Kinaumagahan, nagising sila sa mababaw na pagkakatulog sa Daigdigan Motel sa malakas na ringtone ni Jules na Lorde. Royals to be exact, at nakatanggap ng pang-aasar kay Hannah. Ang tawag ay mula kay Karen na nagsabing pumunta na sila sa bahay ni Mayor at doon na sila mag-Continental Breakfast. Tumililing iyon sa tenga ni Jules, at gusto pa man matulog nina Hannah at Father Markus ay pinilit niya sila'y magsibangon. Excited lang ang parapsychologist na makapag-agahan nang matino. Ang hinahanap-hanap niyang "bed & breakfast" ay at last, matutupad na rin.
Nag-check out sila at kinarga ang mga bag sa Hi-ace. Nang paalis na sila'y naroon ang security guard ng motel at panay ang paalam at may pasaludo-saludo pa. Inayos pa nitong uniporme niya't itinuck-in. Naawa naman si Jules sa effort ng guard at kanyang binigyan ng one hundred pesos na kanyang lubos na ikinatuwa.
"See you soon!" sigaw ng guard habang sila'y paalis.
In a way, tumatak sa isipan nilang tatlo ang sinabing iyon. See you soon. Pakiramdam nila'y hindi pa iyon ang last time na makikita ang guard, ang motel, at lalong-lalo na ang Daigdigan.
"Feeling ko, makikita natin siya uli," sabi ni Father Markus.
Kinatok ni Jules ang side ng car door. "Knock on wood, Father."
Habang nasa daan, napansin ni Jules na aburido si Hannah habang nagmamaneho.
"Bakit?" tanong niya.
"Nakita mo ba 'yung CD ko?"
"Ha?"
"'Yung CD ko. 'Yung alternative compilation ko."
Panay ang kapa ni Hannah sa dashboard, sa side ng seat, sa ilalim at gilid ng upuan.
"Tignan mo nga d'yan sa glove compartment," sabi ni Hannah.
Kinabahan si Jules.
"H'wag na tayong magpatugtog, noh," suggest niya. "Pakinggan na lang natin ang sound of nature."
"Sound of nature?" pagtaas ng kilay ni Hannah. "Ano, unga ng mga kalabaw? Kwak-kwak ng pato?"
"Masarap na ihip ng hangin, huni ng ibon, wasiwas ng mga dahon, ganun. Tunog ng kalikasan," ngiti ni Jules, pagkatapos ay lumingon kay Father Markus na nasa likod. "'Di ba, father, okay 'yun?"
Napaisip ang pari, "Mabuti pa, habang nakikinig sa kalikasan ay magdasal tayo. Umpisahan natin sa The Angelus."
Mabilis pa sa alas-kuwatro na bumalik sa kanyang hustong pagkakaupo si Jules.
"Okay, pass."
"Pass din," sabi ni Hannah sabay kuha ng pakete niya ng Marlboro Reds at nagsindi ng stick.
"Besides, lampas na ang 6AM," sabi ni Jules habang binubuksan kanyang bintana.
Maluwag ang daan, ang mga sasakyang maaaga sa kalsada ay pawang mga delivery jeepney na maghahatid ng mga paninda paluwas ng Maynila o sa karatig na bayan ng Callejon, na suki ng Daigdigan sa saging. Dahil panay ang sabi ni Jules na bilisan ni Hannah ang pagpapatakbo ay saglit lang ay narating nila agad ang bahay ni Mayor Arteza. Ang inaasahan nila ay mala-mansion na bahay, trapo-style, pero ang nadatnan nila'y isang modernong architecture. Kuwadradong 3-storey na residence na maraming salamin, polycarbonate canopy, steel railings at exterior metal grills.
BINABASA MO ANG
Ang Batang Ipinanganak sa Haunted House
HorrorIsang notorious na haunted house. Isang kaso ng demonic possession. Ang grupo ng paranormal experts na sina Father Markus na exorcist, Hannah na psychic at Jules na parapsychologist ay naglakbay tungo sa isang maliit na bayan sa Quezon Province up...