Chapter 27: Huling Hantungan

9.9K 513 40
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Malakas na bumubuhos ang ulan nang ilibing si Father Dacayman. Nagsipayungan ang mga dumalo sa simenteryo, nagiingat na hindi madulas o malubog sa putik. Ang mismong hukay ay nanganganib na mapuno ng tubig, nguni't sa awa ng Diyos, natapos nila ang ritwal.

Prestigious ang career ni Father Dacayman bilang parish priest sa lungsod ng Quezon kung kaya't bukod sa kanyang mga kamag-anak na pinangungunahan ng dalawa niyang nakababatang mga kapatid kasama ang kanilang pamilya, ay nagbigay pugay din ang mga pari na galing sa iba't-ibang bayan. Mula sa Callejon, Dinagatan, all the way mula pa sa Unison and as far as Macalelon. May ilan din na galing sa Kanluran, sa Sariaya at Lucena City. Nang maibaba ang kabaong at matabunan ng lupa ay nagsipagpulungan ang mga tao.

Naroon si Brother Paul na nakapayong sa ilalim ng puno. Alam ng marami na siyang pinakamalapit kay Father Dacayman kaya marami rin ang nagsabi ng kanilang condolences sa kanya, at alamin din ang ilang mga bagay-bagay.

"Condolence, brother Paul," sabi ng nakapayong at may edarang napapanot na pari na lumapit sa kanya.

"Salamat po, Father See."

Dumating ang isa pang nakapayong na pari, si Father Gilberto na siyang humalili kay Father Dacayman bilang parish priest ng Daigdigan. Mas bata siya nang kaunti kay Father See na nasa kanyang late 50s. Matangkad, naka-salamin at maayos ang tindig ni Father Gilberto at malalim ang boses.

"Father See..."

"Father Gilberto..."

"Kumusta ang Dinagatan?" tanong ni Father Gilberto. "Balita ko'y may nagtayo doon ng bagong simbahan..."

"Kulto. Isang nagpapanggap na Hesus," dismiss ng pari. "Hindi ako nababahala dahil malakas ang suporta ng parokya ko."

Kanya agad iniba ang paksa.

"Ikaw ang magte-take over kay Father Dacayman?"

"Yes, father."

"Aba'y, in good hands ka pala, Brother Paul," sabi ni Father See sa brother.

Naramdaman ni Brother Paul ang paghimas ng pari sa kanyang braso.

"May narinig akong usap-usapan, tungkol sa nangyari kay Father Dacayman," pabulong na sabi ni Father See sa kanila. "Isang exorcism?"

Pinalipat-lipat niyang kanyang mga mata between Brother Paul at Father Gilberto na tila naghihintay ng paliwanag. Nagkatinginan sina Brother Paul at Father Gilberto.

"Exorcism?" may pagkagulat na ulit ni Father Gilberto.

"Ng isang batang babae," saad ni Father See, at lumingon pa ito sa paligid upang tignan kung may ibang nakikinig sa kanila. Sa paligid, may kani-kanilang pulong ang mga pari at mga bisita.

Nag-alangan si Father Gilberto na magsinungaling. Alam niya ang exorcism na naganap dahil ikinuwento lahat ni Brother Paul iyon sa kanya. Hindi niya alam ang sasabihin.

"Nagpunta po si Father para lang bendisyunan ang bahay," salo ni Brother Paul. "Naroon po ako. Walang naganap na exorcism."

"Ganoon ba?" pagtaas ng kilay ni Father See, at kay Father Gilberto, "Walang exorcism?"

Tumango si Father Gilberto in agreement pero napalunok nang malalim.

Saglit na tinignan pa sila ni Father See na tila naninigurado. Finally:

"Saan ba mainam magpagpag?"

"May munting handa po sa simbahan," ngiti ni Brother Paul.

"Kung ganon, mauna na ako at mukhang matatakaw iyong mga taga-Callejon eh," biro ni Father See at siya'y naglakad paalis.

Nang wala na siya:

"Pagkatapos nito, babalik ka ba sa Barangay Bunlak?" tanong ni Father Gilberto.

"Kung okay lang, father," sabi ni Brother Paul. "Kailangan ako doon."

Tumango si Father Gilberto.

"Itong Father Markus..." sabi niya. "Tingin mo, mapapagaling niya ang bata?"

Huminga nang malalim si Brother Paul.

"Malakas ang paniniwala niya. Naniniwala ako na masusugpo niya ang dimonyo kay Berta. May kakaiba kay Father Markus."

Naikuwento na rin ni Brother Paul ang tungkol kay Father Markus, ang pagbigay nito sa kanya ng kakaibang proteksyon. Lubos na nahiwagaan si Father Gilberto sa pagkatao ng exorcist. Pero, hanggang doon lamang ang kanyang involvement, at nagbigay na lamang siya ng magandang paalala kay Brother Paul.

"Mag-iingat ka, Brother Paul. Huwag kang lalayo ng landas," aniya, at naalala niya ang kaninang kasinungalingan. "At huwag mong kalimutang mangumpisal."

Nakangiting tumango si Brother Paul.

Nagsimula nang mag-alisan ang lahat, nguni't naririyan pa rin ang ulan.

#

Sa provincial road na patungo ng bayan ng Oram ay bumubuhos din ang malakas na ulan.

Tahimik sa loob ng Pajero. Ang tagaktak ng ulan sa windshield at palo ng wiper ang tanging naririnig. Ito'y hindi lang dahil diskonektado ang car stereo kundi'y may kanya-kanyang iniisip ang mga nakasakay.

Para kay Father Markus, ang nasa isip niya'y kung ano ang balita na sasabihin sana ni Bishop Israel bago naputol ang kanilang usapan at masira ang kanyang cellphone. May bigat sa tono ng obispo na nagsasabing mahalaga iyon.

Hawak naman ni Jules ang journal ni Dr. Nakadai at tinitignan ang mga sketches at drawings nito. Laman ng isipan ng parapsychologist ang kasiguraduhan ng sinuggest niyang plano—na gawin ang exorcism sa Dead Room. Nangangamba siya na may mangyari na hindi niya na-anticipate. Also, iniisip niya kung paano hihiritan si Sonny na ibigay na lang sa kanya ang journal, since feeling niya, close naman sila.

Marami namang nasa isipan si Hannah. Isa na rito ay kung saan napunta ang Alternative CD compilation niya. Ang alam niya'y ipinatong lang niya sa itaas ng dashboard. Tingin naman niya'y malabong may kagagawan ang dimonyo. Inabala niya ang sarili sa pag-iisip sa misteryo ng CD niya para lang mawala ang kanyang isipan sa totoong concern niya, at ito'y kung magtatagumpay ba sila laban sa isang first hierarchy na demon. Hindi maganda ang sinasabi kasi ng vibrations niya.

Tumatalon naman ang isipan ni Mayor Arteza between sa mission nila at kung saan niya dadalhin next si Karen. Kung naging matagumpay ang gagawin nilang exorcism ay naisip niyang ibenta ang istorya nito at gawing pelikula. Kinonsider din niya na siya ang magdi-direk. Bali, Indonesia. Magandang magbakasyon doon. Magugustuhan doon ni Karen. Nai-imagine na niya ang mainit na sex na magaganap. Yes, confirmed, may relasyon sila.

Samantala, si Manong Driver ay iniisip naman kung anong numero ang lumabas sa lotto.

Pasado ala-una na nang dumating sila sa bayan ng Oram at huminapansamantala ang ulan.

NEXT CHAPTER: "Sa Mental Hospital"

Ang Batang Ipinanganak sa Haunted HouseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon