Anak
Anak, simula nung sinilang ka sa mundong ito,
Tinanggap na kita nang buong-buo.
Habang may ngiti sa aking mga labi, ang sabi ko,
"Anak, ako ang gagabay sa'yo."
Ipagtatanggol kita sa lahat ng mananakit sa'yo.
Kaya anak, huwag kang matatakot.
Dahil lahat ay kaya kong isakripisyo,
Para pangalagaan lamang ang puso mo.
Ako ang kasama mo hanggang sa lumaki ka.
Pag ika'y may problema, ako'y nariyan para dumamay.
Pag ika'y masaya, ako'y andito parin at nagmamahal,
Sa anak kong pinahahalagahan ko nang tunay.
Ako ang nagsisilbing salita mo at galaw.
Ako ang susi mo para makipag-usap ka sa ibang tao.
Pero anak, bakit ako pa ata ang 'yong binalewala?
At mas pinili mo ang isang inang banyaga?
Anak, ginawa kong lahat para ipaglaban ka.
Dugo't pawis ang inalay ko para makuha ka lang,
Pero sa tingin ko, ang lahat ng 'yon ay hindi sapat.
Pagkat ikaw na mismo ang kusang bumitaw.
Anak, sinubukan kong lumapit sa'yo.
Baka sakaling bumalik ka sa akin pag ako'y nagsumamo,
Iyak, hinagpis, at galit dala ng aking lungkot,
Ay mas lalong bumugso nang marinig ko ang turan mo.
"I'm so sorry. I don't speak tagalog."
Naiintindihan ko na gusto mo nang kumawala.
Pero sana, huwag mo naman akong kalimutan,
Huwag mo namang ipamukha sa akin,
Na ako'y iyong pinagtatabuyan.
Anak, sobrang sakit at parang hindi ko na ata kaya.
Mahal kita, pero mas gusto mo na ata sa kaniya.
Pipilitin kong palayain ka, dahil alam kong doon ka sasaya.
Sa piling ng bago mong ina.

YOU ARE READING
Reveries & Wonders
PoesíaI bleed words and turn them into literary pieces. A collection of my poems and short stories. Photo by: Hannah Busing