Noong mga oras na ini-exorcise ni Father Markus si Berta ay nasa kanyang study room si Bishop Israel at payapang nagbabasa ng libro. Naubos ang oras niya sa araw na ito sa mahabang mga meeting kasama ang ibang mga obispo at opisyal ng simbahan. Pinagdiskusyunan nila ang paglaganap ng mga kulto sa Maynila kamakailan lang. Series ng patayan na umano'y gawa ng mga Satanista. Balak sana niyang isingit ang usapan tungkol sa exorcism nguni't hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon.
Napagod siya sa meeting kung kaya't pagkatapos ay kinansel na lamang niya ang mga natira pa niyang appointment at nagpahinga na lamang. Matapos maghapunan ng alas-siyete ng gabi ay tumuloy na siya sa kanyang study room para magbasa. Recently, nahilig ang kastiloy na obispo sa gawa ng author na si Bart Ehrman, isang biblical scholar at historian at ang pagtalakay nito sa mga paksa na nahanapan niya ng interes: Historical Jesus, Gnostic Gospels, at Bible Paradoxes.
Simple lang ang bahay ng obispo na malapit lamang sa Manila Cathedral at ilang kanto mula sa palasyo ng arsobispo. Dahil mahilig magbasa si Bishop Israel, napupuno ng libro ang kanyang study room. Nakapagpalit na siya ng pantulog niyang pajamas.
Pagkaupo ng bishop sa kanyang easy chair ay may kumatok sa kanyang pintuan. Bumukas ang pinto at pumasok ang katulong niya sa bahay, isang lalaki na may edaran na nagsisilbing kanyang butler, dala ang tray na may pitsel ng tubig at baso na kanyang ipinatong sa side table ng easy chair. Pagkatapos ay binuksan ng butler ang aircon at swinitch sa tamang lamig.
"Anything else, your excellency?" tanong ng butler, English-speaking lang sa bahay ng obispo.
"That is all, Arturo. Thank you."
Tumango si Arturo the butler, lumabas ng kuwarto at isinara ang pintuan. Binuksan ni Bishop Israel ang reading lamp na may mahabang stand at dinampot ang libro sa side table at binuklat kung saan naroon ang bookmark. Nagsimula siyang magbasa.
Bandang alas-nuebe ay nakaramdam si Bishop Israel ng matinding panlalamig sa kuwarto. Ibinaba niya ang libro at pinatay ang aircon. Bumalik siya sa upuan at nagbasa muli. Nguni't hindi nawala ang lamig, bagkus lalo pang guminaw at mula sa bibig niya'y may usok pa. Hinimas ng bishop ang kanyang mga braso para mabawasan ang lamig.
"Arturo!" sigaw niya.
Pero, walang sumagot sa kanya. Isa pang tawag at hindi pa rin dumating ang butler.
Tumayo si Bishop Israel at nagtungo sa pintuan at kanya itong binuksan, at siya'y nagulat.
Hindi ang hallway ng bahay niya ang naroon kundi kuwarto ng ibang bahay. Isang madilim na kuwarto na nagpuputik ang kisame't dingding. At sa gitna ng kuwartong ito ay may kama at doon nakatali ang isang bata. Nagulat siya nang makita na naroon si Father Markus na may kasamang dalawang lalaki at nasa kalagitnaan ng ritwal ng exorcism.
"Markus?" tawag ni Bishop Israel habang humakbang paloob. "Markus?"
Pero, hindi siya nakikita ng kaibigang pari, o naririnig. Natigilan ang obispo nang makitang bigla na lamang umapoy ang bibliya ng kasama ni Father Markus at kumalat ang apoy sa damit nito. Lumabas ang dalawang lalaki at naiwan ang pari.
At narinig ni Bishop Israel na nagsalita ang bata sa boses ng dimonyo.
"Naalala mo ba si Sister Juanita?" sabi ng bata kay Father Markus. "Ikaw ang pumatay sa kanya, father. Hindi mo siya napagaling, kaya siya nagpakamatay."
Kita ni Bishop Israel na nakayuko si Father Markus at nagpipigil na umiyak.
"Nagpakamatay si Sister Juanita, father. At siya'y kapiling namin ngayon," patuloy ng dimonyo.
Nakita ni Bishop Israel na ngumiti ang bata at sinabi kay Father Markus:
"Hi, daw."
At nakita niyang nagmamadaling lumabas ng kuwarto si Father Markus habang malakas na humalakhak ang dimonyo. Natigatig si Bishop Israel at siya'y humakbang palabas din ng kuwarto.
"Saan ka pupunta?"
Napahinto ang bishop, nanlaki ang mga mata. Lumingon siya pabalik. Nakatitig sa kanya ang bata.
"Kumusta bishop? Matagal na tayong hindi nagkikita. Tinataguan mo ba ako?" sabi ng bata na nakaupo sa kama at nakabaling ang ulo sa kanya.
Hindi makasagot ang obispo, napuno siya ng takot.
"Sabihin mo sa kaibigan mong pari na akin na ang batang ito, at kapag nagpumilit pa siya ay mamamatay siya," banta ng dimonyo.
Napaatras ang bishop.
"MAMAMATAY SIYA AT LAHAT NG MALAPIT SA KANYA!"
Nagmamadaling lumabas ng kuwarto si Bishop Israel at agad na isinara ang pintuan. Nakita niyang nakabalik na siya sa kanyang study room. Agad siyang naupo, hinahabol ang kanyang hininga. Inabot niyang pitsel at nagsalin ng tubig sa baso't uminom. Kanyang mga kamay ay nanginginig. Hindi naaalis ang imahen ng batang dimonyo sa kanyang isipan. Hindi maalis sa pandinig niya ang boses nito.
"GO AWAY, DEMON!" sigaw ni Bishop Israel.
Nabitawan niya'ng baso at nalaglag sa sahig, na mabuti na lamang ay carpeted kaya't walang nabasag. Napa-krus ang obispo nang sabay-sabay at nagsimulang magdasal. Nagulat siya nang biglang bumukas ang pintuan.
"Your excellency, are you alright?" pagsilip ni Arturo.
"I'm...I'm okay," pagtango ng bishop.
Nakita ng butler ang baso sa sahig at siya'y pumasok para damputin ito. Sinabi niyang kukuha siya ng panibagong baso pero sinabi ng bishop sa kanya na huwag na. Hindi na raw necessary. Just a bad dream, aniya pa. Nagpaalam ang butler at lumabas ng kuwarto. Sumandal ang bishop sa kanyang easy chair at natulala sa kanyang naranasan.
Hindi na niya naituloy ang pagbabasa.
NEXT CHAPTER: "Magparamdam Kayo"
BINABASA MO ANG
Ang Batang Ipinanganak sa Haunted House
HorrorIsang notorious na haunted house. Isang kaso ng demonic possession. Ang grupo ng paranormal experts na sina Father Markus na exorcist, Hannah na psychic at Jules na parapsychologist ay naglakbay tungo sa isang maliit na bayan sa Quezon Province up...