Magkabiyak-bunga

56 1 3
                                    

Naririto ulit ako at nakatanaw sa silid mo. Patay na ang ilaw na nakasabit sa'yong kisame, at kahit may kurtinang humaharang sa'yong bintana, alam kong umiiyak ka parin. Dinig na dinig ko ang bawat hinaing mo at paghagulgol habang sinasambit mo ang pangalan ko.  Sa bawat pagsapit ng gabi, tanging unan nalang ang nagsisilbi mong sandigan para magpatahan sa'yo. Kadiliman nalang ang dumadamay sa'yo para makatulog ka ng mahimbing ngayong gabi at sa pagsapit ulit ng araw, ipapaskil mo ulit ang isang ngiti sa harap ng iba.

Masaya ka kasama ang mga kaibigan mo. Tuwing ikaw ay nasa eskwelahan, hindi nila aakalain na ang babaeng tinitingala ng lahat dahil sa akin nitong ganda at sigla ay siya ring babaeng nagtangka nang patayin ang sarili niya. Sino nga bang mag-aakala diba? May mga kaibigan ka nga pero hindi mo sila hinahayaang makapasok sa buhay mo. Nag-aalala na ako sa'yo nang husto. Alagaan mo naman ang sarili mo.

Naaalala mo pa ba 'yung sinugod ka sa ospital? Napaka-critical na ng kalagayan mo noon. Pina-confine ka narin sa Intensive Care Unit dahil nag-aagaw buhay ka na dahil sa sakit mo. Hindi ka kasi marunong sumunod sa mga binibilin sa'yo. Kung ano pa ang bawal, 'yun parin ang kinakain at nilalaklak mo.

Pinagmamasdan lang kita mula sa bintana dahil pinagbawalan nila akong pumasok sa loob. Tahimik akong humihiling na sana ako nalang ang naghihirap at hindi ikaw. Hindi ko mapigilan ang luha ko ng mga oras na 'yon. Takot na takot akong mawala ka dahil ikaw nalang ang meron ako. Ikaw pinakamahalagang kayamanan ko sa buong mundo kaya lahat ng pasakit ay susuungin ko para sa'yo.

Kalaunan ay gumaling ka naman. Sobrang saya ko noon nang makatanggap ako ng tawag na ayos na ang kalagayan mo. Halos maniubrahin ko na ang manibela para lang makarating agad sa Ospital. Subalit, hindi ko napansin ang liwanag ng sasakyang paparating. Ang liwanag na maglalayo sa ating dalawa. Sa puntong hindi na tayo muling magkikita pa.

Marami kang rason para kamuhian ako pero hindi mo parin ginawa. Hindi ko nga alam kung mas maganda pa bang kalimutan mo ako o makita pa kitang nahihirapan dahil kahit ilang taon na ang nakalilipas, sariwa parin ang sugat na iniwan ko sa puso mo.

Pasensya ka na kasi iniwan agad kita. Hindi ko rin naman ginusto lahat ng nangyari. Pero salamat parin dahil hanggang ngayon, kinausap mo parin ako sa aking puntod. Sinasabi mo parin sa akin lahat ng problema mo at kung anong nangyayari sa'yo araw-araw kahit palagi naman kitang binabantayan. Hayaan mo, hindi parin kita papabayaan. Siguro tama nga ang kasabihang hindi talaga tayo magpapahiwalay ng kamatayan. Kaya kahit na nakarating na ako sa aking huling hantungan, hindi maglalaho ang pagmamahal ko sa'yo aking kakambal.

Reveries & WondersWhere stories live. Discover now