Chapter 5.3

30 2 3
                                    

ACCORDING to Lexus, Guia had passed through the first phase. Kung ano man ang ibig sabihin nito roon, hindi siya sigurado. Hindi naman pala ganoon kahirap tulad ng inaasahan niya ang pagsasayaw ulit sa stage. Pero gaya nga ng minsang sinabi ni Lexus, kailangan muna nilang dahan-dahanin ang proseso. Siguro kaya nakapag-perform siya sa stage ng mini-amphitheater ay dahil walang masyadong nanonood sa kanya maliban kay Lexus.

Kung nagkataon siguro na kaagad siyang pinasayaw nito sa auditorium kahit sabihin pang walang tao roon, walk-out agad ang drama niya. Natawa na lang siya sa naisip.

Pero agad na naglaho ang tuwang naramdaman nang maalalang hindi na naulit ang ganoong klaseng pagkakataon sa kanila ni Lexus. Medyo naging busy silang dalawa sa kani-kanyang club activities. Idagdag pa na midterms din ng Alexandrite University.

“Midterms nga, hindi naman ako makapag-review nang matino. So what’s the use?” mahinang reklamo ni Guia sa sarili at saka bumuntong-hininga. Ipinatong na lang niya ang ulo sa ibabaw ng mesa na kinapupuwestuhan niya.

Naroon siya sa library nang mga sandaling iyon. Pero kahit ang walang katao-taong library, hindi nakatulong sa kanya para mailayo ang isipan sa mga pangyayari sa mini-amphitheater. In fact, seeing the deserted area only made it worse for her. Kaya lang, hindi naman puwedeng manatili siyang ganoon na sira ang concentration at lumilipad ang isipan.

Kasalanan kasi ng yakap ng del Fierro na iyon, eh, paninisi niya sabay kamot sa likod ng kanyang ulo. Iyon talaga ang hindi maali-alis sa isipan niya kahit anong gawin niya.

Marahas na bumuntong-hininga si Guia. Kailan ba siya titigilan ng alaalang iyon? Casual embrace lang naman iyon, 'di ba? Kaya walang dahilan para pakaisipin pa niya iyon ng ilang oras. Nakaramdam nga lang siya ng lungkot dahil sa naisip at naiinis na siya sa sarili.

Sinamsam na lang niya ang mga gamit sa ibabaw ng mesa nang ma-realized na hindi na talaga siya makakapg-review nang maayos kahit na anong gawin niya. Isinara niya ang mga librong kinuha sa bookshelf at agad na nagtungo sa puwesto kung saan niya kinuha ang mga iyon para ibalik.

Akmang papaikot na siya para makaalis doon nang impit siyang mapasigaw sa gulat. Kung hindi lang kaagad tinakpan ni Lexus ang bibig niya at sumenyas na tumahimik siya, baka nakagawa pa siya ng eskandalo at ma-ban sa loob ng library. Nanlalaki ang mga matang nakatingin lang siya rito, hindi tumitigil sa pagtibok ng mabilis ang puso niya.

Paano ba naman kasi na hindi magre-react ng ganoon ang puso niya? Gadali na lang ang distansya ng mga mukha nila ni Lexus. Idagdag mo pa ang halos magkadikit na nilang katawan. Aba'y manhid lang ang hindi mag-iisip ng mali sa puwesto nilang iyon.

“Tatanggalin ko 'tong kamay  ko riyan sa bibig mo. Huwag ka nang sisigaw. Okay?” halos pabulong na utos ni Lexus na pumutol sa pag-iisip ni Guia.

Teka nga lang. Gaano katagal ba silang nagkatitigan ng lalaking ito bago sabihin iyon? Grabe rin kung makatingin ito sa kanya. Hindi talaga kakayanin ng puso niya. Ang intense!

Tumango siya habang pilit na pinapakalma ang mabilis na tibok ng kanyang puso. Hindi nagtagal ay ginawa na nito ang sinabi. Kagyat siyang umatras nang kaunti palayo sa binata at saka huminga ng malalim. Kapagkuwan ang hinarap niya ito.

“Papatayin mo ba talaga ako sa gulat, Lexus? Ano ba'ng ginagawa mo rito at ginulat mo pa talaga ako?” mahinang asik niya habang hinihimas-himas ang dibdib sa pagtatangkang pakalmahin ang sarili.

“Malay ko ba naman kasing magugulatin ka pala. Kakalabitin na nga sana kita kung hindi ka lang lumingon kaagad.”

At ang lokong 'to, siya pa talaga ang sinisi. May saltik yata ito, eh. Natigilan siya sa naisip. Si Lexus, may saltik sa utak? Para na rin niyang sinabi na end of the world na. “Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Manggugulat ka, 'tapos hindi mo sasabihin kung bakit.”

“Hinahanap lang kita. Baka kasi kung saan ka na naman nagtatago at posibleng umiiyak. Ilang araw din tayong hindi nagkita kaya medyo nag-alala din ako sa 'yo.”

Ilang sandaling napakurap-kurap si Guia sa hindi makatinging si Lexus. Nag-alala ito sa kanya? Bakit naman? Hindi na niya alam kung dapat ba niyang paniwalaan ang mga narinig mula rito. Baka nga epekto lang ito ng pagka-miss niya sa binata.

That last thought hit her hard. Na-miss niya si Lexus? Seryoso?

“Okay ka lang, Guia? Hindi ka na nakasagot diyan,” untag ni Lexus na agad na nagpabalik ng isip niya sa realidad.

Tumango na lang siya. “O-okay lang ako. M-medyo napaisip lang ako doon sa... huling sinabi mo.”

“Na alin? Na nag-alala ako sa 'yo?”

Hindi siya umimik at nagyuko na lang ng ulo. Grabe. Ano na ba'ng nangyayari sa lalaking ito at ganito ito ngayon?

“Pangalawang kapatid na ang turing sa 'yo ni Rui. Siyempre, kung sino ang mga taong mahalaga sa kanya, mahalaga na rin sa akin.”

Ouch! So iyon pala ang dahilan. Ayaw man ni Guia na makaramdam ng sobrang disappointment, hindi na niya napigilan. Pero agad niyang isinantabi iyon nang rumehistro sa isip ang buong sinabi ng binata. Nagtatakang hinarap niya si Lexus. “P-pangalawang kapatid? May kapatid si Mirui?” Ngayon lang yata niya nalaman ang tungkol doon, ah.

Dahan-dahang tumango si Lexus na para bang nag-aalinlangan pa. Lalo lang nadagdagan ang pagtataka niya sa ikinikilos ng lalaking ito.

Huminga ito ng malalim at siya naman ang hinarap. Natigilan siya nang makita ang kakaibang kaseryosohan sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Bakit naman ganito kung makatingin ito sa kanya?

“Next Saturday... Wala ka bang naka-schedule na gawin o 'di kaya ay puntahan?”

Napaisip siya ng ilang sandali bago umiling. “Bakit mo naitanong?”

“I want to invite you for lunch on that day. Ipapakilala ko na rin sa 'yo ang kapatid ni Mirui na tinutukoy ko. Kung okay lang sa 'yo.”

One weird thing after another... Seryosong usapan, ano'ng klaseng sapi ang meron sa lalaking ito? Iniimbitahan talaga siya nito na mag-lunch sa bahay ni Lexus?

✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus FairyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon