“'DI BA dapat ang girlfriend mo ang niyayaya mong mag-lunch sa bahay n'yo at hindi ako? Baka mamaya nito, masampal at masabunutan pa ako nito nang wala sa oras, eh,” pang-ilang beses nang litanya ni Guia habang sinusundan si Lexus.
Naroon na silang dalawa sa loob ng subdivision kung saan naroon ang bahay ng binata at tinatahak na lang nila ang direksyon papunta roon. Sino ba naman kasi ang mag-aakala na seryoso pala ang lalaking it sa imbitasyon nito na mag-lunch sa bahay nito? Nagulat talaga siya nang si Lexus pa mismo ang sumundo sa kanya sa bahay nila at nakipagkuwentuhan pa sa kanyang ina habang hinihintay siyang makapag-ayos.
Hindi niya napalampas ang paghanga at kakaibang kislap sa mga mata nito nang matapos na siyang magbihis at mag-ayos. Kahit anong pigil niya ay nag-init pa rin ang kanyang mukha. Hindi kasi siya sanay na makakuha ng ganoong reaksyon kay Lexus pagdating sa mga suot niya. Isang pale pink dress ang napili niyang isuot para sa araw na iyon.
Pabuntong-hiningang tumigil sa paglalakad si Lexus at agad na hinarap si Guia na ikinagulat niya. Seryoso ang mukha nito pero parang hindi pa naman ito naaasar sa kadaldalan niya na hindi siya sigurado kung saan nanggaling. Pero saka na niya iisipin iyon.
“Guia, sa tingin mo ba, mag-iimbita pa ako ng ibang babae kung may girlfriend na ako? At isa pa, may dahilan ako kung bakit ikaw ang inimbitahan ko para mag-lunch sa amin. Malalaman mo rin iyon pagdating natin doon. Okay?”
Nilapitan siya nito at walang pasabing inakbayan siya. Lalong nagwala ang puso niya nang hapitin pa siya nito palapit dito. Grabe, ano ba talaga ang nangyayari at ganito ang lalaking ito sa kanya ngayon? Kulang na lang, iisipin niya na ang laki ng galit ng pagkakataon sa kanya para iparanas ang mga iyon.
Tiningnan ni Guia si Lexus na ngumiti lang sa kanya. “Bakit ako ang naisip mong imbitahan?”
“Gaya ng sinabi ko, may dahilan ako kung bakit. Pero para malinawan ka, siguro panahon na rin para gawin kong patas para sa atin ang lahat.”
Kumunot ang noo niya sa huling sinabi nito. Gawing patas ang lahat? Hindi na yata niya magagawang intindihin ang lalaking ito kahit na ano ang gawin niya.
======
HINDI na napigilan ni Guia ang humanga sa ganda ng bahay ni Lexus sa subdivision na iyon nang makarating na sila roon sa wakas. Parang ilang oras ang itinagal ng sampung minutong lakad na ginawa nila ni Lexus mula sa gate ng subdivision. Ayaw kasing tumigil sa pagkabog ng mabili ang puso niya sa buong durasyon ng paglalakad nila ng binata na nakaakbay ito sa kanya.
Hindi niya maintindihan kung bakit ginagawa ng lalaki iyon sa kanya. Pero mas mabuti pa siguro na saka na lang niya pagtuunan iyon ng pansin.
Two-storey house iyon na may swimming pool at maliit na tennis court kung saan naroon ang dalawang pitching machine. May garden din doon na may tanim na iba't-ibang klase ng mga bulaklak. Napangiti siya nang makita na ilan sa mga bulaklak na naroon ay gamit na flower code ng mga kasamahan niya sa Imperial Flowers.
“Idea ni Rui 'yan. Gusto nga sana niyang itanim lahat ng mga bulaklak na gamit na flower code ng Imperial Flowers pero mahirap. Kaya ang mga ito lang ang nakatanim diyan,” paliwanag ni Lexus na hindi niya na namalayang nakasunod lang pala sa kanya.
Ilan sa mga nakita niya sa garden na iyon ang azalea, dahlia, peony, petunia, tulip, lily, at camellia. Pero kaagad ding napalitan ng pagtataka ang paghangang nararamdaman niya dahil sa isang sinabi nito. Hindi nawawala ang pangungunot ng noo niya nang harapin si Lexus. “Dito rin nakatira si Mirui? O ikaw ang nakikitira rito?”
Napahalakhak naman si Lexus na ikinasimangot na lang niya. Seryoso ang tanong niya pero ang lalaking ito, parang hindi alam seryosohin iyon. Teka lang. Nababaliw na yata siya o wala lang siya sa realidad. Si Lexus, hindi marunong magseryoso? Kailan pa nangyari iyon? Grabe, kung anu-ano na ang pinag-iiisip niya.
“Huwag ka na ngang sumimangot. Lalo ka lang pumapangit, o.”
“Thank you, ha? Napaka-motivational ng sinabi mo,” sarkastikong aniya. Pero ang nakuha lang niya ay marahang tapik sa ulo niya mula rito.
Napatingin na lang siya rito na hindi nawawala ang pagsimangot niya. Pero napalitan iyon ng pagkatulala nang hawakan ni Lexus ang magkabilang pisngi niya. Ilang sandali pa ay pilit na siyang pinapangiti nito sa pamamagitan ng pagpisil sa mga pisngi niya.
“Lexus, ang sakit, ah!” reklamo niya pero wala naman siyang ginagawa para alisin ang kamay nito sa mukha niya.
“Ngumiti ka na kasi. Hindi ko aalisin ang mga kamay ko sa pisngi mo hanggang hindi ka ngumingiti.”
Hindi siya makapaniwala. Ano ba'ng topak meron ang lalaking ito at kung anu-ano na ang pinaggagagawa nito sa kanya? Bakit nito ginagawa ang mga iyon?
“Kahit dumating na ako at kanina pa nanonood sa inyong dalawa?”
Agad na naitulak ni Guia palayo si Lexus nang malakas. Kaya lang, hindi niya napaghandaan ang sumunod na nangyari. Napahawak ito sa isang kamay niya kaya napasama siya rito nang bumagsak ito sa damuhan. Grabe kung mag-init ang mukha niya nang makita sa wakas kung saan siya nakapaibabaw.
Guia, ano ba naman ang nangyayari sa 'yo? Minamalas ka lang talaga, 'no? Kung bakit ba naman kasi sa ibabaw pa siya ni Lexus nag-landing. Puwede namang sa tabi na lang nito, 'di ba?
“Wow! Ang sweet n’yo lang dalawa, 'no? Ang kaso, rated SPG ang puwesto n’yong dalawa, eh,” pang-aasar ni Mirui na dagling nagpabalik sa presence of mind niya.
Agad siyang umalis sa ibabaw ni Lexus at tumayo patalikod sa binata. Hindi na niya alam kung paano niya ito haharapin pagkatapos ng nangyari.
“Panira ka lang talaga ng magandang moment, Rui?” Bakas ang inis sa tinig ni Lexus nang sabihin nito iyon.
“Reminder lang iyon na may iba pang mga tao sa paligid mo, 'no? Isa pa, gusto ko lang sabihin na parating na sila kaya maghanda-handa ka na. Panigurado na mahaba-habang usapan ang magaganap,” kaswal na wika ni Mirui.
Nang harapin niya ang dalaga ay nginitian lang siya nito nang nakakaloko.
“Pero kailangan mo talagang mang-istorbo, ha?”
“That's how much I love you, my dear brother. Get used to it.”
Hindi na niya naitago ang gulat na naramdaman niya dahil sa narinig mula kay Mirui. Did she just say 'brother'?
Kapatid ni Lexus si Mirui?
![](https://img.wattpad.com/cover/77679006-288-k179439.jpg)
BINABASA MO ANG
✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus Fairy
Novela Juvenil『COMPLETE』 Book 2 of "Imperial Flowers", an Alexandrite University romance series Story of Guia Krystelle Medrano and Lexus Willard del Fierro ーーーーーー Para kay Guia, karugtong ng buhay niya ang pagsasayaw. Kaya naman ganoon siya kalungkot at tila...