Chapter 6
KANINA pa wala ang sasakyan ni Wolf sa tapat ng gate nila Ate Helen.
Kanda-haba ang leeg ko. Gabi na pero nagdidilig pa ako ng halaman. Dito sa dalawang piraso kong paso sa labas ng apartment ko. Meron akong oregano at aloe vera. Oregano para kapag may magkaubo at aloe vera para sa moisturizer ng mukha ko. Organic na, matipid pa.
Pero hindi talaga itong mga pananim ko ang dahilan kaya nasa labas pa ako. Nagpapahangin lang talaga ako.
Nang marinig kong bumukas ang pinto sa apartment nila Ate Helen ay agad akong lumingon don.
Lumabas si Meryl sa pinto ng bahay nila. Babatiin ko sana 'kaso nakasimangot ang dalagita at tuloy-tuloy papunta sa gate. Mayamaya ay lumalabas na rin ng bahay si Ate Helen, nakasimangot din.
Inilapag ko muna ang watering can sa ibabaw ng mesa na nasa tapat ng bintana ng apartment ko. "Anong nangyari sa inyong mag-ina, 'Te?" Saka parang wala yata si Wolf, dugtong na tanong ko sa isip.
Pinara ni Meryl ang unang tricycle na dumaan sa harapan ng apartment namin. Sumakay agad ito don.
"Hayun, nabwisit sa akin kasi tinalakan ko!"
"Nag-away kayong mag-ina?" Saka hindi ba uuwi si Wolf ngayon?
"Nakakainis iyong batang 'yon. Nakita ko kasi ang ka-chat niya kanina, ina- I love you ba naman niya! Naku, nakakainis."
Napangiti ako. Tipikal na ina talaga si Ate Helen. Paranoid na kasi may dalaga na. "Nagtatampo sa akin dahil ayaw ko siyang payagang magka-boyfriend."
"Alam mo naman ang mga kabataan ngayon, Ate. Kapag binawalan mo, lalo pang sumisige." Hindi ba uuwi si Wolf?
Umismid siya. "Hindi ko rin naman matiis kasi na hindi higpitan. Syempre natatakot lang naman ako na madisgrasya siya nang maaga."
"Mukha namang wise si Meryl. Siguro ay alam naman niya ang tama at mali. May limitasyon siya sa sarili." Mukhang hindi nga uuwi ngayon si Wolf.
"Walang limitasyon ang kumekerengkeng! Mapupusok pa ang mga bata ngayon, e. Mga bulag at bingi kapag in love. Mabuti nga sana kung in love talaga, e. 'Kaso akala lang nila, in love sila. Inpatuweysyon lang naman!"
"Magtiwala ka kay Meryl."
"Hindi ko kayang magtiwala!" Pumalatak pa ang babae. Aburidong-aburido.
"Huminahon ka, 'Te. Wala pa, pino-problema mo na."
"Kinakabahan ako, Ingrid! Kabado ako sa galawan ng mga bagets ngayon. Paano 'pag nabuntis ang anak ko? Ang bata pa masyado. Mapapatay ako ng asawa ko tiyak!"
Hindi na ako nag-komento pa. Nanay siya, natural na mag-panic talaga siya. Naiintindihan ko naman siya. Mahirap nga naman kung madidisgrasya ang dalagita niya. Nag-aaral pa si Meryl, batang-bata pa. Ano ang alam nito kung sakaling mabubuntis agad? Mahirap nga naman iyon. Napakahirap.
Pumasok na ako sa bahay bitbit ang watering can, inilagay ko iyon sa kusina. Nasa sala na si Aki, pawisan at mukhang pagod.
"O bat di ka pa naka-pajama?" tanong ko sa kanya. Mag-a-alas-otso ng gabi. Maaga kong pinapatulog si Aki kapag may pasok sa school.
"Mamaya na." Nakakunot pa ang noo ng paslit. Magkasalubong ang makakapal na kilay.
Nilapitan ko siya at dinama ang likod niya. "Bakit basa ka ng pawis? Anong ginagawa mo sa kuwarto at pawis na pawis ka?"
BINABASA MO ANG
He Doesn't Share
General FictionIngrid is being stalked by a mysterious stranger. She thinks he's a psycho and is deeply afraid of him. However, her curiosity got the better of her, which made her seek him instead. She doesn't anticipate that by doing so, she has given him the pow...