Nagsimula ang kwento noong nagkaroon ng unica hijo ang mag-asawa na sina Haring David at Reyna Elena. Ang sanggol ay pinangalang Malik na ang ibigsabihin ay "Ang Hari ng Lahat ng Hari."
Gaya ng kaniyang ngalan, si Prinsipe Malik ay lumaking responsable, mapagkumbaba at palaging inuuna ang kapakanan ng kaniyang kaharian. Marami ang rumerespeto sa kaniya at humahanga dahil sa taglay nitong kakisigan, alindog at kabaitan.
Isang gabi, habang nahihimbing ang lahat ng tao sa kanilang kaharian, napalagi rito si Kamatayan. Ito ay isang nilalang na nababalutan ng itim na usok at tanging mga mata lamang nito na kulay pula ang nakikita sa madilim na paligid. Ang kaniyang scythe ay nakakadena sa kaniyang pulso na para bang kahit anong oras ay kaya niyang makakuha ng isang kaluluwa.
"Sino ka?!"
Napalingon si Kamatayan sa sumigaw. Hindi mawari ni Prinsipe Malik kung bakit siya naalimpungatan ng gabing 'yon subalit sa kaniyang isipan, marahil nararapat lamang na magising siya ng mga oras na 'yon upang maprotektahan ang kaniyang kaharian sa nilalang na nasa tapat ng kaniyang bintana. Itinutok niya ang kaniyang espada kay Kamatayan. Ang espadang 'yon ay isang banal na armas na kung nanggaling pa sa pinakaninuno niya at kaya nitong malipol lahat ng kasamaan sa isang nilalang.
Tinignan siya ni Kamatayan gamit ang pula nitong mga mata. May kakayahan itong mabasa ang memorya ng kung sinumang nilalang na kaharap niya kaya't nakita niya agad ang alas upang mapatumba si Prinsipe Malik.
"Bata," saad nito gamit ang malagong na boses. Nanigas naman sa kinatatayuan niya ang Prinsipe subalit mas tinataganan niya lang ang kaniyang loob sa harap ni Kamatayan.
"Gusto kong mamili ka. Ang buhay ng mga magulang mo o ang buhay mo." diretsahang saad nito. Nanlaki ang mga mata ni Prinspe Malik at tila natuyo ang kaniyang lalamunan. Nakaramdam siya ng takot at pangamba dahil sa tinuran ni Kamatayan. Ngunit, imbes na tugunan ang suhestyon nito, mas pinili niyang umatake gamit ang espada. Mabilis na nakaiwas si Kamatayan sa kaniyang atake subalit nadaplisan ito kaya't parang nagkaroon ng hati ang itim na usok niyang katawan. Napadaing ito at mabilis na sinakal si Prinsipe Malik. Tinitigan nito ang prinsipe diretso sa mga mata.
"Hangal!" dumagundong ang boses ni Kamatayan sa buong paligid. Subalit parang walang narinig ang mga taong nasa ilalim parin ng kanilang mga panaginip. Sinubukang magpumiglas ni Prinsipe Malik sa pagkakasakal sa kaniya ni Kamatayan subalit masyado itong malakas para sa kaniya.
"Papahirapan kita. Hindi kita agad papatayin. Isinusumpa ko na ika'y magkakaroon ng malubhang sakit at walang lunas para gumaling ka. Ika'y mahihimlay sa isang kabaong at ang iyong katawan ay ilalagay sa loob ng simbahan. Sa tuwing sasapit ang gabi, gagamitin ko ang 'yonng katawan bilang aking sisidlan at kakainin ang kanilang mga kaluluwa." saad ni Kamatayan. Halos manghina si Prinsipe Malik sa narinig. Hindi maatim ng konsensya niya na ang gagamitin ni Kamatayan upang kainin ang mga kaluluwa ng kaniyang mga tagapagbantay ay ang mismo niya ring katawan.
Ibinuka ni Kamatayan ang bunganga ni Prinsipe Malik at pumasok rito ang itim na usok na galing sa kaniyang katawan. Maluha-luha si Prinsipe Malik habang nararamdaman niya ang pagpasok ng isang malamig na hangin sa kaniyang kalamnan na para bang sinasakop ang kaniyang pagkatao. Binitawan na siya ni Kamatayan at iniwan sa kaniyang kwarto. Hindi siya makagalaw at nakaratay lamang sa sahig. Hindi niya mapigilan ang kaniyang luha sa pag-agos.
"Patawad ina, patawad ama." usal nito. Sa gitna ng kaniyang paghihinagpis ay biglang umilaw ang kaniyang espada at lumabas rito ang isang puti at itim na ibon. Hindi agad nakapagsalita ang prinsipe dahil sa gulat.
"Malik." saad ng itim na ibon gamit ang maginoong boses. Napalunok nalang si Prinsipe Malik at hinintay ang mga susunod na mangyayari.
"Ako ang kasamaang nahiwalay mo kay Kamatayan." pagpapakilala niya. Umabante naman ang puting ibon.

YOU ARE READING
Reveries & Wonders
PoetryI bleed words and turn them into literary pieces. A collection of my poems and short stories. Photo by: Hannah Busing