Simula

1.4K 31 6
                                    

Simula

///

"Sana gumawa ang Bangko Sentral ng maraming pera at ipamigay sa bawat tao," sabi ng kaklase ko.

     "At sigurado akong naituro na sa inyo ng finance-related professor niyo kung bakit hindi pwedeng gawin 'yan," sagot ng professor.

     Natawa ang iba dahil kakaturo lang sa isang subject namin kanina ang topic na tungkol do'n.

     "Okay next."

     Tumayo ang isang babaeng kaklase. "Ito po medyo malalim. Ang pinakagusto ko pong ma-witness sa mundo, 'yung maging safe place 'to para sa bawat isa. But then hindi naman earth ang kailangang magbago, kundi 'yung bawat taong nabubuhay rito."

     "Lalim nga!" sigaw ng maingay naming classmate na lalaki, nagtawanan tuloy ang iba.

     "Pinag-isipan ko 'yan. Masyadong ideal pero sana nga 'di ba?" proud na sagot ng babae.

     I love that answer, by the way. Kahit ang hirap isiping mangyari, I am also rooting for that.

     Kung kanina puro kalokohan ang mga linyahan, ngayon unti-unting nagiging malalim ang mga sagot sa lalaking professor na kahit bakas na ang katandaan... maraming naiturong wisdom sa 'min. Bihira ang teacher na gaya niya na nag-e-effort para ma-encourage kaming mga kabataan na mag-share ng malalalim at matitinding saloobin.

     "That's good. Very well said Miss. Okay class. Enough for the ones you want to happen. Ngayon naman, ang tanong ay kung ano ang pinakaayaw niyong masaksihan na pangyayari sa buhay niyo."

     Tinignan niya ang bawat isa at siguradong naaalala niya kung sino pa ang hindi nakakasagot. Excellent memory. Naglakad siya at nagawi malapit sa 'kin.

     Napatingin naman ako sa seatmate kong huminga nang malalim. Kanina naman attentive siya pero biglang nagbago 'yung mood niya. "Ms. Marcojos, gusto mo ba'ng sumagot?" Mukhang napansin din ng prof. 'yung bigat ng paghinga niya kaya tinawag siya.

     Saglit siyang natulala, tila nag-isip nang malalim. Ilang sandali, tumayo rin siya at sumagot. "I don't want a cruel death of anyone from my family. Medyo nakakalokong isipin na ang limited lang po ng buhay. Alam ko naman po na darating at darating ang kamatayan sa bawat tao, pero minsan nakakagalit kasi talaga dahil bibiglain ka na lang."

     May lalaking pumalakpak. Sa observation ko, kaibigan siya nitong katabi ko at nagulat marahil sa sagot na 'yon. Ang pagkakaalam ko kasi, may maloko at malakas na personality ang babae na 'to, minsan lang maging malalim kagaya ngayon.

     Napaisip din ako sa narinig.

     Nagiging espesyal ang buhay dahil limitado, dahil mas papahalagahan ang bawat oras kung may hangganan. Pero ang hirap nga lang din na hindi mo alam kung ilang tibok na lang ang natitira para sa puso mo. Sagot ko sa isip ko.

     Binigla na rin ako ng buhay noong kinuha 'yung isang taong mahalaga sa 'kin. Life and its plot twists.

     "Thank you Ms. Marcojos." Umupo na ang katabi ko.

     Nagtawag na si Sir ng kasunod. "I don't want good people to die young. Masyadong unfair na matagal mamatay ang masasamang damo. Just one of my weird thoughts."

     Hindi sumagot ang professor namin. Ilang sandali, tumingin siya sa 'kin. Ako na lang kasi ang hindi pa natatawag at hindi pa nagtataas ng kamay para sumagot.

     "How about you Ms. Diaz? Anong pangyayari ang pinakaayaw mong masaksihan?" tanong niya sa 'kin.

     Tumayo ako. Inalala ko 'yung isang bagay na matagal nang gumugulo sa 'kin.

     "Ayoko pong malaman o makita ang pagkamatay ng isang masamang tao na hindi man lang nakapagbago, o ng isang hindi man lang napatunayan kung masama nga ba siya o hindi. Lalo na kung may mga nagmamahal pa rin sa taong 'yon at mas lalo na kung kilala ko siya, kung mahalaga siya sa 'kin. Masyado pong masakit at... miserable."

     "So you want to change those kind of people? From bad to good?" Seryoso ang pagkakatanong sa 'kin ng professor. Sumasagot lang siya sa mga opinyon namin kapag naaapektuhan siya.

     "Hindi ko po alam kung kaya ko 'yon. Pero iniisip ko na sana one day, magbabago siya... sila, may makakapagpabago sa kanila. Masyadong ideal oo, pero atleast, 'yun po ang nasa utak ko, na sana lahat may chance makapagbagong buhay."

     Ilang sandaling katahimikan...

     Hanggang sa magaang ngumiti ang professor, tila namangha. "Mukhang natahimik ang buong klase a. Malalalim ang mga pananaw niyo. Salamat sa pag-share ng mga point of view ninyo. Sulit talaga ang binabayaran kong tax sa gobyerno 'pag nagkakausap-usap tayo about sa mga ganitong bagay. Now, magdi-discuss na 'ko about Philosophy at mapag-uusapan natin ang ilang bagay na related sa mga sagot niyo."

     "Feeling ko chill ka lang at simple-minded. Pero mukhang malalim ka ring tao. I guess, there's really more than what meets the eye," mahinang sabi sa 'kin ng seatmate ko.

     Ngumiti ako at tumango. "Siguro nga."

///

Just TodayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon