Chapter Twenty-One
__________________
[Macario’s POV]
Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa.
Ako si Macario. Singkwenta’y tres anyos. Sa ganitong edad, nasa perpektong kondisyon pa naman ang katawan ko. Dapat lang at talagang kailangan. At hindi ako pwedeng makaramdam ng panghihina o ng pagkaduwag. Kailangan kong tapusin ang laban na ito. Para sa mga inosenteng nabibiktima ng droga at higit sa lahat, para sa pamilya ko.
Nasa gipit lamang ako na sitwasyon ngayon kaya kapit ako sa patalim. Alam ko rin naman na naghahabol pa si Segmun sa anak ko, kaya kahit napakahalaga sa akin ni Lavinia, ginamit ko muna siya para rin naman sa kapakanan nila ng kanyang ina at mga kapatid niya.
Sugatan ako nang makarating sa mansyon ng mga Libral sa Cavite.
“Bakit ba naman kasi nanlaban ka pa sa sindikato, Macario!” tila sermon sa akin ni Simon habang inaalalayan ako na makahiga sa kama.
“Madaya sila,” hingal ko tsaka sumandal sa head board ng kama. “Hindi ko alam kung paano nila na-hack ang business accounts ko. Ang mga kita lang nila sa droga ang dapat nilang pakialaman at hindi ang mga kita sa negosyo ko!”
“Pero sa kanila nanggaling ang puhunan mo, Macario,” sagot niya tsaka umupo sa paanan ng kama. “Hindi ka na dapat nanlaban pa. Hindi mo dapat sinagpang ang kamay ng nagpapalamon sa iyo!”
“Kung nagawa mo, kaya ko,” anas ko.
“Dahil mayaman kami, Macario,” sagot ni Simon. “Eh ikaw? Lalagpak ka sa lupa! Ikaw at ang pamilya mo dahil lahat ng naipundar mo ay nagmula sa sindikato!”
“Tutulungan mo naman siguro ako, hindi ba?”
“Pasalamat ka at buhay ka pa nang matagpuan kitang nakahandusay sa breakwater.”
“Ano nga ba ang ginagawa mo roon?” tanong ko sa kanya.
Nang mga panahong iyon ay nanlaban ako sa sindikato, dahil nalaman ko na sila ang sumasaid ng mga pera na kinita ng mga resorts at hotel na negosyo ko na idine-deposito ko sa bangko. Oo, sa kanila nanggaling ang puhunan ko. Sa kanila at sa pagbebenta ng kanilang mga droga.
“Hinahanap kayo,” sagot ni Simon saka nagsindi ng sigarilyo.
“Bakit?”
Napailing muna siya at nagbuga ng usok bago sumagot.
“Baka ikagalit mo.”
“Sabihin mo na.”
“May kasunduan kami ng anak ko,” sa wakas ay paliwanag na niya, “pupunta kasi ako ng Amerika. At para mapapayag ko siya na hawakan ang ilan kong mga negosyo dito sa Pilipinas at ang hacienda, nangako ako na hahanapin si Lavinia para sa kanya.”
“A-Ang anak ko?” Tsaka ko lang naalala ang pagkakaroon nila ng relasyon ni Segismundo.
Napailing ako. “Anong binabalak ninyo sa anak ko?”
“Pakakasalan siya ni Segmun. Walang masamang intensyon ang anak ko sa anak mo.”
“Hah. Hindi ibig sabihin na tinutulungan mo ako ay ipagkakanulo ko ang anak ko para sa bastardo mong anak, Simon.”
BINABASA MO ANG
Tight-Lipped (COMPLETE)
RomanceRich girl Lavinia Montez had everything when all of a sudden, she found herself pushing a "kariton". How is this possible? Bakit? Paano? At kung hindi pa sapat iyon na problema, heto at dumagdag ang kanyang ex-boyfriend na si Segmun! He was offering...