Chapter Nine

2.6K 88 0
                                    

MASAKIT na masakit ang ulo ni Resen nang magising siya. Pakiramdam niya, binibiyak iyon. Hindi nakatulong na ang istriktong mukha ng mommy niya ang sumalubong sa kanya pagmulat niya ng mga mata.

I'm so doomed.

Bumangon si Resen sa kabila ng pananakit ng ulo niya. Kailangan niyang magpaliwanag sa mommy niya bago pa madamay si Snicker sa magiging parusa ng ina sa kanya. "Mommy, walang kasalanan si Snicker sa nangyari kaya huwag mo sana siyang pagalitan. Ako ang pumilit sa kanya na payagan akong uminom ng alak." Itinaas pa niya ang kanang kamay. "Promise."

Tumaas ang kilay ng mommy niya na nakaupo sa gilid ng kama niya habang nakataas ang kilay. "Alam mo ba na nang iuwi ka ni Snicker kagabi na lasing na lasing, sinabi niya sa'kin na huwag kitang pagagalitan dahil kasalanan niya't pinayagan ka niyang uminom ng alak?"

Sa kabila ng takot ni Resen sa magiging parusa sa kanya ng mommy niya, hindi pa rin niya napigilang mapangiti. "What can I say, Mom? Partners in crime kami ni Snicker eh, kaya hindi kami naglalaglagan."

Pabirong piningot siya ng mommy niya na ikina-"aray" niya. "Ikaw talagang bata ka. Nang magpaalam ka na pupunta ka ng party, hindi ko in-expect na uuwi ka ng lasing." Nang bitawan siya ng mommy niya, natawa ang ina at niyakap siya. "You're a big girl now! Congratulations, my precious daughter!"

Nagulat si Resen sa reaksyon ng ina. "Mommy, hindi ka galit?"

Ngumiti ang kanyang ina at hinawakan ang kamay niya. "Nag-alala, oo. Pero hindi ako galit. Ito ang unang pagkakataon na umuwi kang lasing. Nagpapasalamat na nga lang ako at dahil iyon sa nag-enjoy ka sa party at hindi dahil nabigo ka sa pag-ibig. Saka teenager ka, anak. Natural lang siguro na gustuhin mong maranasan ang mga bagay na 'to. At alam ko namang kung pipigilan kita ay tiyak na magrerebelde ka lang."

Napangiti si Resen sa pagiging maunawain ng mommy niya. "That's so sweet, Mom. Thank you. And I'm sorry kung hindi ko nadala ang sarili ko nang nalasing ako. Promise. Sa susunod na mag-party ako, hindi ako iinom ng marami."

Tumango ang kanyang ina. "Iyon lang ang hihilingin ko sa'yo, anak. Kapag nag-party ka, sana ay huwag mong kalimutan ang mga limitasyon mo. Papayagan kitang uminom ng alak, pero 'yong kaya mo lang dalhin. Kung posible, huwag ka nang uminom at all. Pero ang hindi puwede sa'kin ay ang drugs, paninigarilyo, at sex, okay?"

Nag-init ang mga pisngi ni Resen. Nailing siya sa tinatakbo ng usapan nila ng kanyang ina. "Mommy naman..."

"Dalaga ka na, anak. Kaya kailangan na nating pag-usapan ang limitasyon mo," marahang sabi ng kanyang ina. "Pinayagan kitang mag-boyfriend nang mag-eighteen ka na. Pero sana, huwag mong kalilimutan ang mga values na tinuro ko sa'yo pagdating sa pakikipagrelasyon. Hangga't nag-aaral ka pa, ang gusto ko ay mag-focus ka muna sa school, okay?"

Tumango si Resen. "Yes, Mom."

Hinaplos ng mommy niya ang pisngi niya. "Mabuti na lang at mapagkakatiwalaan ang best friend mo kaya panatag akong walang masamang mangyayari sa'yo kapag siya ang kasama mo. Alam mo bang sising-sisi siya kagabi na sinama ka niya sa party ng kaibigan niya? At ngayon ka, nagprisinta ang batang 'yon na linisin ang sasakyan natin para makabawi raw sa'tin."

Nanlaki ang mga mata ni Resen. "Nandito si Snicker, Mom?"

Nakangiting tumango ang kanyang ina. "Napakaaga niyang dumating, anak. May dala pang mainit na sabaw at aspirin para sa'yo. Speaking of which..." Iminuwestra ng mommy niya ang night table kung saan nakapatong ang mainit na sabaw, aspirin, at isang baso ng tubig. "Si Snicker ang naghanda niyan. Napaka-sweet talaga ng kaibigan mong 'yon. Malayong-malayo sa dating Snicker na una mong inuwi sa bahay noon."

Napangiti si Resen sa alaala. When she first brought Snicker home to meet her mom, he was like a savaged beast. Iyon ang dahilan kung bakit gaya niya ay mabilis gumaang ang kalooban ng ina niya sa binata. "Mommy, ang dami nang friends ni Snicker ngayon."

Stuck In The Friendzone (Published, 2015)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon