1-Alone

3.4K 75 5
                                        

Nanginginig ang kamay na inabot ko ang bag na naiwan ni Rain ng sya ay kuhanin ng SkyTech tatlong araw na ang nakakalipas.

Nanghihina pa rin ang aking katawan sa nangyari. Pero pilit kong nilalabanan ito at unti-unti ay gumagaling ng kusa ang aking sarili.

Sana lang ay hindi ako mahuli sa pagkuha kay Rain.

Hindi ko alam kung ano ang armas na ginamit sa akin ng hayop na Heinz na iyon. But I knew that it was something that he made against me. Ramdam ko ang enerhiya mula sa tumama sa aking liwanag at tingin ko ay kasalungat ito ng taglay kong enerhiya dahilan para mag-repell at ako ay masaktan.

Tinignan ko ang paligid kung nasaan ako. Sa laki ng pagsabog, malabong may mga nakaligtas sa mga tao sa Sector. Ako'y nasa isang lugar na dinaanan ng malaking delubyo at tanging ako lang ang nakaligtas.

Ngunit malabo iyon, may parte pa rin sa isip ko na sana...sana nakaligtas ang grupo namin kahit papaano.

Sana may kasama ako ngayon.

Pero malabo.

Isiniksik ko na lang ang aking sarili sa isang sulok ng mga batong magkakapatong na naging sandalan ko sa tatlong araw. Yakap-yakap ang bag na naiwan ni Rain bilang panangga sa manaka-nakang paglamig ng temperatura.

Nararamdaman ko sa sarili kong ilang araw na lang ay maaari na akong makalakad ng maayos. Laking pasalamat ko dahil kusang bumabalik ang enerhiyang nawala sa aking katawan.

Mapait akong napangiti.

"Nagrerecharge nga ako ng kusa."

Sana mabilis itong nangyari noong mga panahong kinukuha nila si Rain. Hindi sana sya nasa kamay ng SkyTech ngayon.

Pero sa tatlong araw na mag-isa ako. Matagal ko ng itinaga sa bato na babawiin ko si Rain at pababagsakin ko ang SkyTech.

Wala na dapat lugar sa aking puso't isipan ang kahinaan at paghiling ng napakaraming 'sana'.

Inilibot kong muli ang aking paningin, madilim na at tanging ang buwan lang sa kalangitan ang nagsisilbing liwanag sa akin.

Mamasa-masa ang lupa dahil sa patuloy na pag-ulan nitong mga nakaraang araw. Punit-punit man ang aking damit dahil sa naganap na bakbakan ay hindi ko inalintana ang lamig na nararamdaman.

Manhid na yata ako sa lahat ng aking naranasan.

Naisipan kong umalis saglit sa pinagtataguan at subukang tumayo. Hindi ko dapat hinihintay na kusa akong gumaling dahil dapat ay tinutulungan ko rin ang aking sarili.

Ang paligid kung saan naroroon ako ngayon ay ang malaking patunay na wala na akong mga kasama na magsasabi sa akin ng dapat gawin.

Unti-unti, ikinapit ko ng maigi ang aking kanang kamay sa isang malaking bato na malapit sa aking kinaroroonan.

Isang bagay na napansin ko sa aking katawan ay hindi gumagaling ang aking katawan sa mga sugat na natamo, naroroon pa rin ang mga hiwa, natuyong dugo, gasgas at sugat na kinakailangang magamot, pero hindi ko ito nararamdaman ng pangmatagalan. Dahil kusang bumabalik ang aking enerhiya sa katawan, tila manhid ito at ni hindi ko napansin ang mga sugat na natamo.

Naalala ko ang mga ito noong ineksamina ako ni Dr. Warren. Sinabi nya na hindi din ako dapat paka-kampante dahil maaring may lakas ako sa loob ngunit wasak naman ang aking panlabas na kailangang magamot kahit gamit lang ang first-aid.

Nakakatawa lang dahil kaparehang-kapareha ito ng aking nararamdaman ngayon.

Alam kong kusang maghihilom ang aking mga sugat sa pagdating ng mga susunod na araw. Ginamot ko ang sarili gamit ang nasa bag ni Rain kahit nahihirapan pa rin akong gumalaw.

Viciously Charged [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon