Chapter 7.4

1 1 0
                                    

DAY Four ng Foundating Week Celebration. At para sa buong grupo ng Imperial Flowers, 'di matatawarang kaba ang kakabit ng araw na 'to. Ito na kasi ang araw kung saan ipapakita na ng Theater Club ang pinaghandaang musical play at ilan sa mga kasama sa ensemble na magpapatugtog ng iba’t-ibang musika na ipapalabas sa play na iyon ay ang sampung miyembro ng Imperial Flowers. Habang ang natitira pang dalawang miyembro na sina Aria at Lynne ay kabilang naman sa mga cast sa musical play.

Bago pa man mag-umpisa ang play, pasimpleng hinagilap ni Guia sa mga nagsidatingang manonood ang isang taong inimbitahan niya two days ago. Pero hanggang sa mag-umpisa na ang performance ay hindi pa rin niya ito nakita. Disappointed man, pinilit niyang huwag ipakita iyon sa mga kasamahan. She needed to focus on her own musical piece she was required to play. Marami ang umaasa sa kanya, sa kanila na miyembro ng Imperial Flowers. Ayaw niyang biguin ang mga ito.

Tumagal ng mahigit dalawang oras ang musical play na talaga namang tinutukan ng mga nagtungo roon upang manood. Maging siya ay tinutukan ang palabas at nagustuhan niya iyon. Hindi maikakailang proud na proud siya kina Aria at Lynne na halatang pinaghandaan ang nasabing musical play. Kunsabagay, kahit sino sa kanila sa Imperial Flowers ay talagang pursigido sa mga ginagawa nila sa larangan ng musika at singing kung saan sila nag-e-excel. Lalo na kapag nais nilang ipakita iyon sa madla upang magbigay ng kasiyahan sa mga nanonood.

Masigabong palakpakan ang sumalubong sa lahat ng bumubuo sa musical play. Siyempre, pati rin sa kanila na bahagi ng ensemble na tumugtog para sa magarbong performance na iyon ay pinalakpakan din. Iyon ay kahit sa buong durasyon ng performance nila, patuloy siya sa pagsipat sa audience kung naroon ba ang taong inimbitahan niya. But in the end, she didn’t see that person.

Bakit naman kasi kung kailan nag-effort siya na kausapin si Lexus at personal itong imbitahan ay saka naman ito hindi nagpakita? Parang wala lang dito ang ginawa niyang iyon. Pero agad din niyang inalis ang masamang isipin na iyon. Baka naman may dahilan ang binata kung bakit hindi ito nakapunta. Hanggang sa maalala niya na hindi nga pala kinumpirma ni Lexus sa kanya na pupunta ito. Isa pa, wala siyang maalala na um-attend din ito sa kahit na anong performances ni Mirui mula pa noon.

Pero bakit nga kaya hindi nagpapakita si Lexus kahit na inimbitahan naman ito?

“Hay… Kung kailan naman pinagbutihan ko ang pagpe-perform gamit ang violin na regalo niya sa akin, saka naman siya absent. Nakakainis talaga ang lalaking iyon kahit na kailan,” malungkot na sabi ni Mirui.

“Sino, si Theron ba? Parang nakita ko lang naman siya kanina, ah,” saad ni Miette na kasunod lang ni Mirui.

Umiling ito at bumuntong-hininga. “Hindi si Theron, 'no? Kahit naman hindi magpakita sa akin o sa audience ang Snowflakes na 'yon, alam ko naman na nandiyan lang siya para sumuporta sa akin.”

“Eh sino ba ang tinutukoy mo, ha?” tanong naman ni Yuri.

Hindi na sinagot ni Mirui iyon. pero alam ni Guia kung sino ang tinutukoy nito. Ano nga kaya ang nangyari? Kung ganoon ay inaasahan din pala nito ang pagdating ni Lexus.

Subalit nalihis ang takbo ng kanyang isipan nang pumasok sila sa dressing room na gamit ng Imperial Flowers for that day. Lahat sila ay nagulat sa tumambad sa kanila.

“OMG! Ang ganda naman nito!” bulalas ni Miette at agad na nilapitan ang table kung saan naroon ang isang may kalakihang basket ng love-in-a-mist na naka-arranged na roon.

“Well, obvious naman kung para kanino 'yan. Iisa lang naman sa atin ang favorite ang bulaklak na 'yan, eh,” ani Katie na noon lang nagsalita pagkatapos ng performance.

Napansin ni Guia na biglang na-focus sa kanya ang tingin ng mga kasamahan niya. Nang tingnan niya ang flower basket, bahagya pang iwinagayway ni Miette ang isang maliit na card.

“Your name’s written here. Minus the sender, though,” imporma ni Miette at iniabot sa kanya ang card.

Nagtataka man, kinuha niya iyon mula sa kaibigan at binasa ang nakasulat doon. Her full name was written on it. Kasunod niyon ay isang maikling mensahe.

Guia Krystelle Medrano,

I guess that whatever you do, you’ll always be one puzzling person to me. Anyway, I hope you like this gift I made for you.

“Gift?” nagtatakang ulit niya at tiningnan ang basket ng bulaklak. 

Noon lang niya napansin ang isang picture frame na pinagpapatungan ng basket. Agad niyang kinuha iyon at tumambad sa kanya ang isang watercolor painting ng babaeng nakasuot ng gown na gaya ng isang fairy at nakaupo sa isang lotus pod. Hawak ng dalawang kamay ng babae ang isang full bloom lotus na kinulayan ng puti. Hindi na niya napigilan ang mapangiti. It was truly a beautiful portrait at talagang ginamit pa nito ang flower code niya sa IF.

Ang tanong lang, sino ang nagpadala niyon sa kanya?

Sinipat-sipat niya ang buong painting sa pagbabaka-sakaling may makita siyang pangalang nakapirma roon. Kumunot-noo siya nang makita sa kaliwang gilid sa ibaba ng painting ang pangalang “Lewi”. Sino naman si Lewi? Parang pamilyar sa kanya ang pangalan na iyon, ah.

“Patingin nga.”

Iniabot ni Guia kay Mirui ang painting at tiningnan nito iyon. Seryoso ang mukha nito habang ginagawa iyon na para bang pinag-aaralan nito nang husto ang kabuuan ng painting. Mas lalo tuloy siyang nagtaka sa kilos nitong iyon. Kapagkuwan ay dahan-dahang napangiti ang dalaga bago bumuntong-hininga.

“Sinagad naman niya nang husto 'to,” mahinang saad ni Mirui at umiiling-iling pa nang iabot nito sa kanya ulit ang painting.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” Sa totoo lang, kanina pa may sinasabi si Mirui na hindi niya maintindihan. Gusto lang talaga nitong guluhin ang utak niya?

Iwinasiwas nito ang isang kamay at ngumiti nang makahalugan. “Malalaman mo rin ang tungkol doon. Huwag kang mag-alala.”

Pero sa totoo lang, lalong kinabahan si Guia sa mga sinabing iyon ni Mirui.

✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus FairyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon