“SHOULD I let myself believe that you just bring me out here in order to torture me? Nakakarami ka na talaga sa pagpapahirap sa akin, Mr. del Fierro,” nakapamaywang na umpisa ni Guia nang sa wakas ay tumigil na rin si Lexus sa pagkaladkad sa kanya sa kung saan.
Para lang makita na dinala siya ng binata sa mini-amphitheater sa likod ng Alexandrite University. Ano na naman kayang topak ang sumapi sa loko-lokong ito at doon pa talaga siya dinala nito? At talagang silang dalawa lang ni Lexus ang naroon. Ayaw man niyang maramdaman pero hindi talaga niya mapigilang kabahan sa isiping iyon.
“Grabe ka naman. Pagpapahirap agad? Huwag namang ganyan. Ang ganda ng intensyon ko na dalhin ka rito, eh.”
Tinaasan niya ito ng kilay bago bumuntong-hininga. “Seryosong usapan, Lexus. Bakit mo ako dinala rito?”
“We'll let you get used to a different stage first. Hindi kita puwedeng pilitin na bumalik sa pagsasayaw na sa auditorium agad ang stage na gagamitin mo. Magbi-breakdown ka kaagad bago ka pa man magsimula. Kaya naisip ko na gumamit ka muna ng ibang stage para mag-perform,” paliwanag ni Lexus.
Tumindi ang kabang naramdaman ni Guia nang mga sandaling iyon. “M-magpe-perform ako? Na ikaw lang ang manonood?”
“Mas okay na iyon, 'di ba? Dahan-dahanin muna natin.”
Hay, naku! Kung alam lang talaga ng lalaking ito na hindi okay sa kanya na ito lang ang manonood sa kanya. And she meant only Lexus. Wala itong kaide-ideya sa kabang idinudulot ng presensiya nito sa kanya.
Pero sa nakikita niya, desidido talaga ito na tulungan siya na bumalik sa pagsasayaw. Hindi niya maintindihan kung bakit ito ganoon sa kanya. Gayunpaman, ipinagpapasalamat pa rin niya na may isang taong gumagawa ng paraan—kahit masakit at mahirap—para magawa niyang muli ang isang bagay na mahal niya gaya nga ng sabi ni Lexus. Na mahalaga sa kanya.
“Paano naman ako magpe-perform sa harap mo kung wala akong dalang cassette player? Hindi ko rin dala ang iPod ko, kahit ang cellphone ko. Baka nalilimutan mo, kinaladkad mo lang ako mula sa clubhouse nang walang pasabi.”
“Sa tingin mo ba, kakaladkarin kita papunta rito na hindi ako handa?” Kapagkuwan ay ibinaba na nito ang dalang backpack sa damuhan at may kinalkal mula roon.
Ganoon na lang ang gulat ni Guia nang inilabas ni Lexus mula sa bag nito ang isang cassette-slash-CD player at isinaksak iyon sa isa sa mga available electric socket sa lugar. Naroon ang socket sa isang bahagi ng stage na may sliding cover bilang proteksyon na rin sa tubig at hamog.
“Parang madalas kang magpunta rito, ah,” hindi napigilang puna ni Guia.
Ngumiti ito nang tingnan siya saglit at muling itinuon ang atensyon sa pag-aayos ng saksakan ng cassette player sa socket. “Madalas kong maabutan si Theron dito noong first year pa lang siya. Dito niya gustong maglabas ng inis at sama ng loob na hindi niya masabi kay Rui sa pamamagitan ng pagtugtog ng gitara. Siya rin ang nagsabi sa akin ng tungkol sa mga pinagsasaksakan dito,” kuwento ni Lexus.
Tumango-tango na lang siya. Ilang sandali pa ay natapos na rin sa pag-aayos ng saksakan.
“Ano bang mga kanta ang ginagamit mo kapag sumasayaw ka? O mas dapat pala na itanong ko kung ano ang gusto mong patugtugin para sa performance mo ngayon,” ani Lexus.
Natigilan si Guia sa narinig. Gagawin na ba talaga niya ito? Nakagat niya ang ibabang labi kasabay ng kabang naramdaman niya. Pero nga naman talaga siya puwedeng manatiling patuloy na natatakot. Narito si Lexus, ginagawa ang lahat para tulungan siyang mapawi ang takot na nararamdaman niya. Nangako ito na mananatili ito sa tabi niya hanggang sa tuluyan nang mangyari iyon.
Huminga siya nang malalim at nilapitan si Lexus na nakatingin lang sa kanya, tila hinihintay ang sagot niya. “Patingin nga ng listahan mo ng mga kanta na meron diyan,” sabi niya na ang tinutukoy ay ang CD case na hawak ng binata.
Inabot ni Lexus ang CD case sa kanya at kinuha ni Guia iyon mula rito. May isa naman siyang nagustuhan sa mga iyon at sinabi niya iyon sa binata. Ilang sandali pa ay nakaupo na si Lexus sa damuhan at iniwan siya sa stage.
Kahit sobrang kabado dahil na rin sa gagawin, idagdag pa ang ngiti at nakikitang antisipasyon sa mukha ni Lexus, nakita pa rin ni Guia ang sarili na sumasayaw sa ibabaw ng stage na iyon. Kumikilos sa indayog ng napiling musika habang umuusal ng tahimik na pasasalamat sa lalaking tumutulong sa kanya hanggang sa mga sandaling iyon.
“I miss seeing you dance like that.”
Tila tumigil sa pagtibok ang puso niya sa narinig nang matapos na siya sa wakas. Nanlaki rin ang kanyang mga mata nang lapitan siya ni Lexus at yakapin nang mahigpit.
“Good job. You made it through the first phase,” bulong nito sa tapat ng tainga niya.
Kahit naluluha at nakaramdam ng kilabot, hindi pa rin niya napigilan ang mapangiti. Saka niya ginantihan ang yakap ni Lexus.
BINABASA MO ANG
✔ | IMPERIAL FLOWERS BOOK 2: Guia, The Dancing Lotus Fairy
Teen Fiction『COMPLETE』 Book 2 of "Imperial Flowers", an Alexandrite University romance series Story of Guia Krystelle Medrano and Lexus Willard del Fierro ーーーーーー Para kay Guia, karugtong ng buhay niya ang pagsasayaw. Kaya naman ganoon siya kalungkot at tila...