Sa mga sandaling paalis ng kubo ang Pajero at police car, si Bishop Israel ay nasa isang madilim na passageway na naiilawan lamang ng mga kandila. Daanan na parang tunnel na gawa sa simento't bato, at sa bawat hakbang niya'y nag-e-echo ang takong ng kanyang sapatos sa basang sahig kung saan lumalapat ang suot niyang sutanang puti. Sa kanyang balikat, naka-sling ang leather bag.
"Halika, bishop!" sabi ng boses na nauuna sa kanya.
Sinusundan ni Bishop Israel si Archbishop Villasor na may hawak na candelabra na may tatlong maliliwanag na mga kandila. Mahahaba ang ginagawang anino nila sa makitid na espasyo. Sa hitsura ng lugar, sila'y nasa ilalim ng isang lumang simbahan. Isang lugar na sikreto.
Huminto sila sa isang pintuan na may mga bakal na rehas at malaking krus na disenyo sa gitna. Hawak ng arsobispo ang malaking keychain na maraming lumang susi at kanyang binuksan ang lock. Sa ingay na ginawa ng pintuang rehas ay halatang matagal na itong hindi nabubuksan.
Ang pinasukan nila ay isang kuwadradong kuwarto. May mga kandila na naka-mount sa wall na sinindihan ni Archbishop Villasor gamit ang candelabra. Nagliwanag ang loob at natunghayan nila ang hitsura. Sa magkabilang pader sa kanan at kaliwa, nakatayo ang mga sinaunang bakal na armor na kumpleto sa sandata: espada, sibat at kalasag. Mga medieval armor at ang kuwarto'y parang isang holy armory. Sa dulo ng kuwarto ay may mas maliit na pintuang bakal. Binuksan din ito ng arsobispo at sila'y pumasok. Sa gitna ng kuwartong ito ay may malaking antigong baol na mukhang treasure chest at may mga intricate religious carvings. Nakaukit sa kahoy ang imahen ng mga santo.
"Kung Vatican ito," sabi ni Bishop Israel. "High-tech ang security with cameras and laser."
Napangiti si Archbishop Villasor habang may hinahanap sa kulumpon ng mga susi.
"Old school tayo, bishop. Ang security dito ay tiwala at pananalig sa Diyos."
Nakita ng arsobispo ang susi ng baol at ipinahawak sa bishop ang candelabra. Binuksan niya ang baol at mula roon, kinuha ang simpleng kahoy na jewelry box. Nilapit ni Bishop Israel ang candelabra para iyon ay mailawan. Binuksan ng arsobispo ang kahon. Sa loob ay may pulang tela na may nakasulat na mga salitang Latin. Maingat niyang binuklat ang tela at sa ilalim noo'y naroon ang isang rosaryo. Simple lamang at hindi mukhang mamahalin.
Ang rosaryo ni San Lorenzo Ruiz.
Nagkatinginan ang dalawa.
Sinara rin agad ni Archbishop Villasor ang kahon at binigay iyon kay Bishop Israel at kinuhang candelabra. Nang mahawakan ng bishop ang kahon ay saglit siyang natigilan.
"Sigurado ka ba sa gagawin mo, Reginald?" tanong ng arsobispo.
Marahang tumango si Bishop Israel. Sigurado siya. Napagdesisyunan na niya ito. Kung dati'y tutol siya na gamitin ang artifact, ay nagbago ang kanyang isipan nang ma-engkuwentro ang dimonyo sa bata, at nakaramdam ng kakaibang takot hindi lamang para sa kaibigan niyang pari, kundi sa ipinakitang kapangyarihang ng kampon ng kadiliman. Binuksan niyang leather bag at ipinasok ang kahon doon. Pagkatapos ay tumingin siya sa arsobispo ng mga matang nagsasabing ready na siya. Nagkamay sila.
BINABASA MO ANG
Ang Batang Ipinanganak sa Haunted House
HorrorIsang notorious na haunted house. Isang kaso ng demonic possession. Ang grupo ng paranormal experts na sina Father Markus na exorcist, Hannah na psychic at Jules na parapsychologist ay naglakbay tungo sa isang maliit na bayan sa Quezon Province up...