”
“Ito namang batang 'to. Ang ganda ng entrada ko, bigla kang magsasalita nang ganyan.”
Pero natawa na lang si Guia. Sumunod namang natawa ang ginang at muli siyang niyakap nito.
“Mabuti na lang talaga at may isang lalaki sa buhay mo na nagpapaintindi sa akin ng lahat, pati na ang mga bagay na kinatatakutan mo na hindi ko man lang alam kahit ako ang nanay mo.”
Bahagya siyang dumistansya sa ina at kunot-noong tiningnan ito. “Ano pong ibig n’yong sabihin?” Sinong lalaki ang tinutukoy ng ginang sa kanya?
Ngunit bago pa man tuluyang makasagot ang kanyang ina, napalingon sila sa pinto nang marinig ang pagtunog ng doorbell. Siya na ang nagprisintang tingnan kung sino ang bisita nila sa mga sandaling iyon. Pero ganoon na lang ang pagkagilalas niya nang mapagbuksan ng pinto si Lexus.
“Hi!” nakangiting bati ng binata. Kahit casual lang ang suot nito ay hindi maikakailang nag-uumapaw na naman ang charm at appeal ng lalaking ito.
Ano’ng ginagawa niya rito?
“O, Lexus, hijo! Napabisita ka rito,” bungad ng kanyang ina nang hindi niya mahagilap ang sariling tinig na gantihan ang pagbati ni Lexus.
“Pasensiya na po kayo sa abala, Ma’am. Plano ko lang po sanang imbitahang mamasyal 'tong dalaga n’yo at mas mabuti na po na ipaalam ko iyon sa inyo,” ani Lexus na hindi inaalis ang matamang tingin sa kanya.
Siyempre pa, hayun at bigay-todo na naman sa pagre-react ang puso niya. Laking pasalamat na lang talaga at kaya niyang huwag ipahalata iyon kay Lexus. Isa pa, mas nakatuon ang pansin niya sa tinutungo ng usapan.
Teka nga lang! Alam ng nanay niya ang pangalan ni Lexus kahit wala pa siyang binabanggit dito tungkol sa binata.
Teka nga lang. Ano ba talaga ang nangyayari rito? Minsan na bang nagkita ang dalawang ito nang hindi niya nalalaman?

BINABASA MO ANG
✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus Fairy
Teen Fiction『COMPLETE』 Book 2 of "Imperial Flowers", an Alexandrite University romance series Story of Guia Krystelle Medrano and Lexus Willard del Fierro ーーーーーー Para kay Guia, karugtong ng buhay niya ang pagsasayaw. Kaya naman ganoon siya kalungkot at tila...