Akay ni Kanor si Brother Paul paglabas ng kuwarto. Naiwan sa loob ang kanyang sutana na sinunog ng dimonyo at ngayo'y naka puti na t-shirt na lang. Naputol sila sa kalagitnaan ng exorcism.
"Wendell!" sigaw ni Kanor.
Tinulungang maupo ni Kanor si Brother Paul sa may kusina. Nagmamadaling pumasok ng bahay si Wendell galing sa labas.
'Tay?"
"Kumuha ka ng tuwalya dali! At ilublob mo sa tubig!" utos ni Kanor. "At 'yung mga panggamot!"
Mabilis na tumalima si Wendell habang tinulungan ni Kanor na hubarin ni Brother Paul ang kanyang t-shirt. Gulantang pa ang brother sa nangyari.
"Tignan natin ang paso mo..." sabi ni Kanor.
Bumalik si Wendell na may hawak na tuwalya na binasa niya ng tubig. Nang matanggal ang t-shirt sila'y nagulat dahil wala namang paso si Brother Paul. Ang dibdib niya'y malinis at walang ka-marka-marka. Nagtaka sila't nagkatinginan.
Napatango si Brother Paul.
"Proteksyon..." kanya lang nasabi.
Napalingon sila nang biglang lumabas ng kuwarto si Father Markus na hinihingal at pinagpapawisan.
"Father!"
Inangat ng pari ang kanyang palad, senyas na okay lang siya.
"Brother Paul?" tingin niya sa brother.
Pinakita ng brother na wala siyang paso at tumango si Father Markus. May bisa ang binigay niyang proteksyon, kontra sa sinabi ng dimonyo. Nguni't ang nasa isip niya talaga ay ang sinabi ng dimonyo na ang kaluluwa ni Sister Juanita ay nasa impiyerno at nagdurusa. Lubos siyang naapektuhan noon. Si Sister Juanita na naglaslas ng kanyang pulso matapos ang maraming araw ng sesyon ng exorcism. Paano makakalimutan iyon ni Father? Habangbuhay siyang pasan ng kanyang kunsiyensya. Lumabas ng bahay si Father Markus at nanigarilyo sa may puno. At naalala niya ang kaso ni Sister Juanita.
Dalawang taon na ang nakaraan nang magpunta sila nina Jules at Hannah sa Tarlac. Pinapunta sila ng Madre Superior ng Our Lady of Carmel Convent sa paniniwala nito na ang isang madre nila'y sinaniban ng masamang espiritu.
Si Sister Juanita ay isang 28-year old na tubong Pangasinan. Ayon sa history niya, bago maging madre, siya'y nakatakda sanang magpakasal nguni't sa kahuli-hulihang sandali ay umatras ang kanyang nobyo at nawala na lamang nang basta. Nakatanggap siya ng liham makaraan ang ilang buwan mula sa lalaki na nagsasabing siya'y magpapakasal na sa ibang babae. Tulala si Juanita nang tumawid ng kalsada ng araw na iyon at siya'y nabundol ng kotse nguni't nakaligtas naman sa kamatayan. Nguni't, hindi ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Nalaman din lamang niya ng araw na iyon na siya pala'y nagdadalantao.
Sa sama ng kanyang loob ay pumasok si Juanita ng pagmamadre. Ayon sa Madre Superior, noong unang taon ay isang modelong lingkod ng Diyos si Sister Juanita. Masipag, matulungin at madasalin. Walang masamang ugali. Nguni't hindi nagtagal, si Sister Juanita ay unti-unting nagbago. Naging tamad at mareklamo. Naging magagalitin na siya'y nagsimulang magmura. Kasabay noon ay nakitaan siya ng kakaibang mga sintomas. Kadalasa'y nilalagnat at inuubo. Sa gabi siya'y nagi-sleepwalk ng walang saplot. At nakitaan siya ng mga pasa sa katawan na walang makapagsabi kung saan galing. Pinatignan siya sa mga duktor nguni't wala naman silang nakitang malubhang sakit. Noon lang nang kausapin siya ng mga pari, na nalaman nilang siya pala'y sinapian ng dimonyo. Kung bakit siya pinili ng dimonyo ay hindi nila alam.
BINABASA MO ANG
Ang Batang Ipinanganak sa Haunted House
HorrorIsang notorious na haunted house. Isang kaso ng demonic possession. Ang grupo ng paranormal experts na sina Father Markus na exorcist, Hannah na psychic at Jules na parapsychologist ay naglakbay tungo sa isang maliit na bayan sa Quezon Province up...