Chapter 4.3

18 2 0
                                    

NAROON ang malaking kagustuhan ni Guia na tumalikod na at kumaripas ng takbo nang tuluyang makita ang lugar na pinagdalhan sa kanya ni Lexus. Ano'ng pumasok sa kukote nito at kinaladkad pa talaga siya nito patungo sa school auditorium?

Dapat pala ay kinutuban na siya sa itsura nito nang makita niya ito sa harap ng classroom kanina at inaabangan ang paglabas niya. Pero mas nangibabaw ang gulat na naramdaman niya nang makita ito. Idagdag pa ang pasaway niyang puso na biglang bumilis ang pagtibok dahil sa presensiya ni Lexus.

“Of all places na pagdadalhan mo sa akin, Lexus, bakit sa lugar na ayaw ko nang balikan pa? Nang-aasar ka lang talaga, 'no?” Hindi na niya napigilang makaramdam ng inis habang sinasabi ang mga iyon sa binata.

Pero nanatili pa ring walang emosyon ang mukha ni Lexus nang tingnan ito ni Guia. Kung hindi lang nito hawak nang mahigpit ang kamay niya, kanina pa talaga siya tumakbo. Mukhang alam nito na gagawin nga niya iyon sa oras na makarating sila sa auditorium.

“Sinabi ko na sa 'yo, 'di ba? Tutulungan kitang balikan ang pagsasayaw. Pero hindi mangyayari iyon kung hindi kita matutulungang labanan ang takot na patuloy pa ring nandiyan sa puso mo dahil sa nangyari,” seryosong tugon ni Lexus nang sa wakas ay tingnan siya nito.

Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang intensidad ng tingin nito sa kanya. Pero hindi rin niya maikakaila na dumoble ang kabang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon dahil doon.

“Wala nang dahilan para gawin mo pa ito, Lexus,” nasabi na lang ni Guia sa kabila ng panghihinang naramdaman. “Puwede mo naman akong tulungan sa ibang paraan, eh. Huwag lang dito. Please... Huwag lang dito.”

Umiling ito at hinawakan ang likod ng ulo niya. Napatingin siya rito at sigurado siya na bakas na ang pagmamakaawa sa mga mata niya. Ngumiti lang ito nang masuyo. “Isa ito sa mga paraan para matulungan ka, Guia. May palagay ako na hindi ka tuluyang makakabalik sa pagsasayaw hanggang nariyan pa ang takot sa puso mo kapag nakikita mo ang lugar na ito.”

“Dahil dito nangyari ang lahat, Lexus. Ang lugar na ito ang isa sa nagpapaalala sa akin ng pangyayaring iyon. Idagdag mo pa ang pagmumukha ng sira-ulong Jeric na iyon, ang mga achievement ng Dance Troupe na wala akong naitulong. Ipinapaalala lang nila sa akin ang lahat ng hirap ko na kalimutan ang lahat ng pinagdaanan ko pagkatapos ng aksidente.”

“Makinig ka sa akin, Guia,” masuyong utos ni Lexus, dahilan upang hindi niya magawang iiwas ang paningin kahit gustuhin niya. Bakit ba kasi ganito na lang kung makatingin sa kanya si Lexus? Kulang ang salitang intense. “Hindi ba puwedeng umisip ka ng ibang dahilan para pilitin mong alisin ang takot na nararamdaman mo? Hindi mo ba ako puwedeng gamitin na rason?”

Mababakas ang matinding gulat sa mukha ni Guia nang marinig ang tanong nitong iyon. Tama ba ang narinig niya? Pero teka! Ano'ng ibig sabihin n'on?

“Alam kong mahirap sa ngayon dahil ang tagal na rin mula nang huling beses kang nakarating dito. Pero ito ang gusto kong tandaan mo, Guia. Hindi lahat ng tao sa paligid mo, katulad ng sira-ulo mong ex-boyfriend na gusto kang mahulog at malugmok sa isang tabi. Meron at meron pa ring sasalo sa 'yo at maglalahad ng kamay para tulungan kang makatayo ulit. At kung mahulog ka man ulit kahit sinubukan mo nang tumayo, tandaan mo na isa ako sa mga sasalo sa 'yo, okay?”

Okay... Nananaginip lang siguro siya.

Lexus did not just say those words, right?

Lalo siyang naumid nang maramdaman ang paghapit nito sa baywang ni Guia at yakapin siya. Patunay lang na lahat ng mga nangyayari nang mga sandaling iyon ay totoo. Hindi na niya napigilan ang mapaiyak. Ano ba ang nagawa niya para magkaroon ng kaibigang katulad ni Lexus?

Pero sa totoo lang, bakit bigla siyang nanlumo sa salitang “kaibigan”?

✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus FairyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon