Chapter 31"NASAAN NA SIYA?"
Nasa pinto lang si Alamid, wala siyang kakilos-kilos don. Magulo ang buhok niya, nangingitim ang ilalim ng mga mata niya, gusot ang suot niyang polo at halata ang pagod na hindi niya iniinda. Sa labas ng apartment ay may mga private men siya na kasama.
"Nasaan si Aki? Nakita niyo na ba siya? Nasaan siya?"
Walang imik na nakatingin lang sa akin si Alamid. Kung hindi pa rin siya kumakain o nagpapahinga ay hindi ko alam. Wala akong pakialam.
"Saka bakit ka nandito? Di ba dapat naghahanap pa kayo?" Nangingilid ang mga luhang tanong ko. "Dapat hinahanap mo pa si Aki!"
"Ingrid, kumain ka muna." Boses ni Ate Helen. Galing siya sa kusina. Kagabi pa siya nandito sa bahay. Hindi niya ako iniwan gaya ng bilin ni Alamid sa kanya. Palagi siyang nakasunod sa akin kahit saan ako magpunta.
Panay tunog ang cell phone ko. Lahat yata ng teachers, parents ng kaklase ni Aki sa school at mga kapitbahay namin ay kino-contact ako para makibalita. Kahit si Abraham ay panay ang tawag at text sa akin. Hindi ko sila maharap lahat. Mabaliw-baliw ako sa pagpopost sa Facebook, sa pagtawag at pagpunta sa mga ospital, ampunan at sa mga lugar na pwedeng kapuntahan ni Aki. Sa buong maghapon ay iyon ang ginawa ko.
Ang kukupad ng mga pulis. Ang kukupad ng mga imbestigador. Ang kukupad ng mga private men ni Alamid. Ayokong umasa lang sa kanilang lahat!
Mamaya lang kaunti, lalabas ulit ako para maghanap. Iikutin ko ang buong Rizal at buong Maynila para hanapin si Aki.
"Wolf, pagsabihan mo 'yan. Baka bigla na lang bumulagta 'yan sa gutom at pagod. At ikaw rin, magpahinga ka rin naman kahit kaunti. Marami naman nang naghahanap kay Aki."
Dalawang araw nang wala si Aki. Hanggang ngayon, hindi pa rin ito nakikita. At wala pa ring lead kung nasaan ang bata.
"Maghapon tayo sa labas, Ingrid, at ni hindi ka pa nag-aalmusal. Kung ako nga, pagod na, ano ka pa? Wala ka pang tulog kahit sandali, ah."
Hindi. Hindi pwedeng hindi rin ako maghahanap. Baka kasi nandiyan lang si Aki at nagtatago. Baka ako lang pala talaga ang hinihintay niya para magpakita siya.
"Ano ba kayong dalawa, ha? Papatayin niyo ba mga sarili niyo? Ni wala pa yata kayong tulog na dalawa, ah!"
Para na akong mamamatay sa pag-aalala. Takot na takot ako sa mga posibleng mangyari sa anak ko.
"Sampung milyong piso ang reward!" Natutop ni Ate Helen ang bibig. Hawak-hawak niya ang remote ng TV.
Napatingin ako sa nakabukas na TV. Nasa screen ang picture ni Aki na sa tingin ko ay sa cell phone ni Alamid kinuhanan. Nakangiti ang bata sa picture, kumikislap sa tuwa ang mga mata habang may hawak na icecream ang isang kamay.
"I'm going to raise the reward to one-hundred million."
Napalingon naman ako kay Alamid. Nasa TV na rin nakatingin ang malungkot niyang mga mata.
Inilipat ni Ate Helen sa ibang channel ang TV. Halos sa lahat ng news, ang pagkawala ni Aki ang ibinabalita. Sisiw lang iyon kay Alamid sa dami ng pera niya. Pero bakit marami siyang pera ay hindi niya pa rin mahanap si Aki?!
"Alas sais na pala. Sige na, kumain ka na, Ingrid. May pagkain sa mesa, sisilipin ko lang mga anak ko sa kabila."
Naiwan kaming dalawa ni Alamid.
"Gusto ko nang makita si Aki." Hindi niya ako pinansin.
Lumapit siya sa switch ng ilaw at pinatay ang ilaw sa sala.
BINABASA MO ANG
He Doesn't Share
General FictionIngrid is being stalked by a mysterious stranger. She thinks he's a psycho and is deeply afraid of him. However, her curiosity got the better of her, which made her seek him instead. She doesn't anticipate that by doing so, she has given him the pow...