Daigdigan, Quezon.
Ibinuhos ng binata ang balde ng kanin-baboy sa kuwadradong kahoy na kainan. Nakaabang na ang dalawang matabang baboy at agad na kumain. Sapat lamang ang laki ng kural na gawa sa kahoy na may bubungang yero. Nilapag ng binata ang balde sa tabi, kinuha ang basahan at nagpunas ng kamay. May pumatak na pawis mula sa kanyang noo na kanyang pinahid ng manggas ng kanyang t-shirt.
Mataas ang araw, walang takas sa init kahit na lumilim ka.
Anim na taon na ang lumipas at ang batang si Wendell ay binata na. Labing-anim na taong gulang, at lumaki siya sa pag-aalaga ng hayop at pagsasaka. Siyang katulong ng kanyang amang si Kanor sa lahat ng gawain, pati na sa bahay. Lalong-lalo na sa bahay.
"Kain lang nang kain," sabi niya sa mga baboy.
Lumingon si Wendell sa kanilang bahay na sampung metro ang layo mula sa kinatatayuan niya. Hindi maganda ang ayos ng kanilang tirahan hindi tulad ng dati. Tuyot na ang mga halamang nasa paso, may mga basag na bote at kinakalawang na kagamitan na nakatambak sa gilid. Alam niyang nasa loob ng bahay ang kanyang ama at abala, kung kaya't lumakad siya sa likuran ng kural. Doon, kinuha niya ang nakatagong bote ng lapad sa itaas ng beam support ng bubungan. Binuksan niya ang bote ng gin at lumagok, ang init ng alak ay dumaloy sa kanyang lalamunan. Napasandal siya sa haligi ng kural at nakitang nakatitig sa kanya ang kanilang kalabaw na nakatali sa puno. Nilagay ni Wendell ang hintuturo niya sa kanyang labi at sumenyas sa kalabaw ng shhh. Isa pang lagok ng ipinagbabawal na inumin. Bisyo na inililihim sa ama, nguni't kailangan niya ito. Lalo na't lumala na ang kalagayan sa bahay nila.
Narinig ni Wendell ang tinig ng kanyang ama mula sa loob ng bahay at sinisigaw ang pangalan niya. Una'y hindi siya sigurado, pero nang madinig ang kalampag ng mga gamit sa loob ay agad niyang ikinubli ang bote ng gin at tumakbo tungo sa bahay. Sa loob, huminto siya sa tapat ng pintuan ng kuwartong tulugan. Kumuha muna ng buwelo bago pumasok at siya'y sinalubong ng mabahong amoy—parang natuyong suka at dumi.
Madilim ang kuwarto. Nakatakip ang makapal na kurtina sa bintana na tila ayaw magpapasok ng sinag ng araw. Mabigat ang hangin sa loob. May usok ng lamig sa hininga ni Wendell. Sa pader, makikitang nakapako ang maraming krus na karamihan ay pinagpatong lang na dalawang piraso ng kahoy. Ang kama. Kinabahan si Wendell nang makita na wala ang dapat na nakahiga roon at nakatali. May nakakalag sa dalawang mga lubid sa magkabilang poste.
Napatingin siya sa sahig nang marinig ang ungol ng kanyang ama, sa gilid ng kama, hawak ang masakit na ulo. Para bang nalaglag ito at bumagsak sa kanyang tagiliran.
"Tay?"
Nilapitan ni Wendell at tinignan ang kalagayan ni Kanor, hindi niya kita na sa kanyang likuran ay nakatayo ang isang batang babae.
"Tay?" ulit niyang sinabi.
Biglang sumampa sa likod ni Wendell ang batang babae at sinakal siya. Malakas ang kapit nito. Ang mga daliri'y parang bumabaon sa kanyang leeg. Napabagsak sa sahig si Wendell. Hindi siya makahinga. Hindi niya maabot ang bata sa kanyang likod. Nanlilisik ito, mga matang halos puti na, bibig na naglalaway, at ang balat ay napupuno ng mga tuyong sugat, maputla at nababakbak.
Dumaing si Wendell, parang nawawalan na siya ng malay.
Biglang may humablot sa bata mula sa likuran ni Wendell. Si Kanor, akap-akap ang bata na nagpupumiglas. Malaki at matipunong tao si Kanor, pero kitang hirap siya, na tila nakikipagbunuan sa kalabaw. Hinagis niya ang bata sa kama at dinaganan. Tuloy ang galit na pagpupumiglas nito. Sa lakas niya'y angat-baba sila ni Kanor sa kama.
"Talian mo!" sigaw ni Kanor.
Natauhan si Wendell at agad na kinuha ang lubid sa poste at tinalian ang kamay ng bata, habang buong lakas na dagan siya ni Kanor. Nang naitali na ang magkabilang mga kamay ay binitawan ni Kanor ang bata. Habol-hininga, tumayo sa paanan ng kama ang mag-ama, habang nanlilisik na nakatingin sa kanila ang bata, naglalaway, pinapakita ang maitim na dila. Maya-maya'y nagbago ang mukha nito. Narinig nila ang maamong boses ng batang babae.
"Itay, pakawalan mo ko, itay..."
Lumuluha ito't nagmamakaawa sa kanila.
"Itay, nasasaktan ako. Pakawalan mo ako."
Tumulo ang luha ni Kanor.
"Itay, tulungan mo ako..."
Pagkatapos ay kay Wendell naman ito tumingin.
"Kuya, tulungan mo ako..."
Namumula ang mga mata ni Wendell, pinipigilan niyang umiyak.
"Tumahimik ka!" galit na sigaw ni Kanor.
At biglang tumawa ang bata, nguni't ang tawa niya'y malalim na boses ng lalaki. Garalgal.
"AKIN ANG BATANG ITO! AKIN ANG BATANG ITO!" paulit-ulit niyang sabi.
"Ibalik mong anak ko!" sigaw ni Kanor.
Nanginginig sa galit si Kanor at nagsara ang kanyang mga kamao. Pinigilan siya ni Wendell at nilakad palayo ang naghihimutok na ama palabas ng kuwarto. Bago niya isara ang pinto, ay nagkatinginan sila ng bata. Matalas ang tingin ni Wendell na sinuklian naman ng mala-dimonyong ngisi ng kanyang kapatid. May parang sinasabi sa kanya na hindi niya maintindihan.
Sumara ang pinto at binalot ang kuwarto ng kadiliman.
NEXT CHAPTER: "Stop Over"
BINABASA MO ANG
Ang Batang Ipinanganak sa Haunted House
HorrorIsang notorious na haunted house. Isang kaso ng demonic possession. Ang grupo ng paranormal experts na sina Father Markus na exorcist, Hannah na psychic at Jules na parapsychologist ay naglakbay tungo sa isang maliit na bayan sa Quezon Province up...