May mga taimtim na nakikinig. Mga manang na may mga abaniko at scarf sa may harapang upuan hawak nang mahigpit ang kanilang mga missalettes. Alam nila ang mga salita at kung minsa'y nauuna pa sila sa reader. May dalang mga panyo, hindi sila nahihiya na magpatak ng ilang luha.
Mayroon namang mga inaantok. Mga lalaki, mga mister na itinatago ang mga mukha sa kunwaring nakayukong pagdarasal sa likurang mga pews. Ang iba'y nakakubli sa mga santo. Nagtatago ba sila sa Diyos? Sa kanilang tabi, ang kanilang maybahay. Ano pa nga ba ang pinagdarasal ng misis kundi ang kanyang asawa?
At ang mga bata, naglalaro sa kanilang mga isip, nagi-imagine. Naiinip. Gusto nang lumabas para makapaglaro. At bakit hindi? 'Di naman nila tanto ang pinagsasabi ng pari. Anong malay nila sa homilya na tungkol sa mga mag-aasawa, ang pagtigil sa pag-inom, paglayo sa tukso ng dimonyo, babae, sugal, droga, sigarilyo. Ang salita ni Father ay para lang si Titser. Mga pangaral at sa wikang Inggles pa. Pero, sa katunayan, kabisado ng mga munti ang takbo ng misa. Na kapag itataas ng pari ang chalice at matapos sabihin ang:
Take this all of you and drink from it.
This is the chalice of my blood.
The blood of the new and eternal covenant,
which will be poured out for you and for all
For the forgiveness of sins.
Do this in memory of me....at ibababa ang chalice, alam ng mga bata na sila'y dapat na yumuko, at kapag maririnig ang tunog ng maliit na bell na parang bell ng ice cream ay hudyat ito na malapit na ang communion.
Si Father Markus. Matapos isubo ang katawan ni Hesus at inumin ang alak, ay dala-dala niya ang lalagyan ng ostiya kasabay ang isang sakristan at naglakad sa gitnang aisle habang nagpilahan ang mga tao para sa komunyon. Mabilis ang mga manang sa harapan na mauna sa queue.
The body of Christ.
Amen.
Nasa kanyang 40s si Father. May ilang wrinkles na nagpapatunay sa kanyang edad, at mga puting buhok sa patilya. Dark ang complexion, malalim ang mga mata, malinis ang gupit, at palaging ahit ang balbas, at kung minsa'y amoy aftershave pa siya. Dahil may hitsura naman, kadalasang small talk ng mga manang ay tungkol doon, sayang daw si Father, kung bakit nagpari at hindi nag-asawa.
Kabisado na ni Father ang mga mukha nila. Ng mga ginang na deboto. Si Erlinda na may higanteng nunal sa ilong. Si Openg na violet palagi ang kulay ng bistida. Si Mildred na makapal ang foundation ng make-up at drawing ang kilay na kadalasa'y mas mahaba ang sa kaliwa dahil sa siguro'y kaliwete siya. At si Julieta na nagtatanggal ng kanyang pustiso bago sumubo ng ostiya. Kilala ni Father ang mga asawa nila, mga lolo at lola, mga anak, at anak-anakan. Kung nakaligtaan niya ang pangalan ay kilala naman niyang kanilang mga mukha.
Kaya't ganun na lang gulat niya nang sa pila ay may sumulpot na pamilyar nguni't hindi karaniwang nakikitang mga mukha.
Naka-amen ang mga palad ni Hannah nang lumapit para sa homilya. Napabuntong-hininga si Father Markus, lalo na nang pasimpleng kindatan siya ni Hannah. At kasunod pa niya'y si Jules na nakangiting aso. Alam ng pari na kapag nagpapakita ang dalawa ng walang pangunang pasabi ay may misyon na naman sila, at ang biglaang pagdating ay para hindi siya makatanggi. Sinubuan niya si Jules ng ostiya at pinanood ang dalawa na naglakad palayo at naupo sa dulong pews.
Matapos ang misa ay nakaabang na sina Hannah at Jules sa labas ng simbahan. Si Hannah ay nakapagsindi na ng sigarilyo malapit pa sa no smoking sign, kung kaya't ang tingin sa kanila ng mga manang na naglalabasan ay mga kampon sila ng dimonyo na galing sa siyudad. Samantalang ang mga binatilyo ay hindi maiwasang sumulyap sa kakaibang hitsura ng dalawang taga-Maynila, lalo na sa "cute" na tomboy, kaya't ang mga kapares nilang mga dalagita ay naiinis.
Paglabas ni Father Markus ay nakangiting binati siya ni Jules.
"Hello, father."
Kumaway naman si Hannah habang bumuga ng usok.
Hindi agad nakapagsalita ang pari. Sinenyasan niya ang dalawa na sumunod sa kanya.
Pumasok sila sa simbahan, sa maliit na kuwartong bihisan na may kahoy na aparador at maliit na mesa't upuan. Isinara ni Father Markus ang pinto at binuksan ang bintana. Kabisado ni Hannah ang routine na ito kaya't inihanda na niya ang stick ng sigarilyo na walang pagaalinlangang inabot ng pari, kasama ng disposable lighter. Nagsindi ng yosi ang pari. Malalim na humithit at bumuga ng pinong usok.
"Smoke after mass," ang tawag ni Hannah. "Yeah, father!"
Pumuwesto si Jules sa bintana dahil ayaw niya ng second-hand smoke. Hindi pa umaabot ang usok sa kanya'y maarte na siyang nagpapaypay ng kamay.
"So, anong meron?" tanong ni Father Markus.
"6-years old na batang babae," panimula ni Jules. "According sa report, lahat ng signs ng possession ay present. Personality disorder, skin contusions, physical strength, speaking in a foreign language, pag-iiba ng boses, etcetera.
"May history ba ang family ng possession?"
"As far as we know, wala," sagot ni Jules.
"So, random possession?" tanong ng pari kasabay ng pagtaktak ng abo sa kinuhang ashtray.
Umiling si Hannah at tumingin kay Jules na parang naghahanap ng suporta.
"Well, no..." aniya.
"No?" pagtataka ng pari.
"Ganito kasi," mahinang sabi ni Jules. "Ayon sa mga magulang, ipinanganak ang bata sa isang haunted house."
Dinapuan ng kaba si Father Markus.
"At hindi lang basta-basta haunted house ito, Father," diin ni Jules. "Ang pinaguusapan nating haunted house ay walang iba kundi ang Anlunan Residence sa Quezon Province."
"Shit," sabi ng pari, sabay tumingin sa krus sa pader. "Sorry."
Alam ni Father Markus ang munting history ng nasabing haunted house. In fact, alam niya ang karamihang istorya ng mga haunted house sa Pilipinas, at ang Anlunan Residence ay isa sa mga notorious. Ikanga, nasa top 10 ito kung ang basehan ay ang pinaka-grabe. Pagkabanggit pa lang ng pangalan ay parang sumakit ang sikmura niya at nanlamig ang kanyang mga kamay. Pinatay niya ang upos at humingi pa ng isang stick kay Hannah at sinindihan agad.
Nagkatinginan silang tatlo, mga tingin na nagsasabing posibleng ito'ng pinaka-matinding kaso ng demonic possession na kanilang haharapin.
"Sooooo," sabi ni Hannah. "Anong decision natin?"
"Mageempake lang ako," sabi ni Father Markus.
NEXT CHAPTER: "Ang Bata"
BINABASA MO ANG
Ang Batang Ipinanganak sa Haunted House
HorrorIsang notorious na haunted house. Isang kaso ng demonic possession. Ang grupo ng paranormal experts na sina Father Markus na exorcist, Hannah na psychic at Jules na parapsychologist ay naglakbay tungo sa isang maliit na bayan sa Quezon Province up...