Chapter 25: Ang Lagay ng Mga Bagay

10.4K 549 71
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Ang mahinang patak ng tubig mula sa gripo ng banyo ang kalaban ng katahimikan sa bahay ng mga Trajico.

Dati rati'y masaya sa kubong ito sa paanan ng bundok dito sa Barangay Bunlak, bayan ng Daigdigan sa probinsiya ng Quezon. Noong naroon pa si Ester na maybahay. Tuwing umaga'y makikita mo siyang nagpapakain ng mga manok, nagdidilig ng mga halaman o kaya'y nagluluto sa kusina kung saan ang usok ng niluluto ay amoy hanggang sa bakuran. Si Kanor naman ay sakay ang batang si Wendell sa kalabaw tungo sa eskuwela. Dati-rati'y maraming nagpupunta rito para dalhan sila ng mga gulay para ipalit sa itlog. May nagpupunta para lamang bumati at makipagkuwentuhan. Tumigil na si Wendell sa pagaaral. Si Kanor sa pagsasaka. Tumigil na rin ang pagpunta ng mga tao.

Noon, masaya sa bahay ng pamilyang Trajico. Noong wala pa si Berta.

Madilim ang loob ng bahay, ang mga bintana ay nakasara kahit na umaga. Ito'y dahil ito ang gusto ni Berta. At dahil na rin sa kagustuhan ni Kanor na itago ang kalagayan ng bunsong anak sa mga tao.

Patak ng tubig mula sa gripo ng banyo. Pinapaliguan ni Kanor si Berta na nakaupo sa batya na puno ng tubig. Kanya itong malumanay na binubuhusan ng tubig habang hinahayaan si Berta na sabunin ang kanyang sarili, ang kanyang katawan na puno ng natuyong mga sugat. Tahimik ang mag-ama, walang pangungusap na lumalabas sa kanilang mga bibig.

Sumilip sa bukas na pintuan ng banyo si Wendell.

"Tay, alis na po ako."

"Sandali lang, anak," paglingon ni Kanor. "Matatapos na kami ng kapatid mo."

Tumango si Wendell at lumakad palayo.

Paglingon pabalik ni Kanor kay Berta ay nakita niyang huminto ito sa pagsasabon, ang mga kamay ay nakabagsak at ang ulo ay nakatango na ang buhok niya'y nakatakip sa kanyang mukha. Kinabahan si Kanor.

"Berta?" mahina niyang tawag.

Hindi umiimik si Berta.

"Anak?"

Inangat ni Kanor ang kanyang kamay para hawiin ang buhok ni Berta. Natatakot siyang makita ang dimonyo, nguni't ang natunghayan ay ang anak na umiiyak.

"Anak, bakit?"

"K-kasalanan ko po, 'Tay," iyak ni Berta. "Kasalanan ko kung bakit ibebenta ang kalabaw. Ipambabayad n'yo sa mga gumagamot sa akin."

Napuno ng awa si Kanor.

"Kung wala sana akong sakit, hindi sana ibebenta ang kalabaw," lumakas pang iyak ni Berta at siya'y napayakap sa ama.

"Huwag mong isipin iyon, anak. Hindi mo kasalanan ito."

Hindi ito kasalanan ni Berta, alam ito ni Kanor. Pagka't kung may dapat sisihin ay siya mismo. Siya na nagpasyang huminto sila sa Bahay na Bato at doon ipanganak ni Ester si Berta. Siya na hindi nakinig sa babala ni Wendell. Siya na may kasalanan ng lahat.

Ang Batang Ipinanganak sa Haunted HouseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon