"Shit!"
Malakas na sabi ni Jules nang dumating sila sa kubo ng mga Trajico at nakita ang nakaparada na kotse ng pulis. Binagalan ni Hannah ang sasakyan at sila ay sinalubong ni SP04 Rosales na ngayon ay hawak na'ng armalite at hininto sila bago pa makalapit sa bakuran.
"Ano'ng sadya n'yo dito?" tanong ng pulis habang sinisilip ang loob ng Hi-ace.
"Kaibigan kami, sir, ng mga Trajico," sagot ni Hannah.
"Bakit, sir?" mabilis na dugtong ni Jules. "Ano'ng meron?"
"May sitwasyon dito," matapang na sagot ni SP04 Rosales. "Bumalik na lang kayo."
Mula sa bahay, nakita nila na lumabas si Hepe at mabilis na naglakad tungo sa kanila, ang mukha nito'y larawan ng magkahalong aburido at pag-aalinlangan. Samantala, ang paligid ay payapa, ang mga hayop, mga baboy at kalabaw, maging ang mga manok na gumagala-gala sa gilid-gilid ay tahimik na tila nakikiramdam sa dramang nagaganap sa bahay ng kanilang amo.
"Anong problema dito?" tanong ni Hepe.
"Sir, mga kaibigan daw sila ng Trajico," sagot ni SP04 Rosales.
Sinilip ni Hepe ang loob ng van at nakita ang tatlong lulan nito. Isang babae at dalawang lalaki, at sa hindi pangkaraniwang mga hitsura nito'y may ideya na siya kung sino sila. Mahigit isang oras niyang ininterrogate si Kanor at nasabi na ng magsasaka ang lahat ng dapat niyang malaman, kahit na mahirap paniwalaan ang mga ito, kasama na ang pagdating ng tulong na galing sa labas.
"Papasukin mo sila sa loob," utos ni Hepe.
"Yes, sir!"
Nagkatinginan sina Hannah, Jules at Father Markus, pagkatapos ay bumaba sila ng van. Dala-dala ni Jules ang knapsack niya. Sinundan nila si Hepe tungo ng bahay. Pasado alas-dos na at kasagsagan ng gising ng araw, mabuti na lamang at maulap at madalas ang hangin na tumatama sa bundok at itinutulak nito pabalik sa bukirin. Dinaanan nila si Wendell na naglilinis ng kural ng baboy. Napahinto ito at tumingin sa kanila. Ini-expect nila na masaya ito na makita sila, nguni't tahimik lang ang binata at nagpatuloy din sa ginagawa. Bago buksan ni Hepe ang pinto ng bahay ay lumingon ito sa tatlo, at bago pa siya makapagbigay ng warning, ay inunahan na siya.
"Don't worry. Sanay na kami sa amoy, chief," sabi ni Jules.
Saglit na tinignan sila ni Hepe na may pagtataka, aniya sa sarili, sino ba'ng mga ito? bago binuksan ang pintuan. Pagpasok nila'y naroon si Kanor, nakaupo sa hapag-kainan at naka-posas ang mga kamay. Bakas sa mukha niya ang matinding pagod at nang makita sina Hannah, Jules at Father Markus ay nabuhayan siya ng loob.
"Kayo po si Mang Kanor?" tanong ni Jules.
Agad na tumango ang magsasaka.
"Kaming mga nakausap n'yo. Ako si Jules," at pinakilala niya ang iba. "Si Hannah at si Father Markus."
BINABASA MO ANG
Ang Batang Ipinanganak sa Haunted House
HorrorIsang notorious na haunted house. Isang kaso ng demonic possession. Ang grupo ng paranormal experts na sina Father Markus na exorcist, Hannah na psychic at Jules na parapsychologist ay naglakbay tungo sa isang maliit na bayan sa Quezon Province up...