ILANG beses itinatanong ni Lexus sa sarili kung ano ba ang nagawa niyang maganda at pinagkalooban siya ng pagkakataon na pagmasdan at patuloy na hangaan ang dalagang tanging bumihag sa puso niya. Pinapanood niya sa mga sandaling iyon si Guia na sumasayaw sa stage ng teatro sa amusement park. Kahit sabihin pang impromptu ang routine na ginagawa nito, hindi niya iyon mahalata sa bawat galaw at indayog nito sa saliw ng kanta. Parang pinaghandaan nito ang araw na iyon sa ipinapakita nito.
Hindi niya napigilang mapangiti nang makita kung paano pilit nilalabanan ni Guia ang takot na muling sumayaw sa harap ng maraming tao. At hindi nga siya nagkamali. Hindi lang siya ang nakakapanood ng pagsayaw ni Guia. Nakuha na rin nito ang atensyo ng ilang staffs ng amusement park, lalo na ng teatrong kinaroroonan nila nang mga sandaling iyon.
Halos lahat ng mga nakapanood, iisa lang ang sinasabi. Na talagang magaling sumayaw si Guia. Hindi niya napigilang mapangiti. He couldn’t help feeling proud for her. Sa kabila kasi ng takot na nararamdaman ng dalaga na muling sumayaw, heto at ginagawa pa rin nitong ipakita sa kanya, sa kanila, ang talentong iyon.
Hinsi sigurado si Lexus kung sapat ba ang mga pinagsasasabi niya para mawala ang kaba at takot na nararamdaman nito tuwing makikita niya iyon sa mukha nito. Gusto talaga niyang pawiin ang takot na iyon sa iba pang paraan, sa lahat ng paraang alam niya. Pero ang ilan sa mga naiisip niya, hindi niya puwedeng gawin dito. Paano kung bigla na lang siyang layuan ni Guia kapag ginawa niya ang naiisip?
Siya naman ngayon ang nakaramdam ng 'di maipaliwanag na takot sa dibdib dahil sa naisip. Mukhang hindi yata niya kakayanin kapag nangyari iyon.
Ang problema, wala siyang puwedeng panghawakan para manatili ito sa tabi niya. At iyon ang pinakamasakit.
ーーーーーー
"ALAM mo, iisipin ko talaga na ang laki ng pagsisisi mo na isinama mo ako rito," wika ni Guia na humalukipkip pa at tinaasan ng kilay ang katabing lalaki na kanina pa tahimik at tila malalim ang iniisip.
Noon naman parang natauhan si Lexus at tiningnan siya. Ilang beses pa itong napakurap at bumuntong-hininga kapagkuwan. "I'm sorry."
"May problema ba, Lexus? Kanina ka pa wala sa sarili mo," nag-aalalang tanong niya. Oo nga at sanay siya na seryoso at tahimik ito pero hindi ganito na lumilipad sa kung saan ang isip nito.
Umiling ito. "M-may naalala lang ako. Hindi ko lang napigilan."
Hindi na siya umimik at nagpatuloy na lang sila sa paglalakad. Naroon pa rin sila sa amusement park. Nakabukas na iyon kaya marami-rami na ring tao ang naroon. Pero wala silang planong sumakay sa kahit na anong rides sa mga sandaling iyon. Mas gusto pa nila ang maglakad.
Napatigil siya sa paglalakad nang maramdaman ang mahigpit na paghawak sa kamay niya. Laking-gulat niya nang pinagsalikop pa iyon ni Lexus na para bang ayaw na nitong bitiwan pa iyon.
"Okay lang naman, 'di ba? Ayoko lang mapahiwalay ka sa akin."
Lalong nagtaka si Guia. May nahimigan siyang pagmamakaawa sa boses nito. At bakit may pakiramdam siya na may iba pang ibig sabihin ang sinabing iyon ni Lexus? Natagpuan na lang niya ang sarili na tumatango.
Ngumiti nang maluwang ang binata at parang gumaan din ang pakiramdam nito. Ilang sandali pa ay hila-hila na siya nito, hindi talaga pinakawalan sa buong durasyon ng pamamasyal nilang iyon.
BINABASA MO ANG
✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus Fairy
Roman pour Adolescents『COMPLETE』 Book 2 of "Imperial Flowers", an Alexandrite University romance series Story of Guia Krystelle Medrano and Lexus Willard del Fierro ーーーーーー Para kay Guia, karugtong ng buhay niya ang pagsasayaw. Kaya naman ganoon siya kalungkot at tila...