Chapter 3.3

24 2 1
                                    

TAMA nga siguro si Mirui nang sabihan nito si Lexus kaninang umaga na matigas ang ulo. Pero naisip niya na dapat ay sanay na ito sa tigas ng ulo niyang iyon. Ang tagal na nilang magkasama.

Kaya lang nasabi iyon ni Mirui ay dahil sa kagustuhan niyang pumasok na pagkatapos ng isang linggong pagiging absent niya dahil sa trangkaso. Sanay na ang mga naging professor at instructor niya na ganoon katagal ang pagliban niya sa klase kapag tinatrangkaso. Gayunpaman, hindi pa rin siya nawawala sa dean's list dahil nagagawa pa rin niyang makahabol sa mga lesson at activities na na-miss niya.

Pero sa mga sandaling iyon, hindi ang lessons ang dahilan kung bakit nagpumilit siyang pumasok. Nag-aalala siya para kay Guia. O mas tamang sabihin na naku-curious siya sa totoong nangyari kay Guia noon para maisipan nitong tumigil sa pagsasayaw. Oo na, ginagawa na nga niyang big deal iyon, gaya ng sinabi ni Mirui.

Pero hindi talaga maalis sa isip niya ang pait sa tinig ni Guia nang pilitin niya itong magsalita tungkol doon. Lalo na ang mga luhang naglandas sa mga pisngi nito pagkatapos sabihin iyon.

Si Lexus ang huling taong gusto ni Guia na makaalam ng totoo at makaramdam ng awa sa nangyari sa dalaga. Ano'ng ibig sabihin nito roon?

Para masagot ang tanong niyang iyon, kinailangan talaga niyang pumasok at kausapin ang taong posibleng makapagbigay ng matinong paliwanag sa kanya. Nabanggit na noon sa kanya ni Mirui ang ilang mga taong posibleng nakakaalam ng totoong pangyayari. Pero malabong sagutin nina Ria at Aria ang tanong niya. Kung si Mirui nga, hindi magawang makakuha ng sagot sa mga ito. Siya pa kaya?

Kaya nagmamadali siyang nagtungo sa closed court. Naroon ang taong isa pa sa mga nakakaalam ng totoo. Kailangan lang niyang patunayan dito na wala siyang masamang intensyon sa gagawing pagtatanong.

Hindi naman nabigo si Lexus na makita sa closed court ang pakay niya. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago naglakad patungo kay Errol. Kausap nito sina Selwyn at Dyran nang mga sandaling iyon sa eastside bench area.

"Uy! Captain, magaling ka na?" salubong ni Selwyn sa kanya.

Tango lang ang naging tugon ni Lexus at tumigil sa harap ni Errol. "Puwede ba tayong mag-usap sandali? May kailangan lang akong malaman."

"May problema ba?" takang tanong ni Errol.

"Problema bang maituturing si Guia?" sa halip ay balik-tanong niya.

Sa palagay niya, nakuha na nito ang ibig niyang sabihin. Naisip niya iyon nang makita ang seryosong ekspresyon ni Errol. At hindi iyon normal para sa kanila na ka-teammate nito sa Falcon Knights.

"Sinabi niya sa 'yo na ikaw ang huling taong gusto niyang makaalam ng totoong nangyari sa kanya nang araw na iyon, 'di ba? Pero gusto mo pa ring alamin ang tungkol doon."

"Gusto ko siyang tulungan, sa maniwala ka't sa hindi, Errol," aniya. Huminga siya ng malalim. "Pero hindi ko magagawa iyon kung ganitong wala akong mahita na matinong sagot sa kanya o sa sinuman na posibleng makapagpaliwanag sa akin ng lahat ng kailangan kong malaman. Gusto ko lang bumalik ang dating Guia na una kong nakilala."

Napuno ng kantiyawan ang closed court dahil sa litanya ni Lexus. Pero nanatiling nakatingin sa isa't-isa at tahimik sina Lexus at Errol. Parang tinatantiya nito ang katotohanan sa mga sinabi niya.

Kapagkuwan ay si Errol naman ang huminga ng malalim. "Lahat kami na malapit kau Guia, ganyan ang gustong mangyari sa kanya pagkatapos ng aksidente. Pero bigo kami."

"Gusto kong subukan. Kailangan ko lang maliwanagan sa ilang bagay na magulo at malabo para sa akin bago ko maisipang kumilos para tulungan siya."

Ilang sandali pa ay tumayo na si Errol sa upuan na ipinagtaka niya, maging sina Selwyn at Dyran.

"O, saan ang punta mo?"

Hinarap ni Errol si Lexus. "Puntahan natin ang witness sa nangyari sa auditorium."

Witness sa nangyari? Sino naman kaya iyon?

✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus FairyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon