Agosto Biente-singko nang bumulaga ang malakas na bagyo sa maliit na bayan ng Daigdigan sa probinsiya ng Quezon. Sumisipol ang hangin at nagsisipagyukuan ang mga puno sa palo nito. Matataba ang mga patak ng ulan na tila may masamang galit sa lupa. Bumuhos ito dakong alas-onse ng gabi, kung kaya't ganoon na lang ang gulat ng mga mamamayan na nagising mula sa masarap na pagkakahimbing sa dagundong ng ulan sa yerong bubongan at wasiwas ng hangin sa nipa. Mga nagkandarapa sa pagsagip sa mga naiwang sinampay at pagsara ng mga bintana. Karamihan ng mga taga-Daigdigan ay hanapbuhay ang pagsasaka at pag-aalaga ng mga hayop.
Isa sa mga magsasaka si Kanor na ang bahay ay nakatirik sa dako na halos paanan na ng bundok. Malayo ito sa ibang bahay o sa main road. At siya ay nagising hindi sa ulan kundi sa sigaw ng asawang si Ester na ika-siyam na buwan na ng pagdadalantao. Hawak nito ang tiyan at namimilipit. Makikita ni Kanor na ang kama ay basa ng tubig.
"Lalabas na, Kanor! Lalabas na!" sigaw ni Ester.
Agad na napatalon ng kama si Kanor.
"Susunduin ko ang manghihilot."
"Dalhin mo na ko sa kanya," hiling ni Ester. "Hindi ko na kaya!"
Sa kabilang kuwarto, masarap ang tulog ng sampung taon nilang panganay na lalaki na si Wendell. Ang preskong hangin mula sa bintana ay parang oyayi, nguni't natabunan ito ng malakas na sigaw ng kaniyang ama at ang pagbukas ng pintuan.
"Bangon, Wendell! Manganganak na nanay mo! Ihanda mo ang kalabaw!"
Mabilis na bumangon si Wendell at nagbihis.
Sa kanilang bakuran, nagputik na ang lupa at patuloy pa rin ang buhos ng ulan. Bahagyang hihina at lalakas muli na tila nangungutya. Nakatali ang kalabaw sa kaniyang silungan na siyang kinalagan ni Wendell. Kaniya itong hinatak palabas pagkatapos ay ikinabit ang karitong kahoy na may dalawang gulong na gamit nila sa pagkakarga ng mga prutas tungo sa bayan.
Nang maihanda ang masasakyan ay tinawag ni Wendell ang ama at lumabas ito ng bahay na karga-karga si Ester. Si Wendell naman ay dala ang portable lamp at payong. Isinampa ni Kanor ang namimilipit na asawa sa kariton sabay pinalo ang kalabaw para umusad. Sa likuran, pinapayungan ni Wendell ang ina at hawak ang kamay nito.
"Bilisan mo, parang awa ng Diyos!" sigaw ni Kanor sa kalabaw.
Madilim ang daanan at naiilawan lamang ng dala nilang portable lamp. Tilamsik ng putik mula sa kahoy na gulong ng kariton na hatak ng hirap na kalabaw. Patuloy ang pagdurusa ni Ester at hindi nakakatulong ang madalas na lubak. Basa na sila sa ulan. Makaraan ang ilang kilometro ay huminto sila. Sa ka-dangkal na putik ay hindi maka-ahon ang kariton, maging ang kalabaw ay tila sumuko na.
"Tay!," sigaw ni Wendell. "Hindi kaya!"
Lumingon si Kanor sa paligid. Naghahanap ng masisilungan.
At kanya itong natanaw, na tila tinatawag siya.
BINABASA MO ANG
Ang Batang Ipinanganak sa Haunted House
HorrorIsang notorious na haunted house. Isang kaso ng demonic possession. Ang grupo ng paranormal experts na sina Father Markus na exorcist, Hannah na psychic at Jules na parapsychologist ay naglakbay tungo sa isang maliit na bayan sa Quezon Province up...