Alexander Reeves
Maaga akong nagising, halos hindi ako nakatulog dahil sa kaiisip sa lalaking 'yon. Iniisip ko kung ang Alexander na tinutukoy ni Ashley at ang lalaking iyon ay iisa pero bakit hindi ko siya maalala? Bakit siya lang ang nakalimutan ko?
Paulit-ulit sa utak ko ang mga sinabi niya kagabi. Batid kong hindi lang bilang kaibigan kaya niya sinabi ang mga 'yon. Sa tono niya, para bang may espesyal sa samahan namin, para bang mas malapit pa siya sa akin kumpara sa mga kaibigan ko.
"Gising ka na pala." Nakangiting pumasok sa kwarto si Manang Elena. "Nagdala ako ng ilan sa mga gamit mo." Aniya.
Bumangon ako, tinulungan niya akong makaupo sa kama. Medyo kumikirot pa rin ang binti ko pero hindi na katulad kahapon na halos hindi ko maigalaw.
"Yung cellphone ko po?"
"Ay oo nga pala, ito oh." Iniabot niya ito sa akin.
"Manang, pwede po bang magkwento kayo sa akin kung ano ang ginawa ko bago ako maaksidente?" Seryosong saad ko.
Natigilan siya sa pag-aayos ng gamit para lingunin ako. Nakakunot ang noo niya, mula sa pagkalito ay bumakas ang lungkot sa mukha niya. Kalmado siyang umupo sa upuan na nasa gilid ng kama ko.
"Nasaktan ka ng pisikal ni Ma'am Vivianne, umakyat ka sa kwarto mo tapos bigla na lang kitang nakita na tumatakbo pababa ng hagdan hanggang sa tuluyan kang lumabas ng bahay." Pagku-kwento niya.
"Bakit po ako sinaktan ni Mommy?" Puno ng kalituhan na tanong ko. Kailanman ay hindi ako pinagbuhatan ng kamay ng mga magulang ko. Bihira ko lang kasi silang makita, kung makita man ay pormal naman kung mag-usap.
"Hindi ako sigurado pero ang pagkakarinig ko ay dahil sa lalaki na ipinalit mo kay Zachary."
Napahawak ako sa ulo ko. Sobrang sakit na pakiramdam ko ay mabibiyak na ang ulo ko.
"Almira! Teka, teka! Ihihiga muna kita. Tatawag ako ng doctor." Tinulungan niya akong humiga pero tumanggi ako. Hindi naman masakit ang katawan ko, yung ulo ko lang.
Habang nakapikit ako dahil sa sakit ay nakikita ko ang mga malalabong imahe na katulad ng dati kong panaginip. Naaaninag ko ang isang imahe ng lalaki pero masyado itong malabo para makita ko ang mukha niya.
Nang mawala ang sakit ay saka lang ako dumilat.
"Okay ka na ba?"
Tiningnan ko ang isang lalaki na nakasuot ng puting uniporme. Dahan-dahan akong tumango.
"Sa ngayon, makakabuti kung magpapahinga ka muna. 'Wag mong pilitin na maalala lahat dahil hindi iyon makakabuti sa utak mo. Masyado itong naapektuhan sa nangyaring aksidente, kapag tumagal ay maaalala mo rin ang kung anumang nakalimutan mo." Saad niya. Tiningnan niya muna ang pulso ko at ang dextrose bago siya lumabas.
"Hindi na ba masakit? Anong nangyari? May naalala ka?" Sunod-sunod na tanong ni Manang Elena. Umiling ako.
Tama ang doktor, hindi pa ako gumagaling kaya makakasama lang ang pag-alala ko. Dumapo ang tingin ko sa phone na hawak ko, binuksan ko ito.
Kumunot ang noo ko nang makita ko ang numero na huling tumawag sa akin. Ilang minuto rin ang tinagal ng tawag.
"MFL?" Mahinang usal ko.
Wala akong naaalalang may inirehistro akong number na MFL ang pangalan pero bakit nandito siya sa phone ko? Sinagot ko pa ang tawag niya.
"Manang, pwede po bang iwan niyo po muna ako? Gusto ko lang pong mapag-isa muna." Ani ko. Tumango si Manang Elena.

BINABASA MO ANG
To The Guy She Ever Loved (COMPLETED)
RomansaCOMPLETED || WATTYS 2017 SHORTLIST The story of a girl named Almira Owens, also known as the student council president slash running for valedictorian. She was living a happy and quiet life until someone came. She knew what she wanted ever since but...