Chapter 1

78 4 2
                                    

HINDI mapigilan ni Guia ang mapangiti habang pinapanood si Mirui sa tila inspirado na pagpapatugtog nito ng violin. Isa ito sa mga kasamahan niya sa subgroup ng Spiritual Garden Society ng Alexandrite University, ang Imperial Flowers. Sa katunayan, siya mismo ang personal na nag-recruit rito noong first year pa lang ito habang siya naman ay bagong hirang na leader ng grupo. 

Kinabibilangan ng labing-dalawang babae ang Imperial Flowers at tatlong taon na siyang leader niyon. At sa loob ng tatlong taon, nakita niya kung paano nahasa ang talento ni Mirui sa tulong na rin ng kanilang grupo. Gaya na rin ng naging pagtulong ng grupong iyon na mahasa ang talento niya at magawa niyang maipakita iyon sa madla.

“Iba nga naman ang nagagawa ng pag-ibig, 'no?”

Napalingon si Guia sa pinagmulan ng tinig na iyon. Sinalubong niya ng ngiti ang papalapit na si Ria, ang secondary leader ng Imperial Flowers. Naupo ito sa kanyang tabi at pinagmasdan din ang inspiradong pagpapatugtog ni Mirui.

“Napansin mo rin pala,” sabi niya. “Sino ang mag-aakala na mas lalabas pa pala ang talento ni Mirui sa violin pagkatapos ng lahat ng nangyari sa kanila ni Theron?”

“Inggit ka sa kanila?”

Kunot-noong tiningnan niya si Ria. Kalaunan ay napailing siya. “Walang dahilan para mainggit ako, 'no? Masaya lang ako na maayos na ang lahat sa pagitan ng dalawang iyon. At saka…” Pero hindi niya magawang ituloy ang nais sabihin nang biglang rumagasa ang ilang alaala sa kanyang isipan. Ipinilig niya ang ulo upang mapalis iyon.

Of all days, bakit ngayon pa niya naiisip iyon?

“At saka? Guia, huwag mong sabihing hindi ka pa rin maka-move on sa mga nangyari sa inyo ni Jeric noon?”

Hindi na siya umimik pa. Walang silbi na ungkatin na naman niya ang isang bahagi ng nakaraan niyang iyon. Mas mabuti pa na panoorin na lang niya si Mirui at pagmasdan ang magandang aura ng mukha ng kasamahan niyang ito.

“Okay, sorry. I didn’t mean to bring that up. Kahit kailan talaga, hindi ko mapigilan ang tabas ng dila ko,” iiling-iling na wika ni Ria at pinagtatampal pa ang sariling bibig.

Natawa na lang siya roon. “Okay lang. Alam ko namang kasama na iyan sa mga hindi mo na maidadaan pa sa kahit anong pangako, pati na rin sa New Year’s Resolution mo.”

“Ang sama nito! Maidadaan pa naman sa pangako ang pagpigil sa tabas ng dila, 'no? Kahit inborn nang naturingan ang pagkakaroon ko nito.”

“Talaga? Kailan mo pa magagawa 'yan? Kapag nagka-boyfriend ka na?”

Tiningnan siya ni Ria nang masama na ipinagtaka niya. “Walang magagawa ang boyfriend sa pagpigil sa tabas ng dila. Lalo na kung ang lalaking magiging boyfriend ko ay 'yong taong hindi marunong tumupad sa isang mahalagang pangako.” Matapos niyon ay walang lingon-likod na umalis ito roon.

Siya naman ay naiwang nagtataka sa ikinilos ni Ria. Ano’ng problema n’on? Kapagkuwan ay ipinagkibit-balikat na lang niya. Baka siya naman ang may nasabing hindi maganda rito. She’d better apologize to Ria later.

======

 LAKING-PASALAMAT ni Guia at natapos na rin ang klase niya sa wakas nang hapon na iyon. Bagaman hindi boring ang naturang klase, wala talaga siya sa mood buong maghapon dahil hindi siya mapakali. Iniisip pa rin niya ang ikinilos ni Ria. Sa tagal na rin kasi na nakasama niya ito sa Imperial Flowers, aminado siyang wala pa siyang masyadong alam sa personal life ng kaibigan niyang iyon. Pero ganoon din naman siya sa iba pang miyembro ng Imperial Flowers.

Sa labing-dalawang miyembro ng grupo, si Mirui ang tanging malapit sa kanya. Bunsod na rin siguro ng dahilang siya ang personal na nag-recruit sa dalaga noon. Isang tao lang naman ang dapat niyang pasalamatan sa bagay na iyon. Ang problema lang, hirap siyang tantiyahin ang mood ng lalaking nag-suggest sa kanya noon na i-recruit niya si Mirui. Nagtataka nga siya hanggang ngayon kung paano nagagawa ni Mirui na pakitunguhan iyon na hindi tuluyang nauubusan ng pasensiya sa pabago-bagong timpla ng mood ng lalaking iyon.

✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus FairyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon