Chapter Thirteen

2.4K 72 0
                                    

SIGURADO si Snicker na may ginawa na naman si Winston para paiyakin si Resen, kahit pa walang sinasabi sa kanya ang dalaga. Simula ng araw na makita niyang umiiyak ito sa ospital, alam niyang may problema ito na hindi lang sinasabi sa kanya.

Kaya ng araw na 'yon, nagpasya siyang dumeretso muna sa suki niyang flower shop bago pumasok ng unibersidad. Gaya ng madalas, in-order niya ang paboritong red roses ni Resen. Habang nasa lounging area siya at sinusulatan ang card, lumapit sa kanya ang pinsan niyang si Smile na siya ring may-ari ng flower shop.

"Hey, cousin," masiglang bati ni Smile sa kanya, saka umupo sa katapat niyang silya.

"Hey," ganting-bati ni Snicker nang hindi nag-aangat ng tingin sa pinsan niya. Pine-perfect kasi niya ang panggagaya sa penmanship ni Winston at kailangan niya ng matinding konsentrasyon para ro'n.

Pumalataktak si Smile. "Hanggang kailan mo gagawin 'yan?"

"Ang alin?"

"Ang ipaako kay Winston ang lahat ng kadakilaang ginagawa mo para mapasaya si Resen. Hanggang ngayon ba, hindi pa rin alam ng babaeng 'yon na ikaw ang nagpapadala ng mga bulaklak at card sa kanya at hindi ang tuod niyang boyfriend?"

Binigyan niya ng naiiritang tingin ang pinsan niya. "Hangga't napapasaya ni Winston si Resen, gagawin ko 'to."

Sumimangot si Smile. "Alam mo, hindi kita maintindihan. Alam naman nating lahat na matagal nang nawala ang sparks sa relasyon nina Winston at Resen, pero kinailangan mo pang umentra at gumawa ng mga paraan para mag-work uli ang relasyon no'ng dalawa. Kung hindi ka nagsimulang magpadala ng flowers para kay Resen na nakapangalan kay Winston, malamang, matagal na silang nag-break officially."

"Masasaktan si Resen kapag naghiwalay sila ni Winston."

"Eh di ligawan mo na siya at pasayahin. You treat her better than Winston does anyway. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit pumapayag kang maging dakilang best friend lang."

Bumuga ng hangin si Snicker, tinigilan na ang pagsusulat dahil dumidiin na ang paggamit niya ng pen. Nagdekuwatro siya habang nakahalukipkip, saka binigyan ng malamig na tingin ang pinsang si Smile. "Hindi ako bagay kay Resen by default. Hindi ko ipipilit ang sarili kong maging boyfriend ng isang prinsesang gaya niya. Ang magagawa ko lang bilang lalaking nagmamahal sa kanya ay ang siguraduhing magiging masaya siya sa lalaking mahal niya."

Tumawa ng pagak si Smile. "Naniniwala ka ba talagang mas bagay si Winston kay Resen kaysa sa'yo? That guy is a self-absorbed jerk. Sa panlabas, mukhang matino. Pero masama ang vibes ko sa lalaking 'yon. Pakiramdam ko, nasa loob ang kulo no'n.

"Hindi tulad mo. Ikaw, oo nga't maangas ka at madalas na napapaaway. Pero deep inside naman, gentleman ka at hindi nananakit ng mga walang laban, lalo na kung hindi ka naman inaano. Heck, you even wear your heart on your sleeve when it comes to Resen!"

Napangiwi si Snicker sa pinagsasasabi ng pinsan niya. "Parehong respetadong news anchor ang mga magulang ni Winston. Kriminal ang tatay ko. Sino sa tingin mo ang mas bagay kay Resen, ha? Kahit gaano kabait si Tita Rea sa'kin, alam mo namang diring-diri sa'kin ang ibang miyembro ng pamilya niya."

Bumakas ang simpatya sa mukha ni Smile. "Pero alam mong hindi simpleng anak ng kriminal ang tingin sa'yo ni Resen, Snicker. Tinanggap ka niya bilang ikaw. Hindi ba sapat 'yon para sa'yo? Para umasa kang puwede ka niyang mahalin ng higit pa sa isang kaibigan. Cousin, you deserve her more than Winston does."

Ngumiti ng malungkot si Snicker. "Resen is a good person kaya hindi mahirap paniwalaan na natanggap niya ko. Posibleng magkagusto siya sa'kin..." Dahil minsan nang nangyari 'yon. "Pero alam kong magsasawa rin siya sa tulad ko, lalo na't marami akong issue sa buhay. Ayokong iwan niya ko kapag na-realize niyang hindi ako ang lalaking mas bagay sa kanya, kaya mas gugustuhin ko na lang maging kaibigan niya."

Stuck In The Friendzone (Published, 2015)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon