Chapter 6.1

2 1 0
                                    

HINDI na talaga alam ni Guia kung ano ang pinaka-shocking sa lahat ng mga nalaman niyang impormasyon nang araw na iyon. Kung 'yong malaman niya na magkapatid pala sa ina sina Mirui at Lexus, kapatid naman ni Lexus sa ama ang teammate nitong si Theron Heinz Monterossa, 'yong all this time ay nagawa nilag itago iyon sa madla, o malaman na marunong pala sa pagpipinta ang lalaking ito na kinakatakutan sa buong Alexandrite University. Pero puwede rin ba niyang ikonsidera na nakakagulat ang malaman na siya pa lang ang nakakaalam ng lahat ng ito dahil siya lang ang outsider na pinagkatiwalaan ni Lexus ng lahat ng iyon? Hindi na niya alam. Hindi na siya sigurado sa dapat isipin.

Naroon lang siya sa sala at pinapanood sina Lexus, Theron, Tita Sierra, at Tito Arthur na nag-uusap sa bakuran nang masinsinan. Kasama niya si Mirui na nagpaliwanag sa kanya ng lahat-lahat tungkol sa komplikadong kuwento ng buhay ni Lexus.

“Ang hirap din siguro sa inyo 'yon, 'no? 'Yong itago sa lahat ang tungkol sa pagiging magkapatid ninyo ni Lexus at ang pagiging Monterossa pala niya,” komento na lang ni Guia na hindi inaalis ang tingin kay Lexus sa bakuran.

“Sanayan lang 'yan. At saka hindi basta-basta ang mga adjustment na kailangan naming gawin. Lalo na kapag lalabas kami ng bahay na 'to. Tingnan mo naman, napagkamalan pa kami ni Kuya na mag-on. Eww lang.” At si Mirui, umakto pa talaga na parang nasusuka.

Natawa na lang si Guia. At sa 'di malamang dahilan, parang gumaan ang pakiramdam niya. Teka nga lang, bakit naman ganoon ang mararamdaman niya? Heto na naman sa ka-weird-uhang nagsusulputan sa dibdib niya, eh.

Muli ay tiningnan niya ang apat na taong nag-uusap sa garden. Pero ganoon na lang ang gulat niya nang makitang nakatingin sa kanya si Lexus at nginitian pa siya bago muling ibinaling ang tingin sa tatay nitong si Arthur Monterossa. Para saan naman kaya iyon?

“Ang weird pala ng Kuya mo, 'no? Ngingiti-ngiti nang walang dahilan,” nasabi na lang ni Guia at napailing. Pero ang puso niya, heto at biglang bumilis ang pagtibok. Kung anu-ano na talaga ang nararamdaman niya. Kulang na lang, isipin niyang kailangan na niyang magpatingin sa doktor.

“'Sus! Sa 'yo lang naman nagkaganyan iyan, eh. Huwag ka nang magtaka. At sana lang, pareho n'yo na ring malaman ang sagot kung bakit pareho kayong umaakto ng weird.”

Huli na nang mamalayan niyang naitapon pala niya kay Mirui ang isang throw pillow sa kanyang tabi. Pero tinawanan lang siya nito nang nakakaloko. Nakuha tuloy nila ang atensyon ng mga naroon sa bakuran dahil sa tawa nito.

Lexus was smiling at her amusingly. Napayuko na lang siya sa sobrang pagkapahiya at sa sobrang pagka-conscious na rin. Wala na bang ibang gagawin ang lalaking ito kundi ang ngitian siya? At bakit ayaw pa ring tumigil sa pagtibok ng mabilis ang puso niya?

Kulang na lang, iisipin na talaga niyang aatakihin siya sa puso, eh.

ーーーーーー

MAG-ISA na lang si Guia sa clubhouse nang araw na iyon dahil maaga na niyang pinauwi ang mga kasamahan sa IF. Siya naman, mas gusto munang tumambay doon para makapag-isip-isip. Tatlong araw nang magulo ang isip niya. Ganoon katagal na rin niyang hindi nakikita si Lexus pagkatapos siya nitong dalhin sa bahay ng mga Asahiro at madiskubre ang pinakatatagong sikreto nito at ni Mirui.

Sino ang mag-aakala na ganoong klaseng relationship pala ang namamagitan sa dalawang iyon? Hindi pa niya alam ang buong kuwento kung paano nangyari ang lahat. Pero sa tingin niya, mas dapat niyang hayaan si Lexus ang magkuwento sa kanya ng mga detalye. Iyon ay kung magkikita pa nga ba sila ng lalaking iyon. Sa totoo lang, may pakiramdam siya na pinagtataguan siya ni Lexus. Hindi nga lang siya sigurado kung tama ang pakiramdam niyang iyon.

Isa pa, ano naman ang dahilan para pagtaguan siya nito?

“Ikaw yata ang lagalag sa inyong dalawa ni Rui, eh.”

Pilit niyang pinakaswal ang sarili nang lingunin niya ang pinagmulan ng tinig na iyon. Pero parang pahirap yata nang pahirap na gawin iyon. Paano siya hindi mahihirapan, eh ngitian ba naman siya ni Lexus? Alam niyang once in a blue moon lang itong ngumiti sa harap ng madla. Kaya lang, bakit napapdalas yata ang pagngiti ng lalaking ito sa kanya nitong mga nakalipas na araw? Mula yata noong magtanong to tungkol sa pagsasayaw niya, nag-umpisa na rin ang pagdalas ng pagngiti nito.

“Pambihira! Nandito lang ako sa clubhouse, lagalag na kaagad? Ang gulo mo ring mag-isip, 'no?”

“Hindi naman. Mukhang mali yata ang umpisa ng pakikipag-usap ko sa 'yo.”

“Ngayon mo lang napansin?”

Natawa silang dalawa ni Lexus. Mabuti na lang at hindi siya natulala gaya ng inaasahan niya. Hindi na niya napigilan ang sariling patuloy na pagmasdan ang lalaking ito dahil doon. Ilang sandali nga lang ay bumalik sa pagiging seryoso ang mukha nito at tiningnan na rin siya. Kapagkuwan ay hindi niya magawang tagalan ang intensidad ng titig nito kaya agad siyang nag-iwas ng tingin.

“Ummm... Ano nga pala ang ginagawa mo rito? Wala ba kayong practice ng mga kasamahan mo sa tennis team?”

“Nah. Maaga ko nang pinauwi ang mga bugok na iyon. May mga kailangan pa raw silang gawin na personal. Hindi ko naman puwedeng pigilan at alam ko namang importante ang mga iyon. Isa pa, naabisuhan na rin nila ako sa mga gagawin nila sa araw na ito. Kaya heto, mag-isa na lang ako.”

Kunot-noong tiningnan ni Guia si Lexus. Hindi niya alam kung magtataka lang ba siya sa nakikitang emosyon sa mukha ng lalaking ito o dapat rin ba siyang kabahan. Bakit parang... may ginawa yata ito na hindi niya matukoy kung ano?

“Okay ka lang? Naguguwapuhan ka na ba sa akin at ganyan na lang kung makatingin sa akin?” nakangisi nang tanong nito na ikinainit ng mukha niya.

Tinaasan niya ng kilay si Lexus na tumawa lang sa kabila niyon. Hindi na talaga niya alam ang itinatakbo ng utak ng lalaking ito, sa totoo lang. “Ngayon ko lang alam na matindi rin pala ang pagkahambog mo, 'no?”

“Ito naman. Pinapangiti lang kita. Ano na naman ba kasi ang iniisip mo?”

Hindi siya kaagad nakatugon kaya nanatili lang siyang nakatingin kay Lexus. At heto na naman sila. Hindi ba talaga nagsasawa ang lalaking ito sa katitingin sa kanya? Pero this time, hindi na siya nag-iwas ng tingin. Ginagawa niya ang lahat para salubungin ang tinging iginagawad nito sa kanya na hindi niya alam kung para saan. Hanggang sa maalala niya ang isang tanong na bumabagabag sa kanyang isip ng ilang araw.

“Kung itatanong mo sa akin kung bakit ko sinabi sa 'yo ang totoong relasyon namin ni Rui na buong buhay naming itinago sa madla, iyon ay dahil gusto kong maging patas tayo.”

Kumunot ang noo niya. “Patas saan?”

“Inalam ko ang sikreto mo, 'di ba? Ang dahilan kung bakit mo tinalikuran ang pagsasayaw. Hindi na kita pinahirapan na malaman mo ang katumbas na sikreto na meron ako.”

Nagulat si Guia sa sagot ni Lexus. This guy was nuts, right? Katumbas na sikreto? Kung ikukumpara sa sikretong pinakatatago nito, sa takot na ilang taong namamahay sa puso niya, 'di hamak naman na mas mabigat pa ang timbang ng sikretong ipinagtapat nito sa kanya.

Ilang sandaling katahimikan pa ang namagitan sa kanila ng binata na nakatingin lang siya rito. Kapagkuwan ay pareho silang napangiti na lalong nagpalakas sa tibok ng puso niya nang mga sandaling iyon.

“In that case, thank you. Kasi ipinagkatiwala mo sa akin iyon,” aniya at pabuntong-hiningang ibinaling ang tingin sa labas.

“Kung ngingiti ka ba naman ng ganyan kaganda, hindi ako mag-aalinlangang ipagkatiwala sa 'yo ang lahat ng sikretong meron ako.”

Pabirong hinampas niya si Lexus sa balikat na ikinatawa lang nito. Kung anu-ano na ang sinasabi ng lalaking ito, sa totoo lang. May sayad na ba talaga ito at hindi lang niya alam?

✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus FairyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon