✴ Kabanata 30 ✴

1.1K 56 0
                                    

Nakatulala ako sa ngayo'y nakaupo sa dagat na si Yuishito, hawak n'ya ang kanyang balikat na may tama ng bala.

Yuishito...

Sambit ko ngunit walang nalabas na letra sa aking bibig, hindi ko namalayan na bumagsak na pala ang mga luha sa aking mga mata.

"Mauna na kayo!" sigaw ni Yuishito na bakas sa mukha ang sakit dahil sa natamong sugat.

"Paano ka?" sagot naman ni Yoshito.

"Iligtas mo ang mga binibini---"

Pero huli na. Dahil nakarating na ang ilang mga kalalakihang may maduduming kasuotan, ang iba ay may hawak na riple at ang iba naman ay may hawak na tabak o di kaya'y mahabang bolo, may dala rin silang mga lampara kaya't lumiwanag ang aming paligid.

"Mga pangahas!" wika ng isang lalaking may makapal na bigote, may sariwa siyang sugat sa bandang braso na natalian ng tela, punit at madumi ang kanyang suot na kamiseta at pantalon halata sa kanyang mukha ang digmaang nangyayari sa lugar na ito.

"Who are you?" tanong naman ng isang matangakad na lalaki na nasa kanan ng lalaking naunang nagsalita. Kahit sa dilim ay sumisigaw pa rin sa mukha nito ang kanyang ibang lahi. Dahil na rin sa sinag na nagmumula sa dala nitong lampara, lubusan kong naaninag ang kanyang mukha. Matangos ang kanyang ilong, ang bibig n'ya ay maninipis at ang kanyang mga mata ay malalim at kasalukuyang matalas ang tingin sa amin.

"Kayong dalawa," ani isang hindi katangkarang lalaki at itinuro kaming dalawa ni Ate Luna gamit ang mahaba niyang sukbit na baril, kinabahan ako nang bigla niyang itinutok sa aking gawi ang kanyang riple at sa palagay ko'y ganoon rin ang naramdaman ni Ate Luna base sa naging reaksyon nito.  "Hindi kayo mga mukhang hapones, bakit kayo naparito?" tanong n'ya habang pinagsasalitan ang tingin sa amin ni Ate Luna.

"Pakiusap, ilayo mo ang baril mo sa kanyang gawi," boses iyon ni Yoshito. Nanlaki ang mga mata ng mga kalalakihang nasa harapan namin, bakas sa kanilang mukha ang gulat sa pag-gamit ng salitang tagalog ni Yoshito.

Unti-unti ibinaba ng lalaki ang riple na nakatutok kay Ate Luna, nakita ko naman ang kaginhawaan sa mukha ni Ate Luna nang sandaling ibaba ng lalaki ang nguso ng riple sa buhanginan.

"Hindi n'yo sinasagot ang aming mga katanungan! Sino kayo?" sigaw ng lalaking naunang nagsalita.

Walang nagsasalita sa aming panig, miski ako, hindi ko mahalagilap ang aking dila.

Nang walang sumagot sa aming panig ay nagpaputok ang isang lalaki sa aming panig, at natamaan ang braso ni Yoshito na tinutulungan si Yuishito na sumampa sa bangka. Napamura si Yoshito sa sakit sanhi ng sugat na mula sa pagtagos ng bala sa kanyang braso.

"Yoshito," usal ni Ate at nag-aalalang nilapitan si Yoshito. Hinawakan nito ang sugat ni Yoshito at diniinan upang tumigil sa pagdurugo.

Dumako ang tingin ko sa ibaba kung nasaan si Yuishito. Wala na siya sa dagat at nakaupo siya sa dalampasigan habang hawak ang kanyang balikat na patuloy na nagdurugo. Ang kanyang mukha ay halos wala ng kulay at ang kanyang suot na kamiseta ay halos maging kulay pula na dahil sa tindi ng pagdurugo ng kanyang sugat.

Muling bumagsak ang mga luha sa aking mga mata. Labis ang pangsisising ginawa ko sa sarili ko. Kung hindi nila kami tinulungang mag-kapatid, hindi sana sila mababaril.

Humugot ako ng isang mahabang buntong hininga saka ko inilabas ang dala kong bandera.

Iwinagayway ko iyon upang makuha ang kanilang atensyon at hindi nga ako nagkamali. Halos magkakasabay na bumaling sa akin ang kanilang tingin.

Ang mga titig nila ay hindi ko tuwirang mabasa. Paano kung hindi parin sila nakumbinsi sa aking pinakitang bandera? Papatayin ba nila kami?

"Paano napunta sa iyo iyan?" tanong muli ng lalaking unang nagsalita na may mahabang balbas.

Stars Across the Sea [ COMPLETED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon