Kakasindi lang ni Hannah ng yosi habang minamaneho ang Hi-ace, sa tabi niya, binibilang ni Jules ang kumpol ng pera. Pina-encash nila ang cheke ng simbahan at ngayo'y papunta na sa kanilang destinasyon. Sa likuran, nakapagpalit na si Father Markus muli sa civilian clothes at hinahanda na'ng sarili na maging kumportable since malayo pa ang kanilang biyahe.
"'Wag mong kalimutan 'yung inabonohan kong gas," paalala ni Hannah. "P1k ang kinarga ko."
"Yes, yes, don't worry," tango ni Jules at napaisip. "Ibawas ko na rin kaya 'yung ipinang-donut ko sa inyo."
"Kapal talaga ng mukha mo!" sumbat ni Hannah.
Natawa si Jules habang si Father Markus nama'y napangiti habang pumikit at sumandal sa upuan.
Matapos nilang huminto para mananghalian sa San Juan, Batangas ay lumarga na uli sila. Dalawa't kalahating oras bago nila narating ang lalawigan ng Quezon. Nakatulog na sa tagal at kabusugan ang mga lalaki, si Hannah'y matiyaga pa rin sa pagmamaneho. Makapasok ng Quezon ay natanaw niya ang sign ng Welcome to Daigdigan, Quezon, at kanyang ginising ang mga kasama.
"Mga pare at pari, gising na!" sigaw ni Hannah.
Dumilat ang dalawa at nagunat.
"Andito na tayo?" tanong ni Jules sabay hikab.
"Yes!"
Bumagal ang takbo ng Hi-ace pagpasok ng bayan ng Daigdigan. Busy ang oras na ito. Sa palengke, sa town hall, sa police headquarters, sa clinic, sa sakayan ng bus, jeepney at tricycle, nagkalat ang mga tao sa paligid. Patingin-tingin sina Jules, Hannah at Father Markus, sinu-survey ang paligid.
"Sa'n bang bed & breakfast dito?" tanong ni Jules.
"Hello!" sarcastic na balik ni Hannah. "Ano tayo nasa Baguio?"
Makalampas ng kaunti sa mataong lugar ay huminto ang sasakyan sa tapat ng motel.
"Daigdigan Inn, mukhang ito na ang pinaka-okay eh," basa ni Hannah sa pangalan ng two-floor na gusali na luma na at pininturahan na lang ng bago, kulay pink. "Bagay ka rito, Jules!"
"Haha," iling ni Jules. "Daigdigan Inn. Swak na pangalan ng motel. Makamundo."
"Okay lang ba tayo dito, father?" tanong ni Hannah.
"Yes," sagot ng pari. "I've been to worse."
"Naks!" kindat ni Hannah.
Pumarada ang sasakyan sa parking lot sa likuran. Hindi ito simentado at may malaking bungkal pa sa lupa. Naka-park ang ilang mga sasakyan. Isang Honda Civic, isang motorsiklo at isang tricycle. Nagbabaan sila at pumasok sa back entrance dala ang kanilang mga bag. Pinagbuksan sila ng pinto ng security guard na tagabantay sa parking at sloppy magdamit ng uniporme, at wala pang baril ang holster. Ang meron lang siya'y bakbak na batuta.
Sa reception lobby, nag-check-in sila sa isang double room, ang pinakamalaking unit na ng motel, at nagbayad na lamang para sa isang extra na folding bed. Natuto na sila. Noong last time na kumuha sila ng tig-isang kuwarto ay isa-isa rin silang binisita ng masasamang mga espiritu at kamuntikan pang ma-possess si Jules. Alam nilang may kakayahan ang spirit world na matukoy sila kaya't naisipan nilang mas mabuti kung sama-sama na lang. At siyempre, para tipid din.
Tama lang ang laki ng kuwarto at pinuwesto nila ang folding bed sa gitna para ma-allot na ang mga espasyo para sa mga kagamitan. Bukod sa kanyang knapsack, may dalawang malalaking hard plastic na carrying case si Jules na puno ng kanyang mga gadgets tulad ng digital video cameras, laptop, EMF at motion detectors, EVP recorder at iba pa. Mga gamit ng isang ghost hunter. Si Father Markus naman ay may sariling bag ng kanyang mga gamit pang-exorcism tulad ng crucifix, holy water, bible at damit pampari na may added garments na kung tawagin ni Jules ay kanyang "superhero costume." Samantalang ang laman naman ng bag ni Hannah ay mga kaha ng sigarilyo. Hindi niya kailangan ng mga kung anu-anong gadget.
"So, anong plano?" tanong ni Hannah na naupo sa kama, habang inaayos ni Jules ang equipment niya at si Father Markus ay nilalagyan ng hanger ang kanyang mga damit at pinapasok sa kabinet.
"Bisitahin muna natin ang mga Trajico," sabi ni Father. "Mabuting makilala muna natin sila at makita ang bata."
#
Maalikabok ang kalsada na dinaraanan ng Hi-ace, gawa ito ng mga natuyong putik matapos ang malakas na pagulan ng nagdaang mga linggo at dahil na rin sa mga naguunahang mga tricycle at jeepney.
"Bad trip na mga tricycle driver ito," usal ni Hannah sa sarili. "Sumemplang sana kayo!"
"Hannah..." sabi ni Father Markus na may hint ng warning.
Nag-roll ng eyes si Hannah, "Okay, huwag sana kayong sumemplang. Tubuan na lang kayo ng kulugo sa singit."
Natawa si Jules na abala sa kanyang laptop at tinitignan ang mapa ng pupuntahan nila.
"Kakaliwa ka sa pangatlong kanto," instruct ni Jules habang in-adjust ang salamin niya sa mata.
Niliko ni Hannah ang Hi-ace pakaliwa sa may kahoy na sign na may pangalan ng ilang barangay, kasama na rito ang Barangay Bunlak. Makitid ang kalye na sinundan nila at napapaligiran ng mga puno at matataas na mga halamang ligaw. Diretso lang, at napansin nilang paunti ng paunti ang mga bahay habang palayo nang palayo, hanggang sa mailan-ilan na lamang ang mga ito. Mga pawang mga kubo na bahay ng mga magsasaka.
Dumating sila sa kanto na may pakanan at pakaliwa na daan. Binitawan ni Hannah ang silinyador at bumagal ang takbo nila.
"'San tayo? Kanan o kaliwa?"
Chineck ni Jules ang mapa sa laptop at pinalaki ang image. Sa likuran, tahimik lang si Father Markus.
"Kanan 'yung papunta ng Barangay Bunlak," turo ni Jules.
"Eh itong kaliwa?" tanong ni Hannah habang ikinanan ang manibela.
"Sa kaliwa? Papunta 'yan sa Barangay Garote. Kung nasaan ang Anlunan Residence."
Napabuntong-hininga si Father Markus nang malaman iyon. Habang kumanan ang Hi-ace ay lumingon siya sa likuran, sa iniwan nilang daan na papunta ng Anlunan Residence at nakaramdam siya ng kaba. Somehow, pakiramdam niya'y alam ng haunted house ang kanyang pagdating.
At hinihintay na siya.
NEXT CHAPTER: "Pagpapakilala."
BINABASA MO ANG
Ang Batang Ipinanganak sa Haunted House
HorreurIsang notorious na haunted house. Isang kaso ng demonic possession. Ang grupo ng paranormal experts na sina Father Markus na exorcist, Hannah na psychic at Jules na parapsychologist ay naglakbay tungo sa isang maliit na bayan sa Quezon Province up...