May kalakihan ang main town o "bayan" ng Daigdigan. Malawak ang public market na bagsakan ng mga paninda ng mga magsasaka na tulad ni Kanor. Bigas, prutas, poultry, baboy at iba pa. Kapalit nito ay mga paninda mula sa karatig na mga bayan. Gulay mula sa Callejon at isda galing naman sa Dinagatan. Nakakarating din hanggang Maynila ang mga produktong galing dito, lalo na't kapag may shortage ng bigas. Dahil sa kalakal, lumago ang bayan at nagsipagtayuan ang mga commercial establishments tulad ng groceries, restaurants at department stores, although nananatiling third class pa rin. Nasa main town ang simbahan, rural bank, town hall, police headquarters at maliit na ospital. May dalawang botika sa bayan, isa sa may palengke at isa dito sa ospital mismo.
Nang magpunta sa bayan si Kanor para bumili ng gasa, bulak, band aid, alcohol at Betadine ay nagaaway sa isipan niya kung saang botika tutungo. Usap-usapan kasi ang nangyayari sa pamilya niya. Maraming nakakaalam na dinala sa mental hospital sa kabilang lalawigan ang asawa niyang si Ester. Kung sa palengke siya pupunta, doo'y maraming nakakakilala sa kanya na aniya, ay matatalas ang mga dila. Kaya napagpasyahan niyang sa ospital na lamang bagama't naroon naman ang mga duktor na alam niyang siyang nagsumbong sa kanya sa mga pulis. Paratang na umano'y pinagbubuhatan niya ng kamay ang kanyang mga anak.
Nasa kabila ng kalye ng ospital si Kanor, nagsisigarilyo at pinagmamasdan ang paligid, nagiipon ng lakas ng loob. Maya-maya'y tinapon niya ang upos at tumawid ng kalye. Nagsuot siya ng bullcap para maitago ang mukha at kanya pa itong ibinaba hanggang ilong nang malapit na sa counter ng botika. May ilang bumibili na kanyang pinauna, hanggang sa turn na niya.
"Ano po sa inyo?" tanong ng clerk.
Hawak ni Kanor ang lukot na papel ng mga kailangan niya at ibinigay niya iyon. Binasa ng clerk ang papel.
"Anong pong size nung Betadine?"
"Y-yung maliit lang," sabi ni Kanor.
"Anong klaseng alcohol po?"
Tinuro ni Kanor ang nasa sa shelf. "I-iyun!"
Binigay ni Kanor ang bayad at tumalima ang clerk para kunin ang mga order. Maya-maya'y bumalik muli ito at binigay ang sukli at ang maliit na plastic bag ng mga pinamili. Nagmamadaling naglakad paalis si Kanor at hindi inaasaha'y nakasalubong niya'ng babaeng duktor na namukaan siya. Agad siyang umiwas ng tingin at nilampasan ang duktora, nagbingi-bingihan nang siya'y tawagin.
"Sir! 'Di ba kayo yung tatay ni Berta? Kumusta na siya? Sir! Sir!"
Dire-diretso lang sa paglalakad si Kanor hanggang sa makalayo. Nagtaka ang duktora sa inasal sa kanya kung kaya't pumunta ito sa botika upang magtanong doon kung anong sinadya ni Kanor.
#
Ini-expect ni Wendell na alas-onse'y nakauwi na ang kanyang ama, ngunit pasado alas-dose na'y wala pa ito kung kaya't nagpasya na siyang mauna na sa pananghalian. Nakahanda na ang kawali ng kanin sa mesa at ang ulam na dinuguan. Naupo si Wendell at sumalok ng kanin at kumutsara ng dinuguan. Sumubo siya. At habang ngumunguya ay napatingin siya sa kuwartong tulugan na tanaw mula sa kusina. Tahimik sa loob ng kuwarto. Napaisip si Wendell kung ano'ng ginagawa ng kanyang kapatid sa mga sandaling iyon. Si Berta na nakatali sa dilim. At na-imagine niya na nakikiramdam ito. Na alam kung nasaan siya, kung ano'ng ginagawa niya. Na ito'y nakatitig sa kanya. Mga tingin na para bang tumatagos sa pintuan.
BINABASA MO ANG
Ang Batang Ipinanganak sa Haunted House
HorrorIsang notorious na haunted house. Isang kaso ng demonic possession. Ang grupo ng paranormal experts na sina Father Markus na exorcist, Hannah na psychic at Jules na parapsychologist ay naglakbay tungo sa isang maliit na bayan sa Quezon Province up...