***
"Mahal na hari, nais kang makausap ng isang taga-ibabaw." Paalam ng kawal at agad itinuro ang kanina pang di mapakali na si Regine. Napabuntong hininga naman ang hari saka tumango.
"Anong kailangan mo binibining taga-ibabaw?" Hindi pa ito nakakapasok ay nagtanong na agad si Haring Goli.
Nag-aalinlangan pang sumagot ang dalaga pero dahil mas nangingibabaw ang pag-aalala niya sa kaibigang si Alcoriza, agad siyang yumuko para banggitin ang kanyang hinaing.
"N-nawawala po ang kaibigan namin. At hindi po ako matatahimik hangga't hindi siya nakakauwi ngayong gabi."
"Anong nais mong iparating?"
"Pagbigyan nyo akong lumabas at hanapin sya kahit mag-isa lang ako." Muling napalunok si Regine dahil wala siyang nararamdaman kundi ang kaba sa anumang magiging reaksyon ng hari sa desisyon nya.
Narinig niya ang mahinang halakhak ng hari na di kalaunan ay naging malakas at umi-echo sa buong kwarto. Pakiramdam tuloy niya ay sinasabi nitong mahina lamang siya at di kayang ipagtanggol ang sarili.
"Nagbibiro ka ba? Si Hershey nga na isang mandirigma ay hindi ko pinayagang lumabas dahil masyadong mapanganib. Ikaw pa kaya na isang hamak lamang na taga-ibabaw?" Dahil sa sinabi ng hari ay halos maiyak na si Regine. Ibig sabihin lang nun ay hindi siya pinapayagan ng hari na lumabas at hanapin ang kaibigan.
"Pero mahal na hari---"
"Mga minamahal kong alalay, dalhin na ang babaeng ito sa kanyang kwarto at bihisan ayon sa ating okasyon ngayong gabi." Sumeryoso ang pagmumukha nito habang pinagmasdang kaladkarin ng dalawang alalay na babae si Regine upang ayusan para sa magaganap na kasiyahan ngayong gabi, ang kapistahan ng Kalyan at muling paglitaw ng asul na bulan.
Napatingin ang hari sa labas ng palasyo at sa kalangitan na unti-unti nang binabalot ng kadiliman.
"Magsisimula na." Sambit niya sa sarili saka nilagok ang alak na nakalagay sa kupita.
***
Sa palasyo ni Paurav ay naihanda nang mabuti ni Red ang mga hukbo sa plano nilang pagsalakay ngayong gabi. Tila handang handa na talaga ang mga ito sa inaasahang digmaan laban sa mga mandirigma mula sa palasyo ng Agartha. Napangisi si Paurav at agad sinenyasan ang mga kawal na makinig sa kanyang sasabihin.
"Makinig kayong lahat!!" Umalingawngaw ang malakas na sigaw ng hari sa buong lugar na kinaroroonan nila. Nanatili namang tahimik si Red sa sulok upang makinig.
"Ngayong gabi ang panahon upang tapusin natin ang pamumuno ng Goli na iyan sa kanyang munting palasyo. Huwag nyo akong biguin mga alagad. Nais kong ubusin nyo lahat ng mamamayan ng Agartha at hayaang ako ang mamuno bilang pinakamataas sa lahat! Tayo. Tayo ang dapat maghari! Sakupin ang palasyo ng Agartha!!"
"Sakupin ang palasyo ng Agartha!"
Sa isang iglap ay napuno ng sigawan ang buong lugar habang itinataas ng mga Paurav warriors ang kanilang mga sandata. Handang handa na nga sila para sa pananakop.
Napatingala si Red sa langit at napagmasdang magsisimula nang lumitaw ang asul na bulan na natatakpan ng makakapal na ulap. Ipinaypay niya sa sarili ang dalang abaniko at naging dahilan upang lumikha ng kakaibang itim na usok.
"Nagsisimula na ang pagdiriwang. Simulan na ang kasamaan." Nagngising demonyo ang dalaga at nagsimula nang kumilos ang mga mandirigma patungo sa palasyo ng Agartha.
***
Napakasigla ng paligid. Maingay dahil sa musikang nililikha ng orkestra sa bandang gilid ng dome. Nagsimula na ring magkislapan ang mga ilaw na nakapalibot sa pagdarausan ng pagdiriwang. Hindi na magkamayaw ang mga kantahan, sigawan, sayawan at tawanan ng mga mamamayan ng Agartha. Ang iba naman ay naghahanap na ng mainam pwesto para hintayin at mamasdan ang asul na bulan na lilitaw na rin mayamaya lamang.
Nakamasid lamang si Hershey sa mga ito mula sa terrace ng palasyo. Napangiti siya ng tipid nang makita kung gaano kasaya ang mga tao ngayong gabi. Bumuntong-hininga na lamang siya para pawiin ang nararamdamang pag-aalinlangan.
"C'mon Hershey. Kalma lang. Enjoy." Mahinang pangungumbinsi niya sa sarili.
"Ohmy!! Kinakabahan ako. Unang beses kong makakaharap ang halos lahat ng mga tao ng Agartha. Hindi ko alam ang gagawin ko." Ani ni Neva at patuloy ang pagpaypay sa sarili habang inaayusan siya ng alalay.
"Calm down Neva. Haharap lang naman tayo sa kanila. Hindi makikipaglaban." Giit ni JhunaMae at napangisi sa harap ng salamin. Bagay na bagay rito ang make-up niya at ang suot ng warrior attire na tulad nina Hershey at Neva.
"Oo nga pala. Siguro dahil lang to sa excitement. Ikaw Hershey? Kinakabahan ka rin ba?" Nakangiting tanong ni Neva sa dalaga na tahimik lang sa may terrace. Wala siyang natanggap na sagot. Nagkatinginan sila ni JhunaMae.
"Hershey?" Sa pagkakataong ito ay si JhunaMae na ang tumawag. Parehas silang napalingon nang maramdaman ang kakaibang pag-ihip ng hangin na pumapasok na sa kanilang silid.
"Hindi ito magandang pangitain." Seryosong saad ni Hershey at napatingin sa kawalan kung saan nagsisimula nang kumalat ang itim na usok.
Natatarantang napatayo sina Neva at JhunaMae at halos sabay pang napahawak nang mahigpit sa kanilang mga sandata.
"Ang itim na mahika. Malakas ang kutob kong walang kinalaman rito ang paglitaw ng asul na buwan. Isa lang ang ibig sabihin nito." Paninigurado ni JhunaMae at napatingin sa mga kasama.
"Nagsisimula nang kumilos ang mga kalaban." Natahimik ang tatlo at naramdaman na naman ang malamig na hangin na pumapasok sa kwartong kinaroroonan nila.
"Patawad pero kailangan kong suwayin ang utos ng hari. Kailangan kong mailayo mula sa emperyong iyon si Alcoriza at ang kanyang kapatid." Napanganga sina Neva dahil sa sinabi ni Hershey.
"Nagbibiro ka ba Hershey? Magsisimula na ang kasiyahan. Hahanapin tayo ng hari. Hindi tayo pwedeng---"
"Kung sakali man, hindi ko ito pagsisisihan. Tatanggapin ko na lamang ang anumang kaparusahan na igagawad sa akin ng hari." Napahigpit ang kapit ng dalaga sa sandata niyang espada. Desidido talaga ito sa nais gawin.
"Anong gagawin natin?! Nagsisimula na ang kasiyahan sa ibaba!" Hindi malaman ni Neva kung ano ang uunahin.
"Mas mabuting ako na lamang ang kumilos at manatili muna kayo rito sa palasyo upang samahan ang hari sa selebrasyon. Kung lumala man ang nakikita nyong usok, balaan nyo na ang lahat at ihanda nag hukbo, maliwanag?" Paglilinaw ni Hershey sa dalawang dalaga. Hindi naman sumagot ang mga ito.
Nang hindi makatanggap ng sagot ang dalagang si Hershey ay tumalikod na ito upang lumakad. Tatalon na sana siya mula sa terrace ng palasyo nang biglang magsalita si JhunaMae dahilan para mapatigil siya.
"Sasama kami." Gulat na napatingin si Hershey sa dalawang kaibiga at binigyan naman siya ng mga ito ng isang tipid na ngiti.
"Remember the Musketeers' motto?" Napatango tango si Neva.
"One for all, all for one!!" Sabay Sabay na sambit nila saka nag-thumbs up pa.
"Sasama kami dahil nangako tayo sa isa't isa na poprotektahan natin hindi lamang ang hari, ang reyna at ang mamamayan ng Agartha, kundi ang mga sarili natin. Protektado natin ang isa't isa Hershey. Walang iwanan." Seryosong saad ni JhunaMae kaya walang nagawa si Hershey nang magsihanda na ang mga ito.
"Maiintindihan rin ng hari ang ating gagawin. Ipahahanda ko kay Archdave ang mga kabayong gagamitin ngayon din." Agad inihanda ni JhunaMae ang kanyang pana at busog gayundin si Neva na kinuha na rin ang kanyang armas.
Hindi niya mapigilang mapangiti sapagkat hindi nga siya nagkamali. Nahanap na nga talaga niya ang kanyang mga tunay na kaibigan.
***
Note:
Above is the portrayer of JhunaMae's character. Thanks for reading!
BINABASA MO ANG
Agartha | Published Under KM&H BLACK PAPER FOREST PUBLISHING HOUSE
AdventureAgartha is a legendary city that is said to reside in the Earth's core. It is the existing inner earth kingdom, the undiscovered civilization underworld. Join Alcoriza, Emm and Regine as they explore the magical world of Agartha filled with mysterie...