HINDI sigurado si Guia kung tama ba ang naisip niyang gawin nang mga sandaling iyon. Pero may isang bagay siyang gustong gawin, gustong patunayan para sa sarili niya. Kahit alam niyang masakit, kahit alam niyang sobra-sobra siyang mahihirapan, gusto pa rin niyang subukan.
Humugot muna siya ng pagkalalim-lalim na hininga. Iyon bang klase ng paghinga ng malalim na parang hindi na niya gagawin iyon sa susunod niyang buhay. Pero kailangan niyang kunin ang lahat ng lakas na meron siya sa katawan at ilabas iyon. Kailangan niya iyon para magawa ng maayos ang dapat na gawin sa huling stage na pagsasayawan niya.
Yes. After a long time, Guia was going to find out if all her efforts--with Lexus' help to bring it all out from her--was going to pay off. At gagawin niya iyon sa stage na ilang taon nang nagsilbing multo para sa kanya.
Sa stage ng auditorium.
Hindi na napigilan ni Guia ang sarili na umiyak na naman dahil sa pagragasa ng mga alaala.
Ang nakakatawa pa, hindi patungkol kay Jeric ang mga naaalala niya.
"Ano ba namang klaseng nilalang ka, Lexus Willard del Fierro?" naitanong na lang niya sa sarili sa sobrang pagkainis.
Sinaktan na nga siya ng binata pero heto siya, ito pa rin ang naaalala niya.
Napatingin si Guia sa stage. Noon lang niya namalayan na nakalapit na pala siya roon at paakyat na ng hagdan para tumuntong sa stage. This was supposed to be the last phase. Ang sumayaw siya sa stage na matagal na niyang kinatatakutan.
Pero paano pa niya magagawa iyon kung ang mismong dahilan ng paglaban niya sa sariling takot ay tuluyan nang lumayo sa kanya?
ーーーーーー
HINDI pa rin tuluyang nawawala ang kabang nararamdaman ni Lexus habang pinagmamasdan ang paglapit ni Mirui sa direksyon niya. Nang pasadahan niya ng tingin ang mga kasamahan, pagtataka ang karamihan sa mga nakita niya sa mukha ng mga ito. May ilan na halatang kinakabahan.
Sino ba naman ang hindi kakabahan? Iyon ang unang pagkakataon na nakita niyang ganoon kaseryoso ang mukha ni Mirui. Para bang naghahamon ito ng away. At sa nakikita niya, nakapili na ito ng aawayin.
Tiningala siya ni Mirui nang agad itong tumigil sa harap niya. Hindi maipaliwanag ni Lexus ang mga nakikita niyang emosyon na nakapaloob sa mga mata ng kapatid. Pero bago pa siya makabuo ng konklusyon tungkol sa bagay na iyon, agad na nagsalita si Mirui.
"So hanggang dito ka na lang? Wala ka nang ibang gagawin para ayusin ang gulong ginawa mo?" may pagkasarkastikong umpisa ni Mirui na nakapamaywang pa.
Nag-iwas lang siya ng tingin at tinalikuran ang dalaga.
Pero hindi pa man siya tuluyang nakakalapit sa bench kung saan naroon ang sports bag niya ay agad siyang natigilan sa idinugtong ng kapatid.
"Ilang araw na siyang umiiyak nang dahil sa ginawa mo. Ni hindi mo man lang siya binigyan ng pagkakataong ipaliwanag sa 'yo ang totoo. Ang sagot sa mga nakita mo nang araw na iyon sa hallway. From what I can see, you're doing exactly the same thing that Mom did to me before. Ipinagkait mo kay Ate Guia ang pagkakataong maging masaya."
Hindi nakaimik si Lexus sa mga narinig. Ano ang ipinagkait niya kay Guia? Ginawa lang naman niya ang alam niyang tama at nararapat. At isa pa, siya ang higit na nasaktan sa ginawa niyang pagtataboy sa dalaga. He just did her a favor. Tutal naman, nagkaayos na sina Guia at Jeric. Wala nang dahilan para pumagitan pa siya sa mga ito.
"Bakit hindi mo na lang inamin sa kanya na nagselos ka nang makita mong nag-uusap at magkayakap sina Ate Guia at ng ex-boyfriend niya? Hindi 'yong ganoon mo na lang itinaboy 'yong tao matapos mong paasahin nang pakitaan mo ng labis na concern na bumalik siya sa dati."
"Dahil wala naman akong karapatang gawin iyon, eh!" bulalas niya nang hindi matagalan ang pinagsasasabi ni Mirui. Kung makapagsalita ito, parang ganoon na siya kasama. Tiningnan niya niya ng masama ang kapatid at marahas na bumuntong-hininga nang makita na hindi man lang ito natinag. "Kahit gusto kong aminin sa kanya ang totoong dahilan kung bakit ganoon na lang ang kagustuhan kong tulungan siya, alam kong wala ring patutunguhan iyon. Nakipagmabutihan na siya sa ex-boyfriend niya. Or rather, boyfriend."
Si Mirui naman ang bumuntong-hininga at nagkamot pa ng likod ng ulo nito. Parang ito pa ang nabubuwisit sa kanilang dalawa kung umakto ito. Kapagkuwan ay binalingan nito si Theron.
"Alam mo, Ron, maihahampas ko na talaga sa mukha ng kapatid nating 'to ang dala kong gitara, eh." Matapos lang itong tawanan ng isa pang kapatid ni Lexus ay hinarap naman siya nito. "Ngayon ko lang nalaman na magkapareho na pala ang definition mo ng nagkaayos at nagkabalikan. Sa pagkakaalam ko, nagkabati lang sila at inayos na nila ang gusot sa pagitan nilang dalawa ni Jeric. And for your information, my dear brother, mananatiling ex-boyfriend na lang ang status ng Jeric na iyon sa buhay ni Ate Guia."
Halos lahat ng mga kasamahan ni Lexus ay gulat na napatingin sa dalaga. Maging siya ay ganoon ang ekspresyon niya na hinarap si Mirui. Pero sigurado siya na siya lang ang naiiba ang dahilan kung bakit ganoon ang reaksyon. Ibig sabihin ba n'on ay siya lang ang nagkamali ng pagkakaintindi sa nakita niyang tagpo?
Aminin man niya ngayon o hindi, unti-unti nang nalilinawan ang isip niyang nanatiling malabo nitong mga nakalipas na araw.
Dapat niyang sisihin doon ang nararamdamang selos, sakit, at kawalan ng pag-asa. Isa nga siya sa pinangingilagan sa Alexandrite University pero agad na natitibag ang pader na lagi niyang ipinapalibot sa puso niya pagdating kay Guia.
"Brother? Mirui, magkapatid kayo ni Captain?" hindi makapaniwalang tanong ni Jerrold nang makahuma ito.
"At saka tama ba 'yong narinig namin? Kapatid ninyo ni Ron si Captain? Paano nangyari iyon?" sunud-sunod na dagdag pang tanong ni Selwyn.
Huminga muna ng malalim si Mirui at hinarap si Lexus. "Saka na kami magpapaliwanag ni Kuya Lexus. Kailangan muna niyang ayusin 'tong gulo na ito na ginawa niya sa sarili niya," anito na binigyan pa ng diin ang salitang "kuya" at hindi inaalis ang tingin sa kanya.
"Lexus," tawag ni Errol sa atensyon niya nang makahuma na rin ito sa pagkagulat sa narinig kay Mirui.
Nabaling ang tingin niya rito at nakitang papalapit ito.
"Alam ko, iniisip mo na wala ka namang mapanghahawakan para manatili sa tabi mo si Guia. Pero pare, hindi pa ba sapat ang nararamdaman mo para sa kanya para mangyari ang gusto mo? Ibigay mo sa kanya ang totoong dahilan na puwede niyang tanggapin at panghawakan para huwag siyang malayo sa iyo. I'm sure she's been wanting to have something that she can use as a reason to stay by your side."
Nang tingnan ni Lexus ang mga kaibigan, halos lahat ay sabay-sabay na tumango bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Errol. Napatingin din siya sa dalawang kapatid na sina Mirui at Theron. Umiiling-iling lang ang dalaga habang sumesenyas naman si Theron na umalis na siya.
Wala nang dahilan para pairalin pa ang takot. This was Guia he was talking about. Ang babaeng iyon lang ang pinagtuunan niya ng ganitong klaseng atensyon at damdamin sa loob ng mahabang panahon. Bahala na kung ano ang mangyayari. Basta sigurado na siyang gusto niya itong manatili sa buhay niya.
"Nasaan siya?"
![](https://img.wattpad.com/cover/77679006-288-k179439.jpg)
BINABASA MO ANG
✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus Fairy
Roman pour Adolescents『COMPLETE』 Book 2 of "Imperial Flowers", an Alexandrite University romance series Story of Guia Krystelle Medrano and Lexus Willard del Fierro ーーーーーー Para kay Guia, karugtong ng buhay niya ang pagsasayaw. Kaya naman ganoon siya kalungkot at tila...